‘Di Nakapagbayad ng Upa, Binantaang Puputulan ng Tubig at Kuryente

Dear Atty. Acosta,

 

AKO PO ay nangungupahan sa bandang Tondo, Manila. Medyo nagipit po ako noong nakaraang buwan at hindi ako nakapagbayad ng upa, pero mayroon naman akong dalawang buwan na deposit at magbabayad din naman ako agad kapag nakatanggap ako ng pera. Kaya lamang kaninang umaga ay nagsabi siya na ipapuputol daw niya ang aming kuryente at tubig kapag hindi pa ako nagbayad. Tama po ba iyon? Ano po ang dapat kung gawin?

 

Perla

 

Dear Perla,

               

MALINAW SA iyong salaysay na may namuong relasyong nagpapaupa at umuupa (lessor-lessee relationship) sa pagitan mo at ng may-ari ng bahay na inuupahan mo subalit aming naiintindihan na wala kayong kontratang pinirmahan tungkol sa pagpapaupa sa inyo. Upang masagot namin ang iyong katanungan, kinakailangang tingnan ang ilang probisyon ng ating New Civil Code kaugnay rito.

Nakasaad sa Article 1654 ng ating New Civil Code ang mga obligasyon na dapat gampanan ng isang nagpapaupa (lessor):

“Art.1654. The lessor is obliged:

(1) To deliver the thing which is the object of the contract in such a condition as to render it fit for the use intended;

(2) To make on the same during the lease all the necessary repairs in order to keep it suitable for the use to which it has been devoted, unless there is a stipulation to the contrary;

(3) To maintain the lessee in the peaceful and adequate enjoyment of the lease for the entire duration of the contract.”

Ang Article 1657 naman ang nagtatakda ng mga obligasyon na dapat tuparin ng isang umuupa (lessee):

“Art. 1657. The lessee is obliged:

(1) To pay the price of the lease according to the terms stipulated;

(2) To use the thing leased as a diligent father of a family, devoting it to the use stipulated; and in the absence of stipulation, to that which may be inferred from the nature of the thing leased, according to the custom of the place;

(3) To pay expenses for the deed of lease.”

Bagama’t obligasyon mo bilang nangungupahan na magbayad ng upa sa takdang oras, hindi ito nangangahulugan na may karapatan nang gawin ng nagpapaupa ang kahit na anong naisin niya dahil lamang sa hindi ka nakapagbayad ng upa. Bagkus, alinsunod sa nabanggit na batas sa itaas, ang nagpapaupa ay may obligasyon na panatilihing mapayapa at nakikinabang nang maayos ang umuupa sa pinauupahan.

Dagdag pa rito, nakasaad sa Article 19 ng ating New Civil Code na:

“Article 19. Every person must, in the exercise of his rights and in the performance of his duties, act with justice, give everyone his due, observe honesty and good faith.”

Samakatwid, hindi naaayon sa batas ang banta ng nagpapaupa sa iyo na puputulan ka ng tubig at kuryente.   Gayunpaman, ikaw ay aming pinapayuhan na kausapin nang mahinahon ang nagpapaupa at ipaliwanag sa kanya ang iyong sitwasyon na ikaw naman ay magbabayad, upang maiwasan ang hindi magandang sitwasyon sa inyong dalawa.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleNakakapagpabagabag na Laglag-Bala Scam
Next articleOplan Tago

No posts to display