NAKAALIS NA kahapon patungong U.S. si Derrick Monasterio kasama ang iba pang cast ng The Road para sa premiere doon ng nabanggit na pelikula. Nabanggit nga sa amin ng young actor kung gaano siya ka-excited sa pagbiyahe niyang iyon.
“Basta masaya po ang magiging experience namin sa U.S.,” nangiting sabi nga sa amin ni Derrick. “Magkikita kami ng Dad ko roon. Yes! Sobrang tagal naming hindi nagkita. Mga four years din. Umuwi siya rito four years ago. Pasko ‘yon. Tatlong araw lang kaming nagkasama. So, excited ako na magkikita ulit kami. Baka po pumunta siya sa L.A. (kung saan may red carpet premiere ang The Road). Kasi kung ako ang pupunta roon sa kanila, malabo, eh. Out of the way kasi.”
Busy raw sa trabaho at may iba na ring pamilya sa Amerika ang kanyang ama. Ito raw ang dahilan kung bakit bihira silang magkita.
Kilala ba niya ang mga kapatid niya sa ama?
“No. Hindi pa po kami nagkikita kaya hindi ko sila kilala. At saka mahirap kilalanin kasi English speaking sila, eh,” natawa ulit na biro pa ni Derrick. “Okey lang sa akin kung halimbawa, kasama sila ng dad ko kapag nagkita kami. Kung ipapakilala niya, okey lang sa akin.”
Ano ang nami-miss niya sa Dad niya?
“‘Yong pagiging sweet niya po. At saka pagiging galante,” natawa ulit na sabi ni Derrick.
SI LAGUNA Governor ER Ejercito ang guest of honor sa launching ng PMPC (Philippine Movie Press Club) website na ginanap last Saturday (May 5) sa Zirkoh Timog. Kasama niyang dumalo sa nasabing event ang asawa niyang si Pagsanjan Mayor Maita Ejercito.
Sa pakikipagkuwentuhan namin sa actor-politician, masiglang naibalita niya ang tungkol sa pagri-resume ulit ng shooting nila for El Presidente: The Lifestory of Emilio Aguinaldo.
“We have a new director, si Direk Mark Meiley. At maraming artista ngayon ang gustong sumama sa pelikula. Hopefully matapos namin ito by November this year, in time for the festival (2012 Metro Manila Film Festival).”
Kabilang sa cast ng pelikula si Nora Aunor na siyang gumaganap na first wife ni Emilio Aguinaldo. At balitang hahabaan daw ang role ng Superstar.
“Four shooting days lang siya dapat. Dadagdagan na-ming ng another for more days.”
Very proud ding nabanggit ng actor-politician na ang anak niyang si Jericho Estregan ang napili ng Viva Films na magbida sa remake ng Ben Tumbling.
“Ilu-launch siya ng Viva Films at ng Scenema Concept bilang bida sa Wanted Dead Or Alive: Ben Tumbling.
“Hindi ko maawat ‘yong mga anak ko, mahilig mag-artista, eh!” sabay tawa niya. Ang bilin ko lang, huwag nilang pababayaan ang kanilang pag-aaral. Kasi sa De La Salle-Taft sila nag-aaral ng college ngayon, eh. Basta huwag na huwag lang pababayaan ang pag-aaral. Kung gusto nilang mag-artista, mag-artista sila. At galingan nila. Dahil multi-awarded ang ama nila, ang mga tiyuhin nila, ang lolo!” natawa ulit na biro ni Governor ER.
Hindi lang showbiz, nasa dugo rin ng pamilya nila ang pulitika. Kaya may posibilidad din na maengganyo ang kanyang mga anak na pumasok sa pagiging public servant balang araw.
“Siguro politics will come in due time. Like si Jericho, hindi pa siya handa for politics. Movies muna.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan