Dear Atty. Acosta,
ANO PO ba ang dapat ko pang gawin? Ang aming kapit-bahay ay nagkautang sa akin ng halagang 30 thousand noong mangailangan siya para makabayad sa tuition ng anak niya. Lumipas po ang isang taon, pero hindi pa rin niya nabayaran ang utang. Inireklamo ko po siya sa barangay ngunit walang nangyari. Kung magsasampa ako ng kaso para masingil ang utang, malaki po ba ang magagastos ko sa abogado? Alam ko pong hindi ako puwede sa PAO dahil medyo may kalakihan ang aking suweldo, ako po ay isang supervisor.
Joseph
Dear Joseph,
ANG UTANG ay isang kontrata sa pagitan ng nagpapautang at umuutang. Obligasyon ng umutang na bayaran ang nagpautang sa takdang panahong napagkasunduan o sa sandaling siya ay singilin na ng nagpautang kung walang panahong napag-usapan.
Tama ang ginawa mong paniningil sa iyong kapit-bahay, ganoon na rin ang pagdulog nito sa barangay. Dahil walang nangyaring kasunduan sa barangay patungkol sa pagbabayad sa nasabing utang, ang iyong reklamo ay maaari mo nang idulog sa husgado. Dahil hindi naman lalagpas sa isang daang libong piso (P100,000.00) ang halagang iyong sinisingil, ang kasong iyong isasampa ay sasailalim sa “The Rule for Small Claims Cases” (Administrative Matter No. 08-8-7-SC).
Sang-ayon sa prosesong ito, kailangan mo lamang mag-fill-up ng form (Form 1-SCC) at ipa-notaryo ang Certification of Non-Forum Shopping (Form 1-A,SCC) upang maisampa ang kaso. Kailangan mo ring ilakip sa nasabing form ang mga dokumentaryong ebidensiya at salaysay ng mga testigo, kung mayroon man, na magpapatunay sa iyong sinisingil.
Ayon pa rin sa nasabing proseso, hindi kailangan ang serbisyo ng isang abogado sa pagsasampa at sa pagdinig ng kasong ito. Ito ang sinasaad ng Section 17 ng nasabing panuntunan:
“SEC. 17. Appearance of Attorneys Not Allowed. — No attorney shall appear in behalf of or represent a party at the hearing, unless the attorney is the plaintiff or defendant.
If the court determines that a party cannot properly present his/her claim or defense and needs assistance, the court may, in its discretion, allow another individual who is not an attorney to assist that party upon the latter’s consent.”
Ganoon din, simple lang ang pagdinig ng kasong ito at sa loob ng isang araw ay matatapos na ang pagdinig nito at maglalabas na ng desisyon ang husgado. Kapag nagkaroon na ng desisyon ang korte, maaari nang ipatupad kaagad ito sapagkat hindi pinapayagan ang apela sa mga ganitong kaso (Section 23, Administrative Matter No. 08-8-7-SC).
Atorni First
By Atty. Persida Acosta