KUNG PAPANSININ, hindi hamak na mas magaganda ang mga produkto ng TV5 kumpara sa ABS-CBN at GMA. Pero nakapagtatakang ang mga magagandang show na ito, parang ipinagkikibit-balikat lang ng mga manonood, kung kaya’t karamihan sa mga programa ng TV5 ay hindi pumapalo sa rating.
Honestly, ang Enchanted Garden, Sa Hirap at Ginhawa, Sharon, Face to Face at maging ang Game ‘N Go ay ‘di hamak na nakaaaliw at masarap na panoorin. Pero bakit hindi ito masyadong napag-uusapan? Bakit sa kabila ng paghihirap ng mga nasa production, naghihingalo ang mga naggagandahang show at hindi ito makakurot man lang sa mga kalabang programa sa Dos at Siyete?
Ewan. Heto, nakatatakot isipin na ang Amazing Race ni Derek Ramsay ay dinudurog ngayon ng mga kalaban at sinasabing marami itong butas at hindi raw magandang panoorin? Teka, hindi ba napapansin ng TV5 na bago pa nila ilabas ang kanilang programa ay may naninira na? Hindi kaya iyon ang dahilan kung bakit kahit magaganda ang kanilang show ay tinatabangang manood ang viewers? Hay…
MASAMA ANG loob ni Derek Ramsay sa ginawa ng Channel 2 sa kanya, dahil inamin nina Anne Curtis at Andi Eigenmann na pinagbawalan sila ng Dos na banggitin ang pangalan ng actor sa pagpo-promote ng pelikulang A Secret Affair.
Ayon kay Derek, wala siyang magagawa kung iyon ang desisyon ng Channel 2. Nagsasawalang-kibo na lang ang binata dahil ayaw na niyang palakihin pa ang issue.
“Hayaan na lang natin sila, friend, kung iyon ang gusto nila. Basta ngayon, doble-kayod ang dapat kong gawin,” pakumbabang sabi ni Derek nang personal namin siyang makausap kamakailan sa MoA, Pasay City.
Sabi ni Derek, nalulungkot siya dahil parang nagmumukhang engot sa pagpo-promote sina Andi at Anne. Saan ka nga naman nakakita na ang isang pelikulang tulad ng A Secret Affair ay walang bidang lalaki?
“Magaganda at malalakas ang mga pelikulang ipinalabas nila at sana naman ay hayaan naman nila kaming panoorin din ng mga tao.”
Sa trailer pa lang ng pelikula, tiyak na panonoorin ito ng mga manood. Dahil bukod sa balik tambalan nila ito ni Anne, ang tema ng kuwento nito ay akma sa makabagong panahon ng pag-ibig. Kaya sa October 24, sabay-sabay po nating panoorin ang A Secret Affair ng Viva Films.
NATATANDAAN BA ninyo ang aktres na si Cherrie Madrigal? Si Cherrie ay nakilala sa pelikulang GI Baby at sa marami pang pelikulang hubaran noong 90s.
“Ang masakit nito, Kuya Morly, ang lahat ng perang pinaghirapan namin sa pagtitinda ng mga prutas ay nawalang parang bula,” panimula ng aktres nang huli namin siyang makausap.
Ayon kay Cherrie, kusa nilang binakbak ang ipinundar na bahay dahil iyon ang gustong gawin ng Quezon City Demolition Team. “Kung hindi namin gigibain ang sarili naming bahay at sila ang gigiba, wala kaming pakikinabangan. Kaya masakit man sa loob ko eh, pinagiba ko ang bahay ko dahil tatamaan nga ng kalsada.”
Umiiyak si Cherrie nang kausapin siya ng Pinoy Parazzi. “Wish ko sana, bago mag-Pasko ay makauwi na kami sa bahay na ito. Malaki-laki pa ang kailangan ko para pambili ng pambubong at ilang kahoy para mabuo na ang aking bahay. Kaya nananawagan ako sa lahat na sana ay tulungan ako sa problema kong ito. At kung anuman ang tulong na maibibigay ninyo sa akin, labis ko pong pasasalamatan.”
Simple lang ang hiling ni Cherrie, bubong ng kanilang bahay. Ilang piraso ng yero lang iyon at sana ang kolum na ito ay maging daan upang sa darating na Pasko ay makauwi na ang pamilya ni Cherrie na na-demolish nilang bahay sa Quezon City. Kumakatok po kami sa inyong mga puso. Tulungan po natin si Cherry Madrigal dahil mabuti po siyang tao.
Sa mga nais tumulong kay Cherrie, maari po ninyo siyang puntahan sa Batasan Hills, Quezon City, malapit sa Talipapa ang kanyang bahay, o kaya naman ay tawagan o i-text n’yo siya sa number na ito – 09159809013.
More Luck
by Morly Alinio