‘YON ANG puno’t dulo ng impeachment trial ni CJ Renato Corona. Batuhan ng putik at imburnal. Pagalingan ng panlalait. At paglulubid ng kasinungalingan.
Kakatwa na ang nag-aakusa at inaakusa ay parehong may dungis. Kung tutuusin, sino ang walang sala? Sino ang ‘di namamahay sa bahay na salamin?
Malas lang, si Corona ang napuntirya.
Giyera ng mga bansa, away ng pamilya o alitan ng magkapatid at magkaibigan, ang ugat, kalimitan ay salapi. Ang pag-aaway sa salapi ay bunga ng greed o kasakiman. Ang kasakiman ay dulot ng ating original sin.
Si Corona ay ‘di ordinaryong mamamayan o public official. Dapat siyang role model sa integrity, honesty at transparency. Ngunit sa mga lumabas na ebidensiya, tila kabaligtaran siya. Maaaring pinag-ugatan nito ay salapi. Labis na pagkakamal ng salapi na ‘di maipaliwanag ang pinanggalingan.
Mitsa rin ng kalunos-lunos na kapalaran ni dating Pangulong Arroyo at kabiyak ay pagkagumon sa salapi. Ngunit ‘di sila nag-iisa. Maraming leaders ng kalapit-bansa ay naging biktima rin ng kasakiman. Ayon sa Banal na Aklat, “Money is not the root of all evil but excessive lust for money.”
Sa kaugnay na paksa, lahat tayo ay guilty ng hoarding. Ipon tayo nang ipon, tago nang tago ng salapi lampas sa ating pangangailangan. Magbukas tayo ng aparador at nilulumot ang mga lumang damit at sapatos na ‘di na natin kaila-ngan.
Ano ang leksyon? Kailangang magpagod at magsumikap tayo para kumita ng salapi na
sapat sa ating pangangailangan. Ngunit huwag nating diyosin ang salapi. Ang kalabisan ay dapat nating ipamahagi sa napakaraming nangangailangan. Pinakamasakit na kapalaran ay maging alipin tayo ng salapi.
SAMUT-SAMOT
KAPANSIN-PANSIN NA isang minority sect ay panay ang banat ng paninira sa Simbahang Katoliko. Pinalalabas sa 2 TV networks ang mga converts sa kanilang sekta para manira. Pinagmamalaki nila na ang kanilang sekta lang ang maliligtas sa huling araw ng paghuhukom. Maraming nagagantso ang sektang ito. Malakas ang politial influence dahil isahang bumoto sa napisil na kandidato sa lokal o national na halalan. Kamakailan, nagdaos ng isang nationwide rally para pakita ang suporta kay CJ Renato Corona. Panahon na upang putulin ang kanilang pamamayagpag at kalabisan. ‘Di dapat ipagkibit- balikat ito ng majority Catholics. Sobra na silang nilalapastangan.
ANG KAPA-PANAW na Luis Gonzales ay isang dinadakilang aktor, dekada ‘60. Sa kontrobesiyal na “Iginuhit ang Tadhana” – pelikula sa buhay ni FM – siya ang pumapel na Marcos. Ngunit ‘di siya sumikat dahil lang diyan. Natural umarte, suave at magandang makipag-kapwa, si Luis ay ‘sang dekadang ka-tandem ni Gloria Romero. Mahigit na 100 pelikula ang kanilang pinagtambalan. Kaiba ang uri ng aktor at aktres nu’n. Sa mataas na kalidad ng acting, kasama sina Nida Blanca at Nestor de Villa, Leroy Salvador at Tony Santos, Zaldy Zhornack at Bernard Bonnin. Sa edad na 81, si Luis ay nagkaroon ng productive at fruitful na buhay.
NAKALULUNGKOT NA matapos sirain at buwagin ang Paco Train Station sa Paco, Manila, isang historical landmark, pinabayaan itong tuluyang mabulok sa elemento. Tayong mga Pilipino ay walang sense of history. Katulad din ng historical landmark Jai-Alai Bldg. Sa Taft Ave., binuwag at iniwang nakatiwangwang. Ngayon naman, may balak na ang historical landmark na Postal Office sa Lawton ay gawing hotel. At tingnan natin ang nangyari sa historic Manila Hotel. Nilalangaw ng parokyano dahil sa kung anu-anong pagbabago ang isinagawa ng bagong management. Ang hotel ang dating no. 1 hotel sa buong Asya, kung ‘di sa buong mundo. Anong klase tayong bansa?
PARA ‘KONG idinuduyan ng alaala ‘pag nakatutok sa “Yesterday” program ni R.J. Richard sa DZMM tuwing Linggo ng hapon, 1:00-3:00 PM. Kopong-kopong pang panahon ang mga lumang awiting pinaririnig. Hanging amihan sa isip at kaluluwa sa gitna ng halos araw-araw na ingay, pag-aaway at balitaktakan sa ating kapaligiran. Nakabibingi ang ingay ng mundo. Showbiz balita, hitik ng intriga at alipustahan ang pumupuno sa ating living room. Balita ng malagim na aksidente, sexual assault at korapsyon. Kasama natin sa hapag-kainan. Ang “Yesterday” ay isang pagtakas sa mga ito. Pakinggan n’yo.
NOYNOYING. PANIBAGONG pananalbahe ng grupong militante at political oposisyon laban kay P-Noy. Laman na ng internet at twitter sa buong mundo. Ibig sabihin: lazy president, ‘alang ginagawa, zero performance. O sa maanghang na salita: ubod nang tamad. Masakit ang bansag na ito. Sa totoo lang, gabundok araw-araw ang binubuno ng Pangulo. At ang problema ng bayan ay nagkapatung-patong na. To be fair, magsikap at magtiyaga ang Pangulo. Problema lang, ‘di siya focus sa mahahalagang problema.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez