Dear Atty. Acosta,
MAGTATANONG LANG po sana ako tungkol sa aking kasal. Ikinasal kami ng ex-wife ko noong 1999. Hiwalay na po kami ng sampung taon. Nag-check po ako sa Civil Registrar ng City Hall ng Caloocan, may kopya po kami roon pero wala ka-ming marriage license at joint affidavit lang po ang nakalagay roon. Sa huwes po kasi kami ikinasal. Gusto ko po kasing magpakasal ulit, kumuha po ako ng CENOMAR sa NSO sa Caloocan, wala pong nag-appear na kasal ako, ang nakalagay po, “does not appear on our national indices of marriage”. Kumuha po ulit ako ng CENOMAR sa NSO naman ng Quezon City, baka sakaling nagkamali po sila pero, ang naging resulta po ulit ng CENOMAR ko “does not appear on our national indices of marriage”.
May nakausap po kaming Attorney at ipinakita po namin ang resulta ng CENOMAR ko, sabi niya po peke raw ang naging kasal namin ng ex-wife ko. Itatanong ko lang po, pwede na po ba ako magpakasal sa aking kasintahan tutal hindi naman po legal ang aming kasal? Salamat po. Sana po mabigyan ninyo ng panahon ang a-king mga tanong.
Evan
Dear Evan,
HINDI NANGANGAHULUGANG peke o walang-bisa ang isang kasal kung ito ay hindi nakare-histro. Ang pagrerehistro ng kasal ay hindi isa sa mga kinakailangan upang maging may bisa ang isang kasal. Ayon sa batas, ang isang kasal ay kinakailangang mayroong essential at formal requisites upang maging balido sa mata ng batas. Ang mga “essential requisites” na nakapaloob sa batas ay ang mga sumusunod:
(1) Legal na kapasidad ng mga partido na ikakasal na dapat ay lalaki at babae. Ang legal na kapasidad ay tumutukoy sa edad ng mga ikakasal na dapat ay labing-walong taong gulang pataas; (2) Kusang-loob na pagsang-ayon ng bawat partido na ibinigay sa harap ng “solemnizing officer” o nagkakasal. (Art. 2, Family Code of the Philippines)
Ang mga “formal requisites” naman ay ang mga sumusunod: (1) Kapangyarihan ng “solemnizing officer”; (2) Balidong “marriage license”, maliban sa mga pagkakataong nakasaad sa batas na hindi kinakailangan ng “marriage license”; (3) Isang seremonya ng kasal na isinasagawa sa harap ng mga partidong ikakasal at ng “solemnizing officer” kung saan ang bawat partido ay personal na nagdedeklara na tinatanggap nila ang isa’t isa bilang asawa sa harap ng hindi bababa sa dalawang (2) testigo na nasa hustong gulang. (Art. 3, Family Code of the Philippines)
Kung mayroon ng mga nabanggit ang inyong kasal, nangangahulugan na ito ay may bisa kahit pa hindi ito rehistrado. Gayunpaman, inyong nabanggit din sa inyong liham na wala kayong “marriage license” at “joint affidavit” lang ang inyong ginawa. Tama, na kailangan ang balidong lisensya bago makapagpakasal subalit mayroon ding mga sitwasyon na pinapayagan ng batas na magpakasal ang dalawang tao nang walang lisensya. Ang mga ito ay ang mga sumusunod: (1) kung alinman o pareho sa partidong magpapakasal ay mamamatay na; (2) kung walang masasakyan papunta sa tanggapan ng local civil registrar sa lugar na tinitirhan ng isa man sa mga partido sa kasal; (3) kasal sa pagitan ng mga Muslim kung saan nasunod ang mga tradisyon, gawi at kaugalian nila; at (4) sa mga partidong bago magpakasal ay namuhay na nang magkasama bilang mag-asawa na walang anumang hadlang na magpakasal sa isa’t isa. (Arts. 27-28, 33-34, Family Code of the Philippines)
Maaari namang pumasok ang inyong kasal sa isa sa mga pagkakataong ito kung kaya’t maaari rin naman na magkaroon ng balidong kasal kahit walang lisensya. Gayunpaman, kung talagang wala kayong lisensya nang kayo ay magpakasal at hindi kayo napapaloob sa mga nabanggit ng batas kung saan hindi kailangan ng lisensya, ito ay nangangahulugang walang-bisa ang inyong kasal. Magkaganito man, hindi pa rin kayo maaaring basta-basta na lamang magpakasal nang muli sa ibang tao. Ayon sa Family Code of the Philippines, maaari lamang magpakasal sa taong hindi mo asawa kung mayroong utos ang hukuman na nag-dedeklarang walang-bisa ang inyong naunang kasal. (Art. 40) Samakatuwid, kinakailangan pa rin kayong maghain ng kaukulang petisyon para rito sa harap ng husgado.
Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyon na ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong ibang maidagdag.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta