ITO PALANG Kapuso artist na si Derrick Monasterio ay mahilig sa pagkain. Balang araw raw ay gusto niyang kumuha ng kursong Culinary Arts at makapagpatayo ng isang restaurant bilang family business.
Tila yata hindi magkakaroon ang katuparan ang kanyang pangarap, dahil mas gusto ng kanyang mommy Tina na dati ring sikat na artista ng kanyang dekada, na pag-aralin siya ng filmmaking. Marami umanong maaari niyang matutunan dito. P’wede siyang gumawa o magsulat ng istorya, magdirek at higit sa lahat ay mas mapag-iibayo pa niya ang pag-arte.
Ayon na rin sa mommy niya, bata pa raw si Derrick ay nakitaan na niya ito ng potensiyal sa pagkanta at pag-arte, dahil napapanood daw nito ang mga video ng pelikula niya noong araw. Naisipan ni Tina na i-audition si Derrick sa Star Magic. Pinalad namang nakapasok ang binata. Nguni’t ayon pa rin sa kanya ay bihira itong nabibigyan ng project ng Dos. Minabuti na lang niyang ilipat ito sa Kapuso Network. Dito na nagsimula ang kanyang magagandang oportunidad na dumarating.
Una siyang naisabak sa programang Tween Hearts at nasundan kaagad ito ng movies like Tween Academy, My House Husband, Panday at kung anu-ano pa. Happy naman daw siya kahit pa maliliit ang role niya. Una namang nasabak ang kanyang pagbibida sa pantaseryeng Paroa, kung saan unang nasubok ang chemistry nila ni Barbie Forteza. Kinagat naman ng kanilang fans ang kanilang tambalan kung kaya’t muli silang pagsasamahin sa bago nilang teleserye ngayong June, Ang Anna Karenina na pagbibidahan nina Barbie Forteza, Kristal Reyes at Joyce Ching.
Almost three years na siya ngayon sa showbiz at napagsasabay pa rin ni Derrick ang kanyang career at pag-aaral kahit sa bahay lamang (home study). Dahil two weeks mawawala sa ere ang Party Pilipinas, kung saan siya regular, nakapagpahinga naman siya nang konti at nabigyan niya ng time ang sarili. Nakapaglalaro na siya ng paborito niyang basketball anumang oras na gustuhin niya kasama ang mga malalapit na kaibigan. Nai-encourage niya umano ang mga ito para maiwasan ang masasamang bisyo. Nakakapamasyal din with family dala ang kanyang bagong biling kotse.
Magiging busy na ulit siya kapag umere na ang bagong programang ipapalit sa Party Pilipinas. May bago na itong pamagat, bagong mga artista, may maiiwan, may maaalis at may madaragdag.
“Tapings, guestings at pag-aaral ang dapat paghandaan ko ngayon. Pakundisyon ba ng katawan,” ani Derrick.
Story and Photos by Luz Candaba