‘Di Dapat Legal Separation

Dear Atty. Acosta,

 

MAGANDANG ARAW po. May itatanong lang ako kung p’wede akong mag-file ng legal separation. Matagal na kaming hiwalay ng asawa ko, 6 years na ang nakaraan at wala kaming anak. Gusto ko nang mag-asawa uli pero ang asawa ko ay may kinakasama na at may anak na sila. Tapos ibinenta niya ang lupa’t bahay namin na wala akong alam. Ano ba ang tama kong gawin?

 

Jeremias

 

Dear Jeremias,

 

HINDI ANG pagsasampa ng petisyon para sa legal separation ang inyong dapat gawin kung nais ninyong legal na putulin na ang relasyon ninyo sa inyong asawa at nang sa ganoon ay makapag-asawang muli. Ang kinakailangan ninyong isampa ay petisyon upang ipadeklarang walang-bisa o ipawalang-bisa ang inyong kasal. Ang legal separation ay hindi nagbibigay laya sa mag-asawang magpakasal nang muli. Pinapayagan lamang nito ang pisikal na paghihiwalay ng mag-asawa at ng kanilang mga ari-arian ngunit nananatili silang mag-asawa. Samakatuwid, labag pa rin sa batas na ang sinuman sa kanila ay magpakasal nang muli sa ibang tao.

Hindi basehan ang paghihiwalay nang matagal na panahon o ang pagkakaroon ng ibang kinakasama upang makapaghain ng petisyon upang ipadeklarang walang-bisa o ipawalang-bisa ang isang kasal. Ang institusyon ng kasal ay prinoprotektahan ng ating batas kaya naman hindi ito maaaring basta-basta na lamang maisantabi.

Gayunpaman, kung inyong mapapatunayan na kayo o ang inyong asawa ay may sikolohikal na depekto o psychological incapacity, maaari kayong makapagsampa ng kaukulang petisyon upang mapadeklarang walang-bisa ang inyong kasal dahil ito ay isa sa mga basehan na nakapaloob sa batas (Article 36, Family Code of the Philippines). Ang “psychological incapacity” ay isang kapansanan kung saan ang isang tao ay walang kakayanang gampanan ang mga obligasyon ng pag-aasawa. Hindi sapat na ayaw o tumatangging gampanan ng inyong asawa ang mga obligasyong ito, ang kailangang mapatunayan sa harap ng hukuman ay ang pagkakaroon ng sikolohikal na kapansanan na pumipigil sa kanya upang gampanan ang mga obligasyon na kaakibat ng pagpapakasal. Pagkatapos lamang na magbigay ng deklarasyon ang hukuman na talagang walang-bisa ang inyong kasal, saka kayo maaaring magpakasal nang muli sa ibang babae (Art. 40, Family Code of the Philippines).

Ukol naman sa pagbenta ng inyong asawa ng inyong bahay at lupa, kung ito ay conjugal property o pag-aari ninyong mag-asawa, maaari ninyong ipawalang-bisa ang nasabing bentahan dahil ito ay isinagawa nang walang pahintulot mula sa inyo (Art. 96 at Art. 124, Family Code of the Philippines).

Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyon na ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong ibang maidagdag.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleDrinking Games: Para sa Bagets na 18+ Lang
Next articlePresidentiables

No posts to display