UNA AY nais kong ipaabot ang aking taos-pusong pakikiramay sa mga naulila, sa mga kababayan nating nawalan ng mga ari-arian at mga nagugutom. Idinudulog ko sa May Likha na sana ay tatagan ang kanilang kalooban at isipan sa mga pinsala at bangungot na dinulot ng super typhoon Yolanda. Pasasaan ba’t malalampasan din natin ito.
Ang mga nakita nating nakawan ng pagkain at anumang lootable items ay sa dahilang desperado na ang mga biktima ng unos na naganap.
Samantalang ang mga naulat namang organized looters ay pinaniniwalaang galing pa sa mga karatig-bayan at dumayo pa sa Tacloban sa dahilang sila mismo ay nawalan ng mga tahanan at ari-arian. Ikaanim na araw simula noong nangyari ang bagyo ngunit sadyang mahihirapang bumangon ang syudad ng Tacloban dahil back to zero ang pamumuhay, agrikultura at ekonomiya rito. Pasalamat tayo at marami naman ang taga iba’t ibang bansa na rumesponde upang tumulong sa ating mga kababayan. Tinatalang 33 foreign countries ang tumulong na sa Visayas upang tuluyang masolusyunan ang nasabing krisis.
Samantala may mga ibang humanitarian aids na deligado ng ibang bansa ang nagrereklamo na diumano’y natatagalan ang proseso upang makakilos na sila sa kanilang relief operations. Marahil, nakararamdam na ng pagkainip dahil mabagal nga ang responde ng ating pamahalaan. Lalung-lalo na ang Germany na naulat na hinhingian pa ng tax ng customs bago tuluyang maipamahagi ang kanilang tulong sa ating mga kababayan.
Sa bagay, kailangang dumaan ang lahat ng ito sa tamang proseso. Ang paperworks na kung mamarapatin ay dapat lamang sana at hindi sa ibang ahensya kundi sa anumang sangay na talagang pinag-uukulan nito upang mapabilis ang proseso.
Kung hindi natin ito gagawin, magiging kahiya-hiya tayo sa mata ng mga dayuhang nagnanais tumulong sa ating bansa.
Sa atin namang nanonood lamang, mas mainam kaya kung tayo man din ay nagpaplano at kumikilos. Kaysa maging kritiko, bigyan nating pansin ang mga tulong na ibinibigay ng ibang bansa at bantayan ito laban sa mga mapanamantala.
Ang Japan, United Arab Emirates at United Kingdom ay tatlo sa mga pinakamalaking nagbigay ng tulong pinansyal. Ang Estados Unidos naman ay nagpadala ng limang warships na puno diumano ng mga gamit na mitutulong. Samantalang ang Russia naman ay nagbigay ng power plant generator. Maging ang UN ay nagdesisyon ding tumulong dahil nakita nila ang kalunus-lunos na pangyayari sa Tacloban at diumano ay nababagalan sa mga pag-aayuda ng ating pamahalan.
Nakamata sa atin ang buong daigdig maging ang mga superpower upang makiisa at makitulong sa ating bansa pagkatapos ng debastasyong ito. Subalit kapansinpansin ang kanilang mga desisyong hindi ito iparaan sa mga pulitiko upang hindi mabigyang-kulay at magamit ang kanilang pakikiramay sa maling sistema.
Sa tutuusin, ang gobyerno natin dapat ang mangasiwa at mag-assist upang maisaayos ang nasabing relief goods at cash and in-kind donations. Katulad ng mga banyagang bansa, nagdududa tayong mamamayan na baka mauwi lamang ito muli sa bulsa ng ilang tao na nakaupo sa ating pamahalan kung ‘di tayo magiging mapagmasid. Kung nasaan ang mga patay, naroon ang mga buwitre. Marami ang namatay at napinsala. Hindi na ito katataka-taka dahil sa mga iskandalo ng mga nangyaring korupsyon ng mga nanunungkulan.
Sa lahat ng alingawngaw na ito, ninanais ko pa ring manatili ang pagkilala at pagrespeto sa ating pamahalaan dahil higit itong may kapangyarihan sa atin at tayo ay nasasakop ng kanyang mga batas bilang mga mamamayan.
Sa katotohanan, ang climate change ay kusang nangyayari upang pangalagaan ng daigdig ang sarili nitong kalusugan at katawan. Ngunit iba ang kagagawan ng tao o manmade disaster. Na maaaring sa kagagawan ng tao, ang mga maling istruktura, na kung dapat tirahan ang mga nasabing mga lugar o hindi. Mahirap ito dahil marami ang mapipinsala na nabubuhay sa daigdig. Dapat ay napanahon na upang seryosuhin natin ang sinasabing climate change advocacies na isinusulong ng mga NGO’s na malaki ang ambag ng tao para sa pagkasira nito.
Sa pagtatapos nito, alalahanin natin na may higit na makapangyarihan sa atin. Bagama’t tayo nga ang tinalagang tagapamahala ng daigdig. Siya ang lumikha ng lahat ng bagay.
Balikan natin ang mga patay at buwitre at tanungin natin ang ating sarili, isa ba tayo sa tinutukoy rito ayon sa Bibliya? Naalala ko tuloy ang mga sinasabing organized looters bagama’t ‘di mo sila tuluyang masisi dahil maliliit lamang ito kumpara sa mga maling pamamaraan ng ilan nating mga opisyal. Marahil ay dala lamang ito ng kagyat na pangangailangan, ngunit kung ang gagawin natin ay magnakaw sa kaban ng bayan isa rin itong organized crime. Ang pagkakiba nga lamang, malakihan ito at garapalan na wala namang pinaghuhugutan. Naniniwala akong isang araw tatanungin tayo ng May Likha kung ano ang ginawa natin sa lupa na dapat pagbayaran.
Ito ang larawan sa canvas ni maestro orobia.
Para sa inyong mga komento at suhestyon, e-mail: [email protected]
Larawan sa Canvas
By Maestro Orobia