Dear Atty. Acosta,
AKO PO ay may-bahay ng isang OFW. Tanggap ko na mahirap ang aming
sitwasyon dahil malayo ang aking asawa, ngunit ang higit na mahirap po ay ang hindi na niya pagtugon sa aming mga panga-ngailangan. Mahigit isang taon na rin siyang hindi nagbibigay ng suporta. Hindi ko alam kung paano makakapasok sa paaralan ang aming mga anak. Nabalitaan ko na umuwi raw ang aking mister ngunit hindi po siya nagpaparamdam sa amin. Ang sabi ng kanyang kaibigan ay plano niyang kunin sa akin ang aming mga anak. Ano po ang gagawin ko?
Myla
Dear Myla,
MARAMING SAKRIPISYO ang kaakibat ng pagtatrabaho sa ibang bansa kung kaya’t kailangang matatag ang loob ng buong pamilya sa ganitong sitwasyon. Nais na-ming ipaalala, lalo na sa kababayan nating mga overseas Filipino workers (OFW), na hindi tumitigil ang inyong responsibilidad sa inyong pamilya sa oras na kayo ay lu-mabas ng ating bansa, at kailangan na pa-tuloy ninyong tugunan ang inyong responsibilidad sa inyong asawa’t mga anak.
Myla, makakabuti na sulatan o tawagan mo ang iyong asawa upang maipaalala mo ang kanyang responsibilidad sa iyo at sa inyong mga anak. Kung hindi mo siya makausap, maaari mong subukang maki-pag-ugnayan sa kanyang mga kamag-anak o kaibigan na nakakaalam kung saan siya matatagpuan nang maiparating mo sa iyong asawa ang inyong mga pangangailangan.
Kapag hindi pa rin tumalima ang iyong asawa at nais mo nang daanin sa legal na proseso ang iyong problema, maaari kang magsampa ng petition for support sa Regional Trial Court ng lugar kung saan kayo ng iyong mga anak nakatira. Maaari ka ring magsampa sa City o Provincial Prosecutor’s Office ng lugar kung saan kayo nakatira ng kaso sa paglabag ng probisyon ng Republic Act No. 9262 o ang batas kaugnay ng Anti-Violence Against Women and their Children. Alinsunod sa Section 5 ng R.A. No. 9262, “The crime of violence against women and their children is committed through any of the following acts: x x x (i) Causing mental or emotional anguish, public ridicule or humiliation to the woman or her child, including, but not limited to, x x x denial of financial support or custody of minor children or access to the woman’s child/children.” Mahalaga na mapatunayan mo na mayroong intensyon ang iyong asawa na hindi magbigay ng suporta. Sa aspeto naman ng nakaambang pagkuha niya sa inyong mga anak, maaaring hilingin mo sa hukuman ang pagpapalabas ng kautusan o Hold Departure Order upang pigilan ang pag-alis niya at ng iyong mga anak.
Malugod po namin kayong inaanyayahan na manood ng “Public Atorni” sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, sa ganap na 4:45 ng hapon.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta