‘Di Kasal, Naghahabol ng Suporta

Dear Atty. Acosta,

 

HIHINGI SANA ako ng tulong. Hindi po kami kasal ng kinasama ko. May dalawa po kaming anak. Kahit kami pa ay nagawa niyang mambabae at nabuntis pa niya ito. Malabo na po kaming makapag-ayos kasi iresponsable siya at wala pang trabaho. Gusto ko sanang kasuhan siya upang makahingi ng suporta para sa mga anak namin. Ang problema hindi kami kasal. Maraming nagsabi sa akin na kahit hindi kami kasal ay may habol ako. Sana matulungan ninyo ako. Ano ang dapat kong gawin?

 

Ms. Leo

 

Dear Ms. Leo,

 

ANG SUPORTA ay isang sapilitang obligasyon na hindi maaaring talikdan o ipasa sapagkat ito ay kailangan sa pagpapanatili ng buhay ng taong nangangailangan ng suporta. Kaugnay nito, ang Article 195 ng ating Family Code ay nagtakda ng mga taong dapat magbigayan ng suportang pinansyal sa isa’t isa. Kabilang na rito ang mga magulang na kung saan sila ay may obligasyon na magbigay ng suportang pinansyal sa kanilang mga anak at sa mga anak ng kanilang anak, lehitimo man ito o hindi.

Samakatuwid, ikaw bilang ina ng iyong mga anak ay maaaring manghingi ng suportang pinansyal para sa iyong mga anak mula sa kanilang ama. Gayunpaman, sapagkat hindi kayo kasal ng dati mong kinasama, ang inyong dalawang anak ay hindi lehitimo. At ayon sa ating Korte Suprema sa kasong Ben-hur Nepomuceno vs. Arhbencel Ann Lopez (G.R. No.  181258, March 18, 2010), ang karapatan ng isang hindi lehitimong anak na makahingi ng suportang pinansyal ay nakadepende sa pagkilala sa kanya bilang anak ng isang magulang.

Kung ang iyong mga anak ay kinilala ng kanilang ama sa pamamagitan ng pagpirma sa birth certificate ng mga bata, hindi mo na kinakailangang pumunta sa hukuman upang maghain ng aksyon na kilalanin ng ama ang mga bata. Makakahingi ka na agad ng suportang pinansyal.

Ayon sa Article 203 ng Family Code, ang obligasyon na magbigay ng suporta ay p’wedeng igiit mula sa oras na ang taong dapat suportahan ay kailangan na ang nasabing suporta, pero maaaring hindi ito ibigay ng magsusuporta kung walang judicial o extrajudicial demand.

Kaugnay nito, ikaw ay aming pinapayuhan na magpadala kaagad ng isang demand letter sa ama ng iyong mga anak kung saan ikaw ay humihingi ng suporta. Ito ay tinatawag na extrajudicial demand. Sa oras na hindi siya tumugon sa nasabing demand letter, maaari na siyang sampahan ng kasong Action for Support. Ito naman ang tinatawag na judicial demand. Maaaring isampa ang nasabing aksyon sa hukuman na nakakasakop sa lugar kung saan kayo nakatira.

Sa kabilang banda, kung hindi naman pinirmahan ng ama ang mga birth certificate ng mga bata at itinatanggi ng ama ang mga bata sa kanya at ayaw magbigay ng suporta sa kanila, ang kasong dapat mong isampa sa hukuman ay Action for Recognition and Support. Dito, kinakailangan mong mapatunayan na ang iyong mga anak ay anak ng dati mong kinakasama. Kung hindi mo ito mapatunayan sa hukuman, hindi maaaring humingi ng suportang pinansyal sa ama ng mga bata.

Paalala lamang na sa bawat aksyong maaari mong isampa ay kailangan mo ng serbisyo ng isang abogado. Kung ikaw ay walang kakayahang kumuha ng pribadong abogado, maaaring magsadya sa aming Regional o District Office na malapit sa lugar kung saan kayo nakatira upang matulungan kayo ng aming tanggapan (Public Attorney’s Office). Kalimitang matatagpuan ang aming mga tanggapan sa Hall of Justice ng City o Municipal Hall ng bawat bayan. Pakidala na lamang ang mga mahahalagang dokumento tulad ng birth certificate ng mga bata.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleThat Thing Called Tadhana Fever
Next articleMga umeepal na langaw sa basura ng pulitika

No posts to display