‘Di Makapagbayad ng Utang

NOONG 2009 nangutang ako sa bangko ng Php50,000.00 na dapat nang bayaran sa loob ng dalawang taon sa buwanang hulog na Php2,866.00. Nag-isyu po ako

ng tseke sa  banko. Ginamit po ang pera sa pagpapagamot ng aking ina.  Nakapag-hulog po ako sa bangko ng 8 buwang bayad sa utang subalit dumating po ako sa puntong hindi na nakapaghulog dahil na rin po sa nawalan ng trabaho ang asawa ko at nagsunud-sunod na nagkasakit ang 2 kong anak. Napabayaan ko po ang utang ko sa bangko pero hindi po ako lumipat ng tirahan. Due na lahat ng aking utang noong Setyembre 2011. Tumawag sa akin ang bangko at sinisingil na ako. Humingi ako ng loan reconstruction na napagbigyan naman. Pero dahil sa nagsara ang pinapasukan ko, hindi rin ako nakapagbayad. 

Sa ngayon, kinokontak na naman ako ng bangko at ang sabi kailangan ko nang bayaran agad ang lahat ng utang ko. Nanghihingi ako ng isa pang loan reconstruction kasi hindi ko po talaga kayang magbayad ng cash. Subalit ang sabi ng bangko sa akin, kapag hindi po ako nagbayad ay sa korte na lang daw po ako magpapaliwanag. Um-attend daw ako sa mga hearing at may posibilidad daw na makulong ako. 

Makakasuhan at makukulong po ba ako? Hindi po ba p’wedeng makiusap na hulugan ko na lang iyong balance?

– Nerissa

 

Dear Nerissa,

NAKASAAD SA Section 20 ng Article III ng ating Saligang Batas na: “Section 20. No person shall be imprisoned for debt x x x.”

Gayunpaman, dapat nating isaisip na ang utang ay isang obligasyon na dapat bayaran sa sandaling sumapit na ang takdang oras o panahon para ito ay bayaran ayon sa napagkasunduan. Ikaw, bilang humiram ng pera, ay may responsibilidad na magbayad ng pagkakautang sa bangko. Kung sakaling hindi ka makapagbayad ng iyong inutang, maaaring magpadala na ng final demand letter o huling abiso sa iyo ang bangkong iyong pinagkakautangan. Kalimitan, nakasaad sa nasabing final demand letter ang oras upang ikaw ay tumugon sa iyong obligasyon na magbayad. Nakasaad din doon na sila ay mapipilitang magsampa ng kaukulang kaso laban sa iyo kung hindi ka tutugon. Samakatuwid, kung tuluyang hindi mo mabayaran ang iyong inutang sa itinakdang panahon, ang bangko ay maaaring magsampa ng kasong sibil na tinatawag na Collection for Sum of Money laban sa iyo.

Kaya naman, bago pa sila magpadala ng huling abiso sa iyo, ikaw ay

aming pinapayuhan na makipag-ugnayan sa bangko upang maiwasan ang legal na aksyon na maaari nilang gawin laban sa iyo. Tulad ng iyong nabanggit, maaari kang makipag-usap sa kanila na hulugan mo na lang ang iyong balanse sa iyong utang. Subalit dapat mong maintindihan na kapag hindi pumayag ang bangko sa iyong pakiusap, wala kang magagawa kundi bayaran ang iyong utang batay sa orihinal ninyong napagkasunduan.

Sa kabilang banda, kung ang tseke na ibinigay mo sa bangko ay tumalbog noong ipasok nila ito sa kanilang account, maaari kang kasuhan ng bangkong pinagkakautangan ng paglabag sa Batas Pambansa Blg. 22 o mas kilala sa tawag na Bouncing Checks Law. Ang kasong paglabag sa BP Blg. 22 ay isang kasong kriminal na may parusang pagkakakulong at pagbabayad ng halaga ng tsekeng ibinigay. Subalit ito ay hindi dahil sa iyong pagkakautang kundi dahil sa pag-isyu mo ng isang talbog na tseke na mariing ipinagbabawal ng ating batas at isa itong krimen.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleKuting at Muning
Next articleMga Halimaw sa Maynila

No posts to display