HANGGANG NGAYON, SUPER-DENY pa rin si Lovi Poe tungkol sa kanila ni Ronald Singson, eh, mismong si Jomari Yllana na bestfriend ni Ronald ang nagsasabing parang umiilaw sila kapag magkasama silang dalawa.
Sabi ni Lovi nu’ng nakausap ito ng Startalk, hindi pa niya masasabing sila na o kahit mutual understanding dahil wala pa naman daw development.
Ang hirap naman yatang i-describe ang ganu’ng relasyon kung nakikita kayong sweet na sweet.
Nu’ng nakaraang birthday ni Lovi, niregaluhan pa siya ni Ronald ng isang pares na hikaw na nu’ng nakita ko ‘yung picture, talagang kumikinang ang diamante, ha! Bongga, ‘di ba?
Ewan ko naman sa kanila bakit ayaw pa nilang aminin, eh, wala namang conflict.
Si Jolo Revilla naman ay dedma na at matagal na nga raw siyang nakapag-move on kaya wala naman siyang pakialam kung nakipagrelasyon na ang dating girlfriend kay Ronald.
Pero bongga rin naman si Lovi, ha! Ang bobongga ng mga nali-link sa kanya. Pagkatapos ng bonggang regalong natatanggap niya kay Jolo, ngayon naman si Ronald. Ang ganda-ganda niya!
Kunsabagay, ang laki nga nang iginanda ngayon ni Lovi, at siya na nga raw ang piniling isa sa makaka-partner ni Richard Gutierrez sa Captain Barbell.
Kaya pala tinanggihan nito ang Panday Kids dahil merong mas bonggang project para sa kanya.
Pero iba naman ang narinig kong kuwento kung bakit idi itinuloy ni Lovi ang Panday Kids, dahil na-insecure daw ito sa role doon ni Jackie Rice.
Nang tinanong din si Lovi tungkol dito, itinatanggi niya. Hindi nga raw niya nabasa ang script, ang manager daw niya ang tumanggi at wala raw siyang ideyang mas maganda ang role ni Jackie.
Isa raw si Jackie sa pinakamalapit sa kanya kaya imposibleng kainsekyuran daw niya ito.
AWANG-AWA NAMAN KAMI kay Nina Kodaka nu’ng nakaraang Linggo dahil hindi siya ang napasama sa final 5 ng Starstruck V na magtatapos na sa Araneta Coliseum sa darating na Linggo.
Hinimatay pa ito nang yumakap na siya sa lolo niya na nagbigay sa kanya ng bulaklak. Hirap na hirap siyang tanggapin ang pagkatalo dahil talagang ang gustung-gusto niya ay makapasok man lang sa final 5.
Naging basehan kasi ang talent at dito kulang pa si Nina, pero malakas siya sa mga fans kaya tingin ko naman sisikat pa iyan kahit hindi siya ang nagwagi sa talent search na ito.
Ang in-announce na pasok sa final 5 ay sina Sarah Labati, Rocco Nacino, Enzo Pineda, Steven Silva at Diva Montealba.
Sa Linggo ay malalaman na kung sino ang hihiranging Ultimate Survivor sa lalaki at sa babae.
May mga naririnig na akong malakas pero mahirap pang sabihin dahil talagang matindi rin ang pagtulong ng mga supporters nila.
Kaya tiyak na matindi ang labanan niyan sa Linggo, kaya tutukan n’yo iyan.
Sabi pala ng mga taga-Starstruck, may color coding doon sa Araneta sa Linggo. Sa mga supporters ni Sarah, magsuot lang daw ng yellow. Kung kay Enzo, blue naman ang isuot ‘nyo. Purple naman kay Rocco, orange kay Diva at green kay Steven.
Magkita-kita tayo sa Araneta Coliseum sa Linggo.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis