‘Di Sinunod ang Huling Habilin

Dear Atty. Acosta,

MAY LUPA ang tatay ng lolo ko. Lima ang anak niya at ang 1/4 ng nasabing lupa ay ibinigay niya sa lola ko na anak niya, habang ang 3/4 nito ay ibinahagi niya sa apat ko pang mga lolo. Nakasulat ang hatiang ito sa kanyang huling habilin na pinirmahan niya at ng lahat ng kanyang mga anak bilang patunay na pumayag sila sa habilin ng

kanilang ama. Subalit nang mamatay ang kanilang ama ay hinati ng mga

kapatid ng lola ko ang lupa sa apat na parte lamang at hindi nila ibinigay ang parte ng lola ko. Maaari po ba nilang gawin iyon?

Joe

 

Dear Joe,

UNA SA lahat, mayroong iniwang huling habilin ang kanilang ama na dapat ni-lang pahalagahan. Bilang may-ari, mayroong kakayahan ang kanilang ama na ibigay ang kalahati ng kanyang ari-arian o estate sa taong nais niyang pagbigyan nito. Ang kalahating ito ay tinatawag na free portion. Mahalaga lamang na sundin ng nagpapamana ang mga alituntuning nakasaad sa ating batas.

Base sa mga nailahad mo, wala kaming nakikitang dahilan upang hindi ipatupad ng mga tagapagmana ang hu-ling habilin ng kanilang ama. Bagama’t naging saksi sa huling habilin ang iyong lola na maaaring magpawalang-bisa sa ipinagkaloob sa kanyang parte ng kanilang ama, mayroon namang apat pang ibang naging saksi sa nasabing huling habilin at ito ay ang iyong mga lolo. Ayon sa Artikulo 823 ng New Civil Code, “If a person attests to the execution of a will, to whom x x x a device or legacy is given by such will, such devise or legacy shall, so far only as concerns such person, x x x be void, unless there are three other competent witnesses to such will. x x x” Kung kaya’t, hindi maaaring hatiin ng iyong mga lolo sa apat na bahagi lamang ang lupang iniwan sa kanila ng kanilang ama dahil ito ay taliwas sa kanyang kagustuhan at higit pa rito ay ipagkakait nila sa kanilang kapatid na babae ang kanyang parte sa kanilang minanang lupa.

Samakatuwid, mula sa nasabing free portion, ang 1/4 nito ay mapupunta sa iyong lola at ang 3/4 nito ay paghahatian ng apat mong mga lolo. Tandaan din na kailangang dalhin sa hukuman ang nasabing huling habilin ng taong na-ngangalaga at may hawak nito upang ito ay mai-probate at mahati alinsunod sa ninais ng kanilang ama. Ang natitirang kalahati ng estate ng kanilang ama ay kailangang ibigay sa mga tagapagmana bilang kanilang legitime. Sa aspetong ito ay pantay na maghahati-hati ang mga tagapagmana sa nasabing parte ng lupa. Maaari silang magkasundo kung aling parte ng lupa ang mapupunta sa kanila upang maayos nilang mapaghatian ang kanilang minanang ari-arian.

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

Halinang manood ng “PUBLIC ATORNI: ASUNTO O AREGLO” tuwing LUNES, 9:20 pm sa AksyonTV. 

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleTita Annabelle
Next articleAng Mga Bukod-Tanging Pulis!

No posts to display