NAGTATAKA ANG mag-inang Angelica Jones at Mommy Beth sa isyung may utang daw sila kay Mahal. Ayon sa actress-politician, walong taon na raw silang hindi nagkikita ni Mahal.
“Ang ipinagtataka ko lang, bakit ngayon lang siya nagsasalita. Dahil ba malapit na ang election?” Pahayag ni Angelica nang puntahan namin siya sa San Pablo City, kung saan ay idinaos ang breast cancer awareness na isa siya sa mga sponsor dahil bokal ang aktres sa lalawigan ng Laguna.
Sabi ni Angelica, nagtataka raw siya bakit biglang nagsalita si Mahal. “May mga taong gumagawa kasi ng mga bagay para sirain ako. At ito ang marumi sa pulitika. Hindi tulad sa atin sa showbiz, ang tarayan ay simple lang.”
Ayon kay Angelica, totoong nangampanya sa kanya si Mahal noong unang tumakbo siya sa pulitika, kung saan ay natalo siya. “Hindi ako galit kay Mahal, pero sana, kinausap muna niya ako nang personal bago siya nagpa-interview sa kamera. Ibig kong sabihin, wala naman kaming masamang pinagsamahan at sana inisip niya iyon, kumbaga ay respetuhan lang.”
Sa kabilang banda, sinabi naman ni Mommy Beth na balak daw sana nilang kunin ang serbisyo ni Mahal sa isang project na gagawin nila ni Angelica. Pero sa nangyari, nag-iisip siya kung tamang bigyan pa ng raket ang mala-duwendeng aktres.
Hindi sinagot nang tuwid ng mag-inang Angelica at Mommy Beth ang tanong kung totoong may utang silang P80 thousand pesos kay Mahal. Basta ang sinasabi lang nila ay matagal na nilang hindi nakikita si Mahal at nagtaka sila kung bakit may ganitong isyung naglalabasan.
Ewan kung aaminin nina Angelica at Mommy Beth, pero isa sa mga close nila ang nagbalita sa amin na may kinalaman si Dennis Padilla sa biglang pagsasalita ni Mahal, dahil si Dennis ay tatakbo rin daw na bokal sa nasabing lalawigan sa susunod na election.
So, ibig sabihin, may namumuong away ngayon hindi lang sa pagitan nina Mahal at Angelica, kundi dawit na rin dito ang dating asawa ni Marjorie Barretto na si Dennis na dating councilor ng Caloocan City? Tsuk!
WILLING DIN palang ipasilip ni Edgar Allan Guzman ang kanyang pagkalalaki na tulad sa unang ginawa noon ni Coco Martin.
Ayon kay Edgar Allan na nakausap namin sa Golden Screen Awards ng Enpress, sinabi nitong handa niyang gawin ang lahat basta maipakita lang daw niya ang kakayahan niya sa pag-arte, kaya ganun na lang ang kanyang kasiyahan nang mapansin ng Enpress ang galing niya sa pag-arte matapos na maging nominado siya para sa Best Comedy Actor.
“Isang malaking karangalan sa akin ang kantahan ang Superstar na si Nora Aunor. Napakasuwerte ko dahil Superstar iyon,” sabi pa uli ng binata sa Pinoy Parazzi.
SA KABILANG banda, ginawaran si Mama Guy ng Lino Brocka Lifetime Achievement Award dahil sa malaking naiambag nito sa pelikulang Pinoy. “Masaya siyempre, masayang masaya ako.”
Sinabi ni Mama Guy na sa mga susunod na buwan ay babalik siya sa Amerika upang simulan na ang operasyon ng kanyang vocal chord. “Masyadong malalim ‘yung pagkakabutas ng lalamunan ko. Doon nagkaroon ng problema talaga, pero ‘yung mismong vocal chord, hindi naman daw nasira. Kumbaga, may paraan pa para maibalik ang aking boses.
Inamin ni Mama Guy na nami-miss niya ang pagkanta at nalulungkot siya kapag naririnig niya ang dati niyang tinig. “Ang totoo, umiiyak talaga ako. Gustung-gusto ko nang kumanta at ang boses kong nawala ang regalo sa akin nang nasa Itaas at masakit sa akin na tuluyang hindi na ako makakanta dahil dito ako minahal ng mga tao at dito ako nakilala bilang Nora Aunor,” pagwawakas ni Mama Guy sa Pinoy Parazzi.
More Luck
by Morly Alinio