Dennis Trillo, support lang sina Richard Gomez at Derek Ramsay sa pelikula

Dennis-TrilloHABANG NAGHIHINTAY ng bagong project niya sa TV, abala si Dennis Trillo sa indie film na The Janitor, Directors’ Showcase entry ni direk Mike Tuviera sa Cinemalaya 2014. Kasama ni Dennis sina Richard Gomez, Derek Ramsay, Raymond Bagatsing, Alex Medina, at Jerald Napoles.

Sa FPJ Studios kinunan ang isang mahalagang eksena kung saan namin nakapanayam ang aktor after the take. Sinabi namin kay Dennis na bidang-bida siya sa pelikula dahil siya ang title role. Agad na napangiti ang aktor sa tinuran namin. “Hindi naman… actually collective effort ito. Mahalaga ang papel ng bawat isa dito. Sina Goma, si Derek at iba pa… lahat kami, bida rito. Kapag nawala sila, hindi buo ang pelikula. Importante ‘yung lahat ng roles namin dito.”

Feeling humble pa ang guwapong aktor. Pero nakausap na namin si Direk Mike at sinabi nitong nu’ng huling nagkausap sila nito, nasabi niyang may gagawin siyang movie at si Dennis nga ang bida.

“Well… wala na akong masasabi. Thankful ako kay Direk Mike dahil kinunsider niya ako for this film,” sey ni Dennis.

Ano’ng feeling na kasama niya sina Goma at Derek na lumalabas na support lang sa kanya?

“To be honest, nu’ng nalaman ko ang cast, nagulat din ako. Ang laki kasi! May Goma, Derek at iba pa. Challenge sa akin ‘yun at isang malaking karangalan na makasama ko sila. Especially si Goma nga at Derek na ngayon ko lang nakatrabaho. Hindi ko tinitingnan ‘yung kung support sila o bida. Ako kasi nga team effort itong ginagawa namin, eh. Almost 90% of the movie eh, kasama ko sila. Kailangan ‘yung effort ng bawat isa, kasi napaka-challenging nu’ng story at ng bawat papel namin,” sagot  ni Dennis.

Kasali rin si Dennis last year sa Cinemalaya at entry naman niya ang Ang Katiwala. Okey lang ba sa kanya na sa indie muna siya napapanood at wala sa mainstream?

“Okey lang naman. Actually, enjoy naman ako sa indie kasi mas realistic dito like ‘yung mga story. Like dito sa The Janitor, based on a true story ito… tungkol sa isang malaking holdapan na naganap sa isang bangko nu’ng late 90’s. Nadyaryo ito, naging sensational pero mayroon pang kuwento… ‘yung totoong kuwento na nangyari sa loob… istorya kung paano nakapasok sa bangko at kung sinu-sino ang mga taong involved.

“Mabibigat ‘yung mga eksena namin. Almost everyday eh, nagsi-shoot kami, kasi ang daming malalaking scene na kinukunan. Ganda ng story, kasi kaming lahat eh, ganadong magtrabaho,” kuwento pa ni Dennis.

Sa TV naman, hindi ba siya naiinip na hanggang ngayon eh, wala pa siyang project?

“Hindi naman. Okey lang. Meron naman tayong ibang pinagkakaabalahan. After ng shoot ko rito, ‘pag bakante ako, takbo na ako sa La Union para mag-surfing. Minsan kasama ko ‘yung anak ko. ‘Yun, I have more time sa anak ko at sinasamantala ko ‘yun habang hindi pa ako busy sa TV,” nakangiting sabi ni Dennis.

May iba pa ba siyang nakakasama bukod sa anak niya?

Muling ngumiti ang mahusay na aktor bago nagsalita. “Wala, eh. Kami lang nu’ng anak ko. Masaya naman ako na siya lang ang kasama ko. Masaya kaming dalawa. Saka na ‘yung sinasabi nyo. Pahinga muna ako diyan.”

RAP EN ROL
By Ronald M. Rafer

Previous articleMTRCB, nabahala sa ‘nude painting’ episode ng PBB All In
Next articleMisis ni Wally Bayola, pinagkakalat na problemado naman silang mag-asawa?

No posts to display