HINDI AFRAID SI Ai-Ai delas Alas kung magsagupa man ang pelikula niya with Bossing Vic Sotto and Bong Revilla.
Head on collision kasi ang drama ng mga pelikula nila na parehong kasama sa Metro Manila Film Festival. Ang panlaban ni Ai-Ai ay ang Ang Tanging Ina Mo, Last Na ‘To samantalang nagsanib-puwersa naman sina Bong at Vic sa Si Agimat at si Enteng Kabisote. “Kasi sa akin, basta sabi nga ni Direk ‘pag nagawa namin ‘yung best namin, ‘pag nagawa namin na sa tingin namin matutuwa ang publiko ay okay na. Hindi na ako nape-pressure, kasi unang-una idol ko si Bossing at ‘yung dalawang ‘yun, eh, hari ng industriya,” esplika ni Ai-Ai nang matanong kung may pressure ba on her part dahil sanib-puwersa ang drama nina Vic at Bong.
“So, anuman ang mangyari, mag-second man kami ay okay lang, sila naman, eh. Hindi ako papayag ‘pag hindi hari. Pero sila ‘yon, so bonggang-bongga ‘yon. So, okay lang. Hindi na ako nape-pressure,” dagdag pa ng Concert Comedy Queen.
MAGKASUNOD NA NAGPA-CHRISTMAS party for the press ang TV5 at ang ABS-CBN. At kasabay ng kanilang pa-party sa mga manunulat, siyempre, may-I-announce rin sila ng kanilang mga shows na ipalalabas next year.
Kapansin-pansin na puro remake ng old TV shows ang drama ng Singko. Ang dami kasi nilang shows next year tipong updated versions lang ng naipalabas na ilang taon na ang nakararaan.
Ang ilan sa mga programang muling bubuhayin ng TV5 ay ang Bagets na nagpasikat kina Aga Muhlach, Raymond Lauchengco, Herbert Bautista, JC Bonnin at William Martinez; P.S. I love You nina Sharon Cuneta at Gabby Concepcion noon; Iskul Bukol na pinagbidahan nina Tito, Vic & Joey; Ang Utol Kong Hoodlum nina Robin Padilla at Vina Morales.
This is not surprising at all kasi naman may connect si Boss Vic del Rosario sa TV5 ngayon.
Ang Dos naman, parang ganoon din ang drama. Kung ang TV5 ay puro remake, sa ABS-CBN naman ay return of the Jedi ang drama ng kanilang mga shows. Kabilang sa muling ibabalik ay ang Pilipinas Got Talent at ang Pinoy Big Brother.
Kaninong konsepto kaya ang magwawagi?
PARA SIGURO MAKAIWAS sa matinding intriga ay deadma na lang ang beauty ni Denise Laurel sa tsikang preggy siya.
Ang latest tsika kay Denise, wala na raw ito sa Pilipinas ngayon at nagpunta sa US. Hindi naman malaman kung bakit siya nagpunta roon o kung babalik pa siya.
Sa kanyang pag-alis ay lalo lang umiinit ang tsikang buntis nga siya. Ang dali-dali nga naman kasing mag-deny sa TV ngayon. Kung ayaw niyang umapir sa TV, bakit hindi na lang kasi siya mag-text. Aminin niya kung may dapat siyang aminin at i-deny n’ya kung hindi talaga totoo ang mga tsismis na siya ay nagdadalang-tao.
Isang PBA import at siyang itinuturong ama ng dinadala ni Denise. Taga-US ang player kaya naman mas lalo pang umiinit ang intriga kung totoo ngang nasa bansa ni Uncle Sam ang dalaga.
Nag-deny na ang manager ni Denise na si Arnold Vegafria. Ang tanong, may naniniwala ba sa kanya?
FIRST TIME NAMING MA-MEET si Laguna Governor ER Ejercito. This was when he threw a big Christmas party for the press kung saan kasama niya ang buo niyang pamilya led by his wife Pagsanjan Mayor Maita Sanchez and their four children.
Sa maikling open forum ay revelation para sa amin si Gov. Ejercito. Sa kanyang image kasi na magaling na kontrabida, nakamamangha na mapakinggan siyang bumabanat ng English during the short question & answer portion. Magaling siyang magpaliwanag kahit na ang gamit niya ay wikang banyaga.
Sa Q & A na iyon, pinatunayan ni ER na may K siyang manungkulan bilang gobernador ng Laguna. He’s got something in between his ears. May talino siya na sadly ay hindi natin nakikita sa movie na kanyang ginagawa. A case in point ay ang participation niya sa Si Agimat at si Enteng kung saan kontrabida na naman siya.
Lex Chika
by Alex Valentine Brosas