ANG BAWAT larangan ng gawain ng gobyerno ay kinakatawan sa gabinete ng iba’t ibang departamento. Halimbawa, kinakatawan ng Secretary of National Defense ang army, navy at air force na nasa ilalim ng Department of National Defense. Gayundin, kinakatawan ng isang secretary ang Department of Justice na sumasakop sa mga piskalya, immigration, NBI, at iba pa. Ang mga departamentong ito ay tuwirang nag-uulat sa Pangulo ng Pilipinas.
Sa ngayon, ano ang departamento na kumakatawan sa mga OFW? Walang iisang departamento ang kumakatawan sa mga OFW. Ang mga ahensiya na sangkot sa mga suliranin ng OFW ay nakakalat sa iba’t ibang ahensya. Halimbawa, ang OLAMWA na tumutulong sa mga OFW kapag nangangailangan sila ng legal assistance ay nasa ilalim ng Department of Foreign Affairs o DFA. Ang mga POLO na nasa mga embahada at konsulada ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng dalawang department—ang DFA at DOLE. Ang POEA, OWWA at TESDA ay nasa ilalim ng DOLE. Pero sa pagpapatupad ng mga programa, kailangan ang koordinasyon sa ibang ahensiya.
Halimbawa, sa pagpapatupad ng OWWA Reintegration Program — ang livelihood program ng gobyerno para sa mga OFW — kailangan ang pangangasiwa ng OWWA pero kailangan ang Department of Trade and Industry sa pagsasagawa ng pagsasanay sa mga aplikante. At ang pondo ay iri-release, hindi ng OWWA, kundi ng Land Bank.
Dahil dito, napapagod at natataranta ang mga OFW sa pagbabalik-balik sa iba’t ibang magkakalayong ahensiya kapag sila ay may transaksyon sa mga ahensyang ito. Madalas na nauubos ang kanilang pera at panahon sa pagpoproseso ng kanilang mga papeles.
‘Di ba puwede na pagsama-samahin na lang sa isang departamento ang mga ahensiyang may kinalaman sa OFW? Tutal naman ay uso ngayon ang “one-stop shop” o ang pagtitiyak na ang mga investor o mamumuhunan ay makapagpoproseso ng kanilang mga papeles sa iisang lugar lamang. Bakit hindi itatag ang Department of OFW na pinamumunuan ng isang secretary na may ranggong cabinet member?
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo