‘Di Pa Kasal: Kaninong Apelyido ang Gagamitin?

Dear atty. Acosta,

MAGKAKAANAK NA po kami ng boyfriend ko at gusto niya pong gamitin ang apelyido niya bilang apelyido ng aming magiging anak gayong pati po siya ay hindi naman legal na nakarehistro. Hindi po ba magkakaproblema ang magiging anak namin? P’wede ko pa rin po bang maging beneficiary ang magiging anak namin? Paano naman po kung apelyido ko ang gagamitin ng bata, madi-declare rin po ba ng boyfriend ko na beneficiary ang magiging anak namin? Papaano po kung saka pa lang kami ikakasal? 

Paula

 

Dear Paula,

WALANG MAGIGING problema kung ipagagamit ng iyong boyfriend ang kanyang apelyido sa inyong magiging anak kahit ang kapanganakan ng iyong boyfriend ay hindi nakarehistro. Bagkus, ang intensyong ipagamit ang apelyido ng iyong boyfriend sa inyong magiging anak ay nagpapahayag ng kanyang pagkilala sa kanya na magbibigay ng maraming karapatan sa oras na maisilang mo na ito.

Gayunpaman, upang mapawi ang iyong agam-agam sa hindi pagkakarehistro ng kapanganakan ng iyong boyfriend, ang tanging dapat niyang gawin ay iparehistro ang kanyang kapanganakan sa local civil registrar sa lugar kung saan siya ay ipinanganak. Ang prosesong kanyang susundin ay Delayed Registration of Birth.

Kung ang iyong boyfriend ay higit na sa 18 taong gulang, kinakailangan niyang magsumite ng apat (4) na kopya ng napirmahang Certificate of Live Birth at ng Affidavit for Delayed Registration na matatagpuan sa likod ng Certificate of Live Birth na ginawa at pinirmahan ng kanyang ama, ina o guardian at nakasaad doon ang pangalan; petsa at lugar ng kapanganakan; ang pangalan ng ama at pagkilala nito sa anak, kung hindi lehitimong anak; ang petsa at lugar ng kasal ng mga magulang, kung lehitimo ang anak; at ang dahilan kung bakit hindi narehistro ang kapanganakan sa loob ng 30  araw mula nang ito ay ipinanganak. Kinakailangan din na magsumite ang boyfriend mo ng dalawang dokumento na magpapatunay ng kanyang pangalan, petsa at lugar ng kapanganakan, pangalan ng ina at ama. Halimbawa nito ay ang baptismal certificate; school records; income tax return of parent/s; insurance policy; medical records; barangay captain’s certification. Kailangan din ng Affidavit of Two Disinterested Persons na nakakaalam ng kapanganakan ng iyong boyfriend. (National Statistics Office)

Tungkol naman sa iyong susunod na katanungan, maaari mong maging beneficiary ang iyong magiging anak sa oras na siya ay napanganak mo na, kahit ang gamit nitong apelyido ay ang sa iyong boyfriend. Sa kabilang banda, maaari rin siyang maging beneficiary ng iyong boyfriend kahit na apelyido mo ang gamit ng inyong magiging anak kung kinilala siya ng iyong boyfriend bilang kanyang hindi lehitimong anak sa pamamagitan ng pagpirma nito sa birth certificate ng bata o kaya naman sa dokumento (private o public document) na kung saan inaako niyang siya ang ama ng bata.

Kung pagkapanganak mo ay nagpakasal kayo ng iyong boyfriend, magiging legitimated na ang inyong magiging anak at lahat ng karapatan ng isang lehitimong anak ay matatamasa na ng inyong magiging anak.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleBea Alonzo, five years pa raw bago magpakasal
Next articleSef Cadayona & Yassi Pressman: Groovy Kind of Love!

No posts to display