‘Di Makaaalis ng Bansa Dahil Nasa Watchlist

Dear Atty. Acosta,

 

ISA PO akong nurse at dahil nais kong maiahon sa kahirapan ang aming pamilya ay napagdesisyunan ko na mangibang-bansa. Sa kabutihang palad ay nakahanap ako ng among Australiano na tutulong sa akin na makapagtrabaho sa Australia. Ayos na ang lahat ng papeles ko pati na ang permit mula sa POEA. Ngunit noong nakaraang linggo, hindi ako nakaalis dahil sabi sa akin ako raw ay nasa “watchlist” na ipinalabas ng DOJ. Ano ho ang maaari kong gawin para malinis ang aking pangalan? Wala naman po akong kaso kaya hindi ko maintindihan kung bakit mayroon ako nito. Sana ay matulungan ninyo ako. Aasahan ko ang inyong tugon.

 

Kaye

                                                                                                                                               

Dear Kaye,

 

BATID NAMIN ang iyong pagnanais na makatulong sa iyong pamilya at mabigyan sila ng magandang buhay. Marami sa ating mga kababayan ang katulad mo na nais magsumikap na makipagsapalaran sa ibang bansa. Subalit, mayroong mga panuntunang kailangang sundin upang ang isang Pilipino ay lehitimong makapagtrabaho sa labas ng ating bansa, at ang isang ahensya na umaalalay sa mga pangangailangan ng ating mga manggagawa ay ang Philippine Overseas Employment Agency (POEA).

Ayon sa iyong sulat ay ayos na ang mga dokumentong kailangan mo sa POEA upang makapagtrabaho ka sa bansang Australia. Subalit mayroon kang suliranin kaugnay ng “watchlist” na ipinalabas ng Department of Justice (DOJ). Para sa iyong kaalaman, ang Department of Justice, sa pangunguna ng Kalihim ng naturang departamento, ay maaaring magpalabas ng Watchlist Order (WLO) laban sa isang tao na mayroong kasong kriminal na dinidinig ang preliminary investigation o ang petition for review nito. Kung mapag-alaman mo na ikaw nga ang taong tinutukoy sa kasong kriminal na nakabinbin sa tanggapan ng DOJ o ng piskalya, maaari mong hilingin na ipawalang-bisa ito kung paso na ang animnapung-araw na bisa ng nasabing kautusan, o kaya naman ay tapos na ang nasabing preliminary investigation o petition for review. (Section 3, Memorandum Circular No. 18, Department of Justice) Mahalaga na magsumite ka sa tanggapan ng DOJ ng sulat na nagsasabi ng iyong pagnanais na matanggal ang iyong pangalan sa kanilang “watchlist” kalakip ang original o certified true copy ng resolusyon sa nasabing kaso at ang sertipikasyon mula sa National Prosecution Service na na-dismiss na ang iyong kaso.

Sa kabilang banda, kung nakakasiguro ka na wala kang kaso sa nabanggit na tanggapan o sa hukuman at ibang tao ang tinutukoy sa nasabing “watchlist,” maaari kang kumuha ng certification of not the same person mula sa DOJ. Gumawa ka ng sulat kaugnay ng iyong paghingi ng nasabing sertipikasyon at ilakip mo ang iyong affidavit of denial o ang iyong sinumpaang salaysay na naglalahad na hindi ikaw ang taong nakasaad sa watchlist order pati na ang clearance mula sa mga ahensya ng gobyerno katulad ng National Bureau of Investigation.

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleTop 10 Employers Para sa mga Pinoy
Next articleDalawang Mukha ng Trahedya

No posts to display