ANG ISYU hinggil sa isang ambassador natin sa Middle East na nasangkot sa sexual harrasment ng isang OFW ay isa nang lumang isyu. Matagal nang nangyayari na mismong mga tauhan ng ating embahada at konsulada ang nang-aabuso sa ating mga OFW. Kaya nga’t malaking krimen at kasalanan ang ginagawa ng mga opisyales nating ito dahil pinasusuweldo sila ng taumbayan para tulungan at pangalagaan ang ating mga kababayan sa ibang bansa, pero ‘yun pala’y sila pa ang magsasamantala sa kanila. Ang tawag dito ay bantay-salakay.
Ang ating mga embahada at konsulada ang pangkaraniwang takbuhan at kanlungan ng ating mga i-naabusong OFW. Pangkaraniwan na nai-stranded sila roon dahil matagal iproseso ang kanilang mga passport o kaya’y ang exit visa o kahit ang tiket pabalik ng Pilipinas. Buwan at taon ang binibilang sa kanilang pagkakabimbin sa ating mga embahada.
Sa panahong ito, kadalasa’y kinakausap sila ng ating mga ambassador o consul o labor attache o welfare officer kung gusto nilang magtrabaho sa ibang employer habang naka-istambay sila. Siyempre, ang OFW ay kakagat sa alok dahil desperado silang kumita dahil wala silang kinita sa dating mga amo. Pero nangyayari na abusado rin ang nililipatan nilang employer.
Kayat dapat nang tigilan ng mga opisyales ng embahada at konsulada ang pagre-redeploy ng mga OFW nating stranded. Una, ang mga bagong kontratang pinapasukan ng mga OFW ay hindi man lang pinadadaan sa POEA para aprubahan. Kaya nagaganap ang panibagong abuso. Pangalawa, pinagmumulan ito ng abuso mismo ng mga tauhan natin. May komisyon ang mga tauhan ng konsulada at embahada kapag nakapagpasok o “nakapagbugaw” sila ng OFW sa isang employer.
LIBRENG PAYO SA OFW! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected]
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo