MARAMI SA ating mga mambabatas ay iniluklok natin sa puwesto upang mangulangot lamang at tumingala sa kisame para magbilang ng butiki sa Kongreso.
Ang mga mambabatas na ito ay walang alam sa mga tunay na problema ng nakararami nating kababayan, at kung sakali mang may katiting silang nalalaman dito, wala silang pakialam.
Hindi naman patas na bansagan natin silang mga inutil at bobo dahil tayo rin ang lalabas na mga tanga sapagkat nagpabola tayo sa kanila at ibinoto natin.
ISA LAMANG sa ehemplo na pinagkaabalahan ngayon ng ilan sa ating mga mambabatas ay ang pagpapanukala ng batas na kung tawagin ay “Kengkoy Bills” tulad ng pagpapataw ng parusa sa sinumang sisingit sa pilahan.
Kapag naging batas ang panukalang ito, makukulong ang mga nakikipagtransaksyon sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan na sumisingit sa mga pilahan gaya ng sa LTO, NSO, DFA, atbp. Kasama na rin dito ang mga sumisingit sa pilahan sa mga kahera sa mga sinehan, fastfood chain, department store, etc.
At ang mas matindi pa, mas mabigat ang parusang ipapataw sa mga taong sumisingit sa pilahan sa bigayan ng mga relief goods sa mga biktima ng kalamidad.
ISA PANG pinag-aaksayahan ng panahon ng isa pang mambabatas ay ang panukalang gawing pambansang ulam nating mga Pilipino ang Adobo. Ang isa naman ay nagpapanukalang ipangalan ang isang eskuwelahan, airport at kalsada kay Tita Cory Aquino.
May isa pang nagplanong ipanukala ang pagbibigay ng habambuhay na exemption kay People’s Champ Manny Pacquiao sa pagbabayad ng buwis.
Pero ang pinakaistupido sa lahat ay ang panukalang makukulong ang lahat ng mga magulang na may mga menor de edad na anak na mahuhuling naninigarilyo o umiinom ng alak. Ito ang klase ng batas na magpaparusa kay Pedro dahil sa kasalanan ni Juan!
ANONG PAKIALAM natin kung ano man ang pambansang ulam ng mga Pilipino? Ano ang maitutulong nito sa mga samu’t saring problemang kinahaharap ng ating mga kababayan?
Ang sagot ay mayroon at wala. Mayroon para sa mambabatas na nagpanukala dahil pinalilitaw niyang meron siyang ginagawa. At wala dahil saksakan ng babaw ang panukalang batas na ito at walang maidudulot na mabuti sa nagugutom at problemadong si Juan.
Bakit din kailangang parusahan ang mga nasalanta ng bagyo na nag-uunahan sa pila para sa relief goods dahil sa gutom? Hindi pa ba sapat na sila ay biktima na ng trahedya at kaawa-awa na nga ang kalagayan, bakit dadagdagan pa ang kanilang pasakit at sila’y ikulong?
Kung mayroon mang dapat parusahan dito walang iba kundi ang mga tanod at iba pang opisyal ng barangay at lokal na pamahalaan na naging pabaya sa paglalagay sa ayos ng pilahan sa distribution ng mga relief goods sa kanilang kinasasakupan.
KAPAG IPAPANGALAN ba ang isang kalye kay Tita Cory, magbabago na ba ang daloy ng trapiko sa kalyeng ito at hindi na magiging kaskasero ang mga tsuper na dumaraan dito?
Ganoon din kapag ipinangalan ang isang pampublikong paaralan kay Tita Cory, gaganda na ba ang mga kalagayan ng mga estudyante rito dahil doon?
Mas kapaki-pakinabang pa kung ang ipapanukalang batas ay pagpapataw na lang ng parusang pagkakakulong sa mga traffic enforcer na tamad at kotongero na siyang dahilan sa pagpapatrapik sa mga kalye. O dili kaya batas na magpaparusa sa lahat ng kawani ng mga pampublikong elementary at high school na naniningil sa mga estudyante para sa kung anu-anong voluntary contributions kuno.
At kapag ipinangalan ba kay Tita Cory ang isang airport sa isang probinsya gaganda na ba ang serbisyo at imahe nito? Baka nakakalimutan ng mambabatas na ito na hindi nakatulong ang pangalan nang ipangalan kay Ninoy ang NAIA Terminal 1 at ito ay nabansagan pa ring worst airport in the world.
NARITO ANG ilan lamang sa mga sumbong na natanggap ng inyong lingkod mula sa mga text hotlines ng Wanted Sa Radyo na 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
IDOL, GUSTO ko lang humingi ng tulong dahil sa laganap na droga rito sa lugar namin sa Muntinlupa. Mga guwardya mismo sa loob ng Bilibid ang mga sangkot at nagpapatakbo, mga big time na drug lords at mga dalaw nila ang pinupuntirya at kakuntsaba. Iyong mga pulis po na dapat na humuhuli sa mga nagtutulak kapag nahuli nila, sila rin ang mga magdi-dispose ng nahuli nilang droga. Hulidap ang uso sa lugar namin, pera-pera ang ginagawa ng kapulisan. Kaya ko po silang lahat na pangalanan.
AKO PO’Y taga-Bacoor, Molino Boulevard, gusto ko pong ipaalam sa inyo na tuwing Sabado ng gabi ay may car racing dito. Noong nakaraang buwan ay may namatay na kakilala ko na na-hit and run sa harap ng subdivision. Hindi na po nagpaimbestiga ang pamilya ng kakilala ko dahil natatakot sila na resbakan. Malapit lang po sa Talaba Police Station ang pinaggaganapan ng racing na iyan. Sana po matulungan n’yo kami na maipatigil na ang mga iligal na racing na iyan para lang po sa kaligtasan ng mga taga-rito.
NAIS KO lang pong ireklamo iyong mga barangay tanod dito sa amin. Kasi mga naglalasing muna kahit araw ng duty at minsan may pinagti-tripan pa habang nakatambay sa barangay. At kung sino pa iyong matitinong tanod ay iyon pa ang sinisiraan sa kapitan. Hindi po dinidisiplina ang mga tanod ng kapitan dito dahil puro kamag-anak niya kaya pinalalampas lang ang mga kalokohan.
GUSTO KO po sanang iparating sa inyo ang talamak na gawain ng mga rugby boys dito sa kahabaan ng Camarin Road, Almar, Caloocan City upang matawag ang pansin ng kapulisan at DSWD na nakasasakop sa lugar na ito dahil masyadong nakaaabala ang mga batang ito sa mga tao at establisyamento kapag high sila dahil naghahabulan at nagbabatuhan sila at kung minsan ay may dala pang mga patalim. Nakakatakot po para sa mga taong dumaraan o pumupunta rito. Maraming salamat po.
SIR, ISUSUMBONG ko lang po ang mga gagamba boys na namamalimos dito sa Parañaque, dito sa papalabas ng Coastal Road going to Cavite, hindi hinuhuli o binabawal ng mga pulis. At iyong mga signal light, wala pa 15 seconds red na agad kaya iyong mga buwaya sa ilalim ng footbridge ang dami nahuhuli. Matagal na po ito at sana matigil na ang mga ito at iyong mga buwaya rito.
Shooting Range
Raffy Tulfo