KAKAIBA ANG aura ni Dennis Trillo nang humarap ito sa grand presscon ng My Faithful Husband ng GMA 7 with Jennylyn Mercado. Sabi nga niya, mas naging maunawain, mas malawak ang pasensiya, at binigyang halaga ang mga ginagawa niya sa ngayon. Thankful ang actor sa lahat ng blessing na dumarating sa kanya.
Kung bibigyan ng rating ang kanyang lovelife, nasa 10 ito. “Siguro dahil maraming magagandang nangyari bukod sa relasyon namin dito sa bagong soap na ‘My Faithful Husband’. Sa takbo ng career ko, sa nangyayari sa buhay ko, lovelife, lahat-lahat na. Masaya, wala na akong mahihiling pang iba,” pagbibida sa amin ng magaling na aktor. Sa tono ng pananalita ni Dennis, parang nagkabalikan na sila ng ex-girlfriend niyang si Jennylyn.
Masasabi ba ngayon ni Dennis na love is lovelier the second time around? “Oo, masasabi ko ‘yun. Ganu’n talaga, nangyayari talaga ‘yun. Ngayon masasabi ko, love is lovelier the second time around.”
Marami ang nagsasabi na nasa tamang edad na raw si Dennis para mag-asawa. “Ayaw kong napi-pressure kapag dumating ka sa ganitong edad. Ako para sa akin, wala akong finish line na hinahabol. Hindi ako naka-time trial, relax lang ako. Kung kailan maramdaman, kung kailan gapat gawin. Sa ngayon, mas focus ako sa trabaho, pag-aalaga sa pamilya ko.”
‘Yung bang bagong bahay na pinagawa ni Dennis ay para ba sa magiging pamilya niya o sa family? “Ah, para sa pamilya po ‘yun. Ililipat ko lang sila sa mas tahimik na lugar. Unti-unti, naglilipat na, mayroon lang kaming sinusunod na feng shui.”
May plano rin si Dennis magpagawa ng bahay para sa magiging future wife niya. “Eventually, susunod din po ‘yun. Bahala na kung kailangan na…”
In the past, inamin ni Dennis na nagkaroon siya ng experience na nasaktan in the name of love. “Oo naman, nangyayari talaga ‘yun kahit ano… nangyari sa akin ‘yun. Bata pa kasi ako noon, inisip ko na lang, lesson ito para sa akin para magtanda ako sa ganitong pangyayari. So, ‘yung negative na pangyayaring ‘yun, i-convert ko na lang sa positive energy para makatulong sa akin bilang tao at hindi makabagal sa pag-unlad. Isang beses lang nangyari ‘yun. ‘Yung the rest, okay naman lahat dahil natuto na.”
Sa poster ng soap nina Dennis at Jennylyn, kapansin-pansin ang mainit nilang yakapan. Umamin ang aktor may kaba siyang naramdaman. “Siyempre matagal na hindi kami nagkatrabaho, hindi kami nakagawa ng ganu’ng klaseng eksena, nakami-miss din. Mainit, dahil mainit rin ang panahon… nagyakapan kami, mas mainit talaga. Hahaha! Kaso mo nga, ang daming tao…”
Mas relax ngayon si Dennis na katrabaho muli niya si Jennlyn. “Siyempre, mas relax, masaya. Kapag masaya ka, susunod na rin ‘yung pagiging relax mo. Pero may kaunting nerbiyos sa umpisa, ganu’n talaga. Matagal mong hindi nagawa ‘yung isang bagay, so gagawin mo uli, medyo kakabahan ka. Si Direk Joyce Bernal, gusto niyang nagmi-meeting muna bago gawin ang eksena. Pinag-uusapan talaga namin before the take ‘yung eksenang kukunan.”
As lover, faithful nga ba si Dennis sa kanyang girlfriend ? “Oo naman, masakit kasi sa ulo kapag ganu’n. Sinasabi ko nga, mas maganda, huwag ka nang gagawa pa nang makasasakit o puproblemahin.”
Kakaiba sa lahat ng character ang ginampanan ni Dennis sa bago niyang soap na ini-enjoy naman ng aktor. “Na-miss ko nang gumanap ng mababait na character. Madalas kasi ang role ko, ako ang kabit, kumakaliwa, pumapatay. Ngayon, kabaliktaran ‘yung role ko. This time, makuha ko uli ang simpatya ng mga tao sa My Faithful Husband.”
If ever magkaroon ng unfaithful wife si Dennis, ano ang p’wede niyang gawin? “Ikakasira ng ulo ko ‘yun. Hindi ko kakayanin, mahirap ‘yun. Marami ang nawawala sa sarili. Siguro bibigyan ko ng second chance kung talagang mahal mo.”
‘Yung relationship ninyo ni Jenny, kalmado na ba? “Wala na ‘yun, hindi naman agad-agad maaayos ‘yung friendship, kailangang mag-heal muna ‘yung mga sugat. Matagal na panahon na naman ‘yun…”
Papaano nanumbalik muli ang tinatawag ninyong friendship ni Jennylyn? “‘Yung bagay na ‘yun ay nangyayari. Hindi magagawa ng isang tao lang, cooperation ‘yun ng dalawang tao. Siguro kapag dumating ‘yung panahong pareho na kaming may peace of mind, saka namin aayusin. Kumbaga, nag-move-on, kinalimutan na ‘yung mga pagkakamali.”
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield