AS AN actor, saludo kami kay Derek Ramsay, lovable pa sa paningin ng media. Hindi man aminin ng magaling na actor, nagkamali yata siya nang lumipat ito sa Singko kahit milyones ang ibinayad sa kanya. Hindi matutumbasan ng malaking halaga ang kasikatang napasa-kamay niya noon. Kabila’t kanan ang magaganda nitong movie project at TV series. Naging bukam-bibig ang pangalang Derek Ramsay sa masang Pinoy at pinagpapantasyahan ng mga kababaihan .
Nang maging Kapatid star na si Derek, naramdaman niya ang malaking pagbabago sa kanyang showbiz career at personal na buhay kahit may TV project pa ito sa Singko. Show na hindi umusad-usad sa rating, palaging kulelat. Never namang napag-ukulan ng pansin ng manonood ang kanilang mga pangit na palabas kahit mga teleserye (drama o pantaserye) na puro malalaking artista ang nasa cast, wa-epek ito sa publiko. Mabuti na lang, nand’yan ang Viva Films para bigyan siya ng makabuluhang pelikula na naging box-office success sa takilya.
Alam kaya ni Derek na ang Kidlat na series na ibinigay sa kanya ng Singko ay parang kinopya lang ang istorya sa pelikulang Volta ni Ai-Ai delas Alas na sinulat at dinirek ng box-office director na si Wenn Deramas? Sa opening pa lang ng nasabing action-adventure kuno, parehong-pareho ang takbo ng istorya ng kay Direk Wenn. Ewan lang namin kung sa mga susunod ng episode ay babaguhin ng writer ang takbo ng istorya para masabing hindi sila copycat!
Siyempre, gusto ng Singko na makuha ang atensiyon ng mga bata sa katauhan ni Derek Ramsay bilang Kidlat. Ewan lang, kung tatagal ito sa ere? Pakisagot nga, Alex Brosas?
PARA MAIBA naman ang tema ng mga pelikulang pinanood namin sa nakaraang Metro Manila Film Festival after watching Sisterakas and One More Try, watch kami ng Sossy Problems ng GMA Films na pinagbibidahan nina Heart Evangelista, Solenn Heussaff, Bianca King at Rhian Ramos. Sa opening pa lang, ramdam mo agad ang pagka-sosyal ng pelikula. Four girls, rich and famous pero may kanya-kanya silang problema sa buhay na kinakaharap.
Swak kina Heart (Claudia), Solenn (Margaux), Bianca (Danielle) at Rhian (Lizzie) ang bawa’t character na kanilang ginagampanan. Natural ang pagiging sosyal nila, hindi na kailangang i-acting dahil in real life, sossy naman talaga sila. Pambabae ang pelikula at marami ang makare-relate sa character ng apat. Sobra kaming na-amuse sa beauty ni Rhian on the big screen. “Nakaka-inlove siya,” say ng katabi naming mhin na para bang natulala sa kanyang kinauupuan.
Star material ang beauty ni Rhian, puwedeng magbida uli sa mga teleserye ng GMA-7. Kaya lang, kailangang linisin ang mga negative issues tungkol sa kanya para mahalin muli siya ng publiko. Dapat din sigurong maging priority ng dalaga ang kanyang career. Hindi ‘yung pakikipag-relasyon kay KC Montero na wala namang career ang inaatupag. Hindi naman ito makakatulong sa kanyang propesyon as an actress. Bagkus, hihilain lang siya pababa ng ex-dyowa ni Geneva Cruz na ilang taon din namang nag-live-in at nauwi sa hiwalayan.
Sa kabuuan ng Sossy Problem, may big scene dapat na magaganap, P4 million plus ang gagastusin ng production. Hindi na kakayanin para sa deadline ng MMFF kaya nagdesisyon ang GMA Films na huwag nang isama pa ito. Teka, balita ko super emote daw si Direk Andoy Ranay nang ayaw pumayag ang EP sa gusto niyang mangyari. Tuloy, hindi nito sinipot ang presscon ng sarili niyang pelikula.
Dapat nga, magpasalamat si Direk Andoy sa GMA Films dahil pinapayagan siyang bitbitin ang kanyang dyowa sa set habang nagtatrabaho. Katwiran daw nito, inspirasyon daw niya ito dahil in love siya sa bago niyang pag-ibig at para lalo raw mapaganda ang kanyang pelikula. Ganu’n?
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield