NOONG UNANG araw na pumutok ang balita na si PNP Chief Gen. Nicanor Bartolome ang nabanggit ni Pangulong Noynoy sa media na gusto niyang ipalit kay DILG Usec. Rico Puno, tinext ko si Gen. Nick para sabihin sa kanya na sana hindi matuloy ang pagkakalipat niya sa DILG.
Ang dahilan ko sa aking sarili, iyon ay isang demotion kung tutuusin. Bilang PNP chief, may pinamumunuan siyang sariling kaharian, samantalang kapag napunta siya sa DILG bilang Undersecretary, tauhan lang siya sa isang kaharian.
Ganoon pa man, sinabi ko sa kanya na saan man siya magpunta, hindi pa rin mawawala ang aking todong pagsuporta sa kanya dahil isa siyang matino na opisyal.
NGAYON, MULING pumutok ang balita tungkol sa pahayag ni P-Noy hinggil kay Gen. Nick at ang puwesto na iniwan ni Puno pagkatapos nitong mag-resign. Pero sinasabi na ng Pangulo na malamang hindi na maililipat si Gen. Nick sa DILG.
Ang bagong pahayag ng Pangulo tungkol sa hindi na pagpunta ni Gen. Nick sa DILG ay marahil bunga na rin ng kanyang pagsabi noon sa media na bibigyan niya ng freehand si Sec. Mar Roxas na magtalaga ng gusto niyang makasama sa DILG matapos niya itong ideklarang kapalit ng yumaong si Sec. Jesse Robredo.
Marahil, may ibang napupusuang tao si Sec. Mar para sa kapalit ni Puno. At tinutupad lamang ng Pangulo ang kanyang pangako noon kay Sec. Mar na may karapatan siyang pumili ng kanyang mga magiging tauhan sa DILG.
MAS MAKABUBUTI kung tapusin na lang ni Gen. Nick ang kanyang termino sa PNP hanggang sa kanyang pagretiro. Sa nakikita ko, pagkatapos niyang magretiro, may ibibigay sa kanyang puwesto sa gobyerno ang Pangulo.
Malaki ang tiwala ni P-Noy kay Gen. Nick at ‘di tulad ng iba niyang mga in-appoint na opisyal, si Gen. Nick ay ni minsan hindi nasangkot sa anumang kontrobersiya kaya patuloy pa ring pakikinabangan ng Pangulo ang serbisyo nito.
Ayokong magbigay ng ispekulasyon kung ano ang maaaring puwestong ibibigay ni P-Noy kay Gen. Nick pagkatapos niyang mag-retire sa PNP. Ang puwedeng ihula ko lamang na ang puwestong ito ay naaangkop sa kanyang talento at karanasan.
SI GEN. Sammy Pagdilao, ang kasalukuyang hepe ng CIDG, ay magreretiro na rin pagsapit ng February 2013. Dahil maayos ang naging pamamalakad ni Gen. Sammy sa CIDG at napalapit pa nga sa kanya si Sec. Jesse dahil doon, tiyak na mabibigyan din siya ng puwesto pagkatapos niyang
magretiro sa PNP.
Kung ang pagreretiro lang sana ni Gen. Sammy ay malayo pa sa eleksyon, uudyukin ko siyang sumabak sa pulitika at halos nakatitiyak na ang kanyang pagkakapanalo.
Si Gen. Sammy ay isang abogado rin kaya naging maayos ang kanyang pamamalakad sa CIDG, sapagkat malawak ang kanyang kaalaman sa batas at napakinabangan niya ito, dahil ang pangunahing trabaho ng CIDG ay ang mag-imbestiga at magsampa ng kaso.
Sakali mang sumabak siya sa pulitika, kung tutuusin, nababagay sa kanya ang puwesto bilang congressman dahil makakapagpanukala siya ng mga makabuluhang batas na makatutulong sa pagsugpo sa kriminalidad sa ating bansa.
SINA GEN. Nick at Gen. Sammy ay pareho kong mga personal na kakilala bilang mga matitino na opisyal sa ating pamahalaan. Silang dalawa ang nais kong makita na patuloy na manilbihan sa ating gobyerno pagkatapos nilang mag-retiro sa PNP. Sila ang mga opisyal na hindi nagbibigay ng sakit ng ulo sa Pangulo at kahihiyan sa PNP.
Shooting Range
Raffy Tulfo