BIBIGYANG-DAAN SA espasyong ito ang ilan sa mga text messages ninyo na ipinadala sa aming text hotlines na 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
- Irereklamo ko lang po ang Bagbaguin Elementary School sa Caloocan City dahil naniningil sila sa mga estudyante ng P120.00 bawat isa para pambili raw ng electric fan at nasundan pa po ng P20.00 bawat isa para sa summative test.
- Dito po sa ETCS 3 sa Bacolod City, tuluy-tuloy po ang pangongolekta ng mga teacher ng P40.00 bawat edstudyante kada buwan para sa janitorial. Marami rin pong project gaya ng koleksyon sa electric fan, trash can at ang ibang teacher ay balak pang magbigay ng TV galing sa koleksyon sa mga bata. Sana po maitigil na ito at hirap po ang mga magulang sa public school na ito. Ang alam ko po ay ganito rin ang nangyayari sa EohaTCS 1 at 2.
- Nais ko lang pong ireklamo ang isang teacher dito sa Sta. Maria Laguna Central School dahil naniningil po sa mga estudyante ng P70.00 at P50.00 para pambayad sa janitor.
- Hihingi lang po akong ng tulong sa inyo kasi po ang Sitio Casipsipan Elementary School ng Brgy. Hilamonan, Negros Occidental ay naniningil ng P200.00 bawat estudyante. Para raw po iyon sa pampagawa ng office ng principal.
- Ipaparating ko lang po sa inyo iyong hindi makatarungang paniningil nitong public school dito sa amin, itong Lagalag Elementary School sa may Tiaong, Quezon. Naniningil po iyong mga teacher ng P100.00 sa electric fan at P200.00 sa tubig sa bawat estudyante. Pakitawagan n’yo nga po ang school para matigil na ang ginagawa nila.
- Isa po akong concerned citizen, isusumbong ko lang ang paniningil ng isang guro ng P280.00 para raw po sa upuan at P100.00 para naman sa mesa ng grade 2 teacher.
- Gusto ko po sanang ireklamo iyong teacher sa Parañaque National High School dahil po naniningil po sila sa PTA ng P100.00 per head para raw po sa electric fan ng kanilang kuwarto.
- Mayroon lang po akong idudulog sa inyo tungkol sa mga sinisingil ng mga guro sa mga mag-aaral sa lugar po namin sa Brgy. San Isidro, Sta. Magdalena, Sorsogon. Ang naturang hinihingi ng mga guro ay para raw po sa electric fan at pagpapaayos ng CR na nagkakahalaga ng P150.00 bawat estudyante.
- May reklamo po ako sa teacher ng anak ko kasi ay humihingi ng P300.00 para raw po sa booklet activity ng mga bata at P100.00 pampaayos naman daw ng comfort room. Dapat po ba kaming magbigay?
- Isusumbong ko lang po ang pasugalan dito sa Brgy. Paciano, Calamba City, Laguna. Nakakaperhuwisyo na ang ingay ng binggohan at color game gabi-gabi. Malaking perhuwisyo dahil natututong magsugal ang mga bata. Dinadaan-daanan lang ito ng mga patrol gabi-gabi at huminingi ng kotong.
- Itatanong ko lang po kung ligal po ba ang pagkandado ng munisipyo sa plaza? Hindi ba ay para sa publiko ang plaza? Halos dalawang buwan na pong naka-lock ang plaza rito sa Poblacion, Cordova, Cebu.
- Sana po ay maiparating ninyo sa mga kinauukulan sa Maynila na ang ginawa nilang one line iyong truck sa may Road 10 sa pier kaso kaming mga driver at pahinante ang namimiligro ang buhay kasi iyong mga halang ang kaluluwa inaakyat ang aming truck at ninanakaw ang jack at mga gamit. Hinoholdap po kami at hindi kami makapalag kasi marami sila at may dalang mga patalim. Pakikalampag naman po ang mga kinauukulan dito, kawawa kaming mga driver at pahinante.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Napanonood din sa TV5 sa T3 Reload, Lunes hanggang Biyernes, 12:00-12:30 ng tanghali.
Ang action center ng Wanted Sa Radyo ay matatagpuan sa Unit 3B Quedsa Plaza Building sa kanto ng Quezon Avenue at Edsa, Quezon City.
Shooting Range
Raffy Tulfo