NANG I-OFFER ni Direk Michael Tuviera kay Richard Gomez ang indie film na Janitor with Dennis Trillo for Cinemalaya, agad itong tinanggap ng actor. It was part of the Directors’ Showcase (Full Length Feature) of the 10th Cinemalaya Independent Film Festival last August. Ang nasabing pelikula ay umani ng magagandang reviews sa Cinemalaya X at nanalo ng major awards mula sa festival, kabilang dito ang Best Director para kay Direk Michael, Best Screenplay (Tuviera at Aloy Adlawan), Best Editing (Tara Illenberger), Best Sound (Mike Idioma) at Best Supporting Actor para kay Nicco Manalo.
Natutuwa si Richard dahil nagkaisa ang Star Cinema at APT Entertainment na magsanib-puwersa para mailabas ito sa mga mainstream na sinehan. “Exciting kasi mas maraming tao ang makapanonood ng movie namin. Especially kung ganito kaganda ang pelikula. Marami na ang nakapanood sa Cinemalaya at maganda ang review kaya magugustuhan nila ang movie namin ni Dennis,” pagbibida ni Goma.
Napakaganda ng working relationship nina Richard at Dennis habang ginagawa nila ang Janitor. “Masarap katrabaho si Dennis. Number one, mabait siya, always on time sa set. Kung ano ang demands ng director, binibigay niya. Kung ano ‘yung demands ng character niya, ginagampanan niya. It’s nice to work with Dennis and hopefully makatrabaho ko siya uli,” papuring sabi ni Chard.
Medyo may ilang factor daw si Dennis nang kukunan na ang first scene nila ni Richard. Napansin agad ito ni Goma kaya hinayaan muna niya itong ma-relax bago kunan ang eksena. “Kadalasan ganu’n naman. Siguro ang laki kong tao. First time na nakikita nila ako, parang alangan sila akala nila suplado ako. ‘Yun nga lagi ang impression nila sa akin. Pero after a while nawawala na ‘yun,” kuwento ng actor.
Napag-usapan din namin ni Richard ang controversial Bench fashion show. Marami ang bumatikos dito dahil sa mga sexy underwear na suot ng mga model/actor. Ano masasabi ni Goma tungkol dito? “Well, Bench fashion show is a show. Wala namang totoo kung hindi ‘yung mga taong naglalakad du’n. Lahat kathang isip, ‘yung mga naglalabasan… This is my opinion, alam naman nating malapit na ang eleksiyon, so ‘yung mga partylist sila ‘yung maiingay na naghahanap ng issue. Ganu’n lang ka-simple ‘yun. Papano kung lalaki ang tinali natin? It’s a show, huwag na nating pansinin ‘yung mga ‘yun. At sana, ito na ang maging end ng issue na ‘yun. Ben Chan is a good man. Bench is helping a lot of people. Bench is the biggest in the fashion industry. Bench is doing it for us.”
Palibhasa pinag-usapan ang Bench fashion show at naging controversial ito, marami ang nagsasabi na dapat daw mag-sorry si Mr. Ben Chan in public. “Dapat hindi siya mag-sorry. Walang dapat i-sorry. Maraming bagay na dapat nating bigyan ng focus. Itong show, ini-entertain lang naman nila tayo. Pinapakita nila kung ano ang fashion for the season. ‘Yun lang ‘yun.”
Kung kay Richard kaya pinasuot ang mga sexy underwear ng Bench, gagawin kaya niya? Pati nga ‘yung mga foreigner kasama sa production ay pinuna rin. “Gagawin ko rin. It’s a show, lagi namang may foreign technical involve kapag gumagawa ang Bench. Para sa akin, dapat tigilan na natin ito. Unless, gusto nilang pasikatin ang Bench, other than that. Kung naghahanap na pasikatin ‘yung partylist na maiingay, huwag na. Maraming nakikisawsaw, hindi lang ‘yung Gabriela, marami. There’s a lot of issues na dapat pagtuunanan natin ng pansin. Let’s move on…” pahayag ni Goma.
Ayon nga kay Richard, marami raw ang magre-react na pulis kapag napanood nila ang pelikula. “Marami dahil totoo naman. Itong Janitor, nangyayari sa totoong buhay ito. Bakit hindi ito ang dapat bigyan ng pansin. Buhay ang pinapatay rito, bakit hindi pagtuunan ng pansin ang bagay na ito, ‘di ba? Makakatulong ito sa eleksiyon…”
Walang dahilan para hindi magtuluy-tuloy si Richard sa paggawa ng indie film. “It really depends on the material. Kapag maganda ‘yung material, gagawin ko,” turan niya.
Gusto rin ni Robin Padilla makatrabaho si Goma same with Aga Muhlach. Mala-“Hang-Over” ang tema ng pelikulang pagsasamahan nilang tatlo at si Cesar Montano ang napipisil ni Binoe na maging director.
“Matagal nang napag-usapan namin ‘yun ni Robin. Next year sana makagawa kami ng pelikula nina Robin at Aga. May gagawin kami ni Cesar. One of this day kailangang mag-usap kami ni Robin para matuloy ‘yung project namin together. Ngayon kasi may chance kang makapamili ng magandang script. Masarap ‘yung nagkakasama-sama kami. Lalo na kapag abroad, sige.” Excited na turan ni Richard.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield