NAGING SENSATIONAL ang beki-seryeng My Husband’s Lover ng GMA-7 dahil sa kakaibang istorya nito. Hanggang ngayon, hindi natitinag sa pagiging number 1 ang MHL sa rating. Palibhasa nakaiintriga ang bawat eksena kaya’t kinasasabikan at patuloy na sinusubaybayan ng manonood ang intriguing love affair nina Eric (Dennis Trillo), Vincent (Tom Rodriguez) at Lally (Carla Abellana).
Malaki ang naitulong ng manager ni Dennis Trillo sa character na pino-portray nito bilang beki sa nasabing soap. Say ng actor, “Kung walang risk, walang rewards. Matinding risk nu’ng pinaplanong gawin itong MHL, matinding rewards naman ang natanggap namin ngayon nang mag-present kami ng ganitong klaseng programa sa manonood.”
Inamin ni Dennis na itong MHL ang biggest teleserye niyang nagawa sa Kapuso Network. “Ito na talaga, ‘yung impact nu’ng “Mulawin”, ganito rin parang umulit pero mas matindi pa. Iba ‘yung impact nitong teleserye namin sa viewers. Mayroong something, may magic, hindi ko alam. Siguro ‘yung story at saka ‘yung overall. ‘Yung pagtutulungan ng lahat ng involved, staff, crew at mga artista. Kahit puyat, masayang nagtatrabaho dahil masaya sa ginagawa nila.”
Hindi ba naisip na Dennis na maganda ang exposure ng character ni Vincent kaysa kay Eric? “Hindi naman, sobra akong happy to portray na role as Eric. Pinili ko naman ‘yun, challenge sa sarili ko dahil medyo paulit-ulit na ‘yung role na ginagawa ko. Gusto ko ng iba, kaya ‘yun. Nu’ng pangalawang beses kaming nag-meeting, tinanong nila ako kung anong character kina Vincent at Eric ang gusto ko. Pareho nila akong napi-picture sa dalawang character. Gusto nila sa akin manggaling kung alin ang mas matimbang na role na gusto kong gawin, kaya Eric na lang ang pinili ko, okay lang ‘yung bading,” pahayag ng magaling na actor.
Ikinuwento ni Dennis na may ilangan factor sila ni Tom nu’ng bago pa lang nilang simulan ang MHL. “Sa pictorial pa lang, asiwa na kami na may holding hands , asiwa talaga. Gagawin namin ito nang matagal, isang buong season. Marami kang naiisip, baka tumatak sa ‘yo na bigyan ka ng role na bakla na lang palagi. Nagkasama na kami ni Tom sa “Temptation Island”, du’n kami unang nagkakilala. Ang nakatutuwa sa team ng MHL, nagtutulungan ang bawat isa kaya siguro nakikita ng manonood na pinaghihirapan ‘yung ipinalalabas dito.”
Hindi itinanggi ni Dennis na malaki ang naitulong sa career niya ‘yung pagganap niya as gay sa MHL, malaki ang naging epekto nito sa personal niyang buhay. “Nakatulong nang sobra, kasi sa sobrang pagmamahal nila sa character, pati ako, minahal nila ulit. Nararamdaman ko ‘yung pagmamahal nila kapag may mall show kami at kung saan man na may nakakikilala sa akin. Napakasarap ng pakiramdam na mahal na mahal nila kami. Nang dahil sa MHL, nakalimutan nila lahat ‘yung mga palpak na ginawa ko in the past. Minamahal nila ako du’n sa character na ginagawa ko. Ayaw ko nang balikan ‘yung mga kapalpakan ko noon,” aniya.
Kilala natin si Dennis sa pagiging pabling, daming babaeng nagdaan sa kanyang buhay. Hindi raw ganu’n kadali para gumanap ng baking sa isang teleserye dahil sa pagiging macho nito. “Mahirap, pagdating ko sa bahay pagod na pagod ako. Hindi lang ‘yung arte ni Eric ang iisipin mo, ‘yung galaw niya. Ang dami mong iniisip, nag-step-in ka sa sapatos ng isang tao. Pagkatapos mong gawin ‘yun, nakapapagod magpanggap din. Ilang raw kang nagba-bading, nakapapagod talaga.”
Aware ba si Dennis na napagkamalan siyang bading sa totoong buhay? “Mayroon, may mga nagsasabi sa akin na hindi ko kakilala. Sasabihin sa akin, arte lang ‘yun, huwag mong totohanin. Mabuti na rin ‘yun, nako-confuse sila. May tama kaming ginagawa, napapaniwala namin silang mayroon kaming relasyon ni Tom. Hindi ko alam kung ano ‘yung kinikiligan nila sa amin ni Tom. Natural na kasi ‘yung lumalabas sa amin ni Tom, seryoso kami sa aming trabaho. Ako kasi may abilidad na umarte at mailabas ‘yung femine side ko na natural. Siguro bading ako noong past life ko. Siguro magaling lang akong manggaya. ‘Yung director namin magaling manghuli ng mga detalye.”
Reaction ni Dennis na patuloy na nag-number 1 sa rating ang MHL sa mga kasabay nilang soap? “Wala kaming intension sa mga show na nasagasaan namin. Ang main intension lang naming sa MHL, ‘yung ganitong klaseng istorya ng dalawang lalaki. I-present namin ‘yung aming sarili du’n sa character na ginagampanan namin.”
Mas matindi raw ang pressure na nararamdaman ni Dennis sa susunod niyang serye. Kailangan nga naman, mas matindi pa sa MHL ang susunod niyang show. ‘Yun ang pressure du’n, ganito pa rin kaya kalakas ang susunod kong soap? Definitely, malayung-malayo sa character ni Eric. Unless gagawa sila ng book 2. Kung hindi, mahihirapan akong mag-isip ng papantay o baka hindi na ako makaisip pa,” pagtatapos ni Dennis.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield