KAMAKAILAN AY nagpanukala si Sen. Manny Villar na buuin ang isang bagong departamento — ang Department of OFW. Ani Villar, ito ang paraan para mas higit na matutukan ng pamahalaan ang mga problema ng ating mga OFW. Ngunit ito ay tinututulan ng ilang senador din tulad nina Sen. Loren Legarda at iba pa. Pag-aralan natin ang argumento ng magkabilang panig.
Para sa mga pabor dito, layunin ng bagong departamento na maipon sa ilalim ng iisang kagawaran ang mga ahensiyang may kinalaman sa mga OFW. Kabilang na rito ang POEA, OWWA, OUMWA ng DFA at iba pang ahensiya. Sa gayon, mapabibilis ang koordinasyon ng mga nasabing ahensiya at ‘di na malilito o mapapagod ang mga OFW sa kababalik-balik sa paglalakad ng mga papeles o kaso.
Para sa mga tutol dito, magastos lang daw ito. Isa pa, ‘di na raw kailangan ang pagbubuo ng bagong kagawaran dahil nand’yan naman ang POEA, OWWA, DFA at DOLE na umaasikaso sa mga OFW. Madu-duplicate lang daw ang trabaho ng mga ito.
Sa aking palagay naman, ang mahalaga’y ang mga taong uupo sa bagong kagawaran. Kung palpak na naman ang mga mamumuno nito, mas sisidhi pa ang problema ng mga OFW. At magagastusan lamang ang pamahalaan. Ngunit kung kuwalipikado at matino ang magpapatakbo rito, malaking tulong ito sa ating mga OFW. Wala sa istruktura kundi nasa sa tao ang ikinagaganda ng takbo ng anumang institusyon.
LIBRENG PAYO SA OFW! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected]
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo