Denise Laurel, Buntis?!

BLIND ITEM: KINAIINISAN ng mga kapitbahay sa condo building ang isang young star kung saan nakatira ito sa isang unit doon.

Naaasar sila rito, kasi, everytime makakasabay raw nila ito sa elevator, ramdam nilang parang ayaw nitong may iba pang nakasakay roon bukod sa kanya.

“Habang nasa elevator kami, kung tumingin ‘yan, mula ulo hanggang paa. Parang sinisino niya ‘yung tingin niya at may halong panglilibak, alam mo ‘yon?

“Parang diring-diri siya na may kasama siya sa elevator. Hindi lang ako maka-react kasi iniisip ko na lang, baka gano’n lang talaga ang hilatsa ng mukha niya sa personal.

“Pero ang arte talaga. ‘Kala ko nga, ako lang ang naka-notice, eh. Even the other unit owners, irita rin pala sa batang ‘yan. Pagka-arte-arte raw. Ayaw na madidikitan sa elevator!”

Sa totoo lang, in fairness, may advantage ang pagka-maarte ng batang ito sa kanyang career. ‘Yung kaartehan nito ang nakakatawa sa isang gag show.

At kahit nga kami, naaaliw sa kaartehan ng batang ito, kasi naman, talagang kahit ano yatang klaseng hayup ang ipahawak sa kanya, nandidiri rin siya.

Sa sobrang pandidiri, umiiyak na ang bagets na ito. Kaya feeling namin, naturalesa na ang kaartehan sa katawan ng batang ito.

Kaya sa mga unit owners, ‘wag n’yo na lang pansinin o kung malakas ang loob n’yo, pagsabihan n’yo na lang ang bagets para hindi na gano’n ang “trato” sa inyo next time ‘pag nagkakasabay kayo sa elevator.

Clue? Kapangalan niya ang isang newscaster. At ang kanyang apelyido ay karaniwan nang pangalan ng isang lalaki.

Kung hindi n’yo pa nahulaan ‘yan, nako, baka isplitan kayo ng dyowa n’yo.

WALANG PATID ANG tanong sa amin ng mga followers namin sa Twitter. Iisa nga lang ang tinutumbok ng kanilang tanong: Kung buntis ba talaga si Denise Laurel kaya ito nawala sa Martha Cecilia’s Kristine.

Honestly, hindi namin alam ang sagot dito. ‘Yan lang ngayon ang usap-usapan. Pero ang nakalap lang naming impormasyon ay may “attitude problem” din ito sa set ng “Kristine,” kaya nag-decide na rin daw ang management na tsugiin ito.

Totoo bang mula nu’ng pumirma ito ng kontrata sa naturang teleserye ay roon na nagsimula ang kaartehan ni Denise?

‘Yung pagpapaseksi ay ayaw na raw nitong gawin, hindi katulad nu’ng nag-uumpisa pa lang ang taping ay fight lang nang fight ang drama nito.

Tapos, later on, nag-iinarte na raw si Denise at ang inirarason ay baka magalit ang mommy niya ‘pag nagpaseksi.

Kung totoo man ito, sayang naman ‘yung nasimulan ni Denise, lalo pa’t ang dami nang tumatangkilik ng tambalan nila Rafael Rosell.

Sana, hindi ito totoo.

NATATANDAAN PA NAMIN. May isang batang iyak nang iyak sa amin noon, dahil hindi raw siya nakapasa sa first screening for Batch 5 ng Star Circle.

Habang umiiyak, sabi namin sa kanya, “’Wag kang mag-alala, baka me second screening pa, malay mo, ipatawag ka na, ‘di ba? Saka kung hindi iyo, hindi talaga iyo.”

Hanggang sa ibalita na niya sa amin na, “Gie, nakapasa ako sa second screening! Sana, tuluy-tuloy na ‘to!”

Obviously, nagtuloy-tuloy na nga at heto ngayon, sikat na sikat siya ngayon. Ang daming TV commercials. Kahit sinong leading lady, kaya niyang samahan nang walang nagagalit na fans ng loveteam-loveteam.

Tingnan mo nga naman, ano? Sino ang makapagsasabing ‘yung batang iyak nang iyak noon na feeling ay katapusan na ng kanyang mundo, heto’t 3-time Box-Office King ng Guillermo?

I’m so proud of him. Siya din ‘yung sa tuwing magkikita kami ay lagi niyang sinasabi, “Pag may kailangan ka, sabihin mo lang, ha?”

Kaya hindi kami puwedeng magka-amnesia ‘pag ang kanyang humble beginnings ang pinag-uusapan.

Ang dami na niyang intrigang pinagdaanan, pero walang keber ang mga tumatangkilik sa kanya, dahil you can never put a good man down, ‘ika nga.

Kaya tuluy-tuloy mo lang ‘yan, John Lloyd Cruz!

NGAYONG NOV. 27 na ang birthday show ni Ms. Marissa Sanchez entitled “Happy Breast Day, Marissa Sanchez!” sa Zirkoh Morato at 8:30pm.

Napanood na namin ang rehearsals ni Marissa at naaliw kami. At pihadong kahit ang producer nitong Philippine Foundation For Breast Care, Inc. ay matutuwa.

Nood kayo. Nag-enjoy na kayo, nakatulong pa kayong masuportahan ang pangangailangan ng mga kapos nating kababayang may breast cancer at mga survivors.

P1,000 at P600 ang ticket price. You may call 0922-8398877.

Oh My G!
by Ogie Diaz

Previous articleAngelica Panganiban, nalusutan ni Erich Gonzales kay Derek Ramsay?!
Next articleMagka-amnesia kaya?

No posts to display