Dear Atty. Acosta,
NANG AKO ay pumasok sa trabaho ay pumirma ako ng kontrata kung saan nakasaad na ako ay isang probationary employee sa loob ng anim na buwan. Lumipas ang anim na buwan at ako ay nanatili pa rin sa kumpanyang aking pinagtatrabahuhan. Dalawang buwan matapos ang aking anim na buwan na probationary employment ay kinausap ako ng aking department head upang i-extend ang aking probationary employment. Hindi pa po ba ako maituturing na regular employee? Ano po ba ang isinasaad ng ating batas ukol dito?
Al
Dear Al,
ANG ISANG empleyado ay maaaring sumailalim sa tinatawag na probationary employment habang inaalam ng kanyang employer kung siya ay nararapat sa isang permanenteng posisyon sa pribadong kompanya (Azucena, Everyone’s Labor Code, 4th Edition, page 331). Sa loob ng panahong ito ay titingnan ng iyong employer ang iyong kwalipikasyon at kakayahan bilang isang empleyado. Maaari itong masukat sa pamamagitan ng antas ng kalidad ng iyong trabaho, dalas ng iyong pagliban at pagiging huli sa pagpasok sa trabaho at maging sa iyong pakikitungo sa mga nakatataas sa iyo, sa iyong mga kasamahan sa trabaho at maging sa mga kliyente na pinagsisilbihan ng inyong kumpanya.
Tungkulin ng isang employer na ipagbigay-alam sa kanyang employee sa simula pa lamang ng probationary employment ang kanyang mga magiging batayan upang alamin kung ang huli ay maaari nang maging isang permanenteng empleyado. Ang iyong pagkabigo sa pag-abot sa batayang ito ay maaaring maging dahilan upang ikaw ay maaalis sa iyong trabaho. Sa kabilang banda, ang maluwalhati mong pag-abot sa batayang ito ay magiging dahilan upang ikaw ay maging isang regular na empleyado ng inyong kumpanya.
Ang probationary employment ay hindi maaaring lumampas ng anim (6) na buwan na bibilangin mula sa petsa na nag-umpisang magtrabaho ang empleyado, maliban na lamang kung mayroong kasunduan na nagsasaad ng mas mahabang panahon (Article 281, Labor Code of the Philippines). Subalit ang kasunduang ito ay kailangang ipaalam sa empleyado bago pa man magsimula ang kanyang probationary employment. Ang isang probationary employee ay maituturing na regular employee kung siya pinayagan na patuloy na magtrabaho pagkalipas ng kanyang probationary employment (Article 281, Labor Code of the Philippines).
Samakatuwid, ang ginawang pagpapahaba ng iyong probationary employment makalipas and dalawang buwan mula sa pagtatapos ng inyong napagkasunduan na anim na buwan ay isang malinaw na paglabag sa iyong karapatan bilang isang manggagawa. Ayon sa ating Labor Code, ikaw ay maituturing na regular na empleyado ng kumpanya dahil pinayagan ka pang magtrabaho kahit natapos na ang anim na buwan mong probationary employment. Bilang isang regular na empleyado, hindi ka na maaari pang muling isailalim sa panibagong probationary employment.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta