‘Di Sinusuportahan ng Ama

Dear Atty. Acosta,

 

I NEED your advice. Sampung taon nang hiwalay ang Mama at Papa ko pero hindi legal. Si Papa ay may ibang babae. Ang nasabing babae ay may asawa rin at may tatlong anak. Ayaw magbigay ng suporta ang Papa ko para sa pangangailangan ni Mama. Ang bunso kong kapatid ay Grade 4 pa lang. Wala raw siyang pakialam sa amin. Noong wala pa siyang trabaho ay hindi namin siya inoobligang magbigay ng suporta. Pero ngayong may trabaho na siya sa ibang bansa at nanghihingi kami ng suporta para kay Mama at para mapagawa ang sirang bahay namin, nagalit siya samantalang nalaman ko na nagpadala siya ng Php60,000.00 sa babae niya. Alam ko malaki ang sahod ng Papa ko, hindi naman siguro kawalan sa kanya kung magbibigay siya ng suporta sa amin na pamilya niya.

Sana matulugan po ninyo ako. Thank you so much. God Bless.

 

Sincerely yours,

Ann

 

Dear Ann,

 

DAPAT MONG malaman na kahit hiwalay na ang iyong ina at ama ay may obligasyong pa rin ang iyong ama na magbigay ng suportang pinansiyal sa iyong ina, sa iyo at iyong mga kapatid na hindi pa nakapagtapos ng pag-aaral at hindi pa tumutuntong sa hustong gulang. Ito ay sa kadahilanang ang obligasyon ng asawa na magbigay ng suportang pinansyal sa kanyang asawa at ang obligasyon ng ama na magbigay ng suportang pinansyal sa kanyang mga anak ay hayagang nakasaad sa Article 195 ng ating Family Code. Kaugnay nito, nakasaad sa Article 194 ng nabanggit na batas ang saklaw ng suportang pinansyal na obligasyong ibigay ng iyong ama sa inyong mag-iina:

“Art. 194. Support comprises everything indispensable for sustenance, dwelling, clothing, medical attendance, education and transportation, in keeping with the financial capacity of the family. x x x”

Samakatuwid, hindi maaaring sabihin ng iyong ama na wala na siyang pakialam sa inyo. Dahil dito, maaaring patuloy kayong humingi ng suportang pinansiyal mula sa iyong ama. Ang tanging balakid sa paghingi ninyo ng suportang pinansiyal ay ang pagtratrabaho nito sa ibang bansa. Gayunpaman, subukan ninyong tumawag o lumiham sa iyong ama kung sakaling alam mo ang kanyang telepono o address sa ngayon. Makabubuting idaan ninyo sa magandang pakiusap na bigyan niya kayo ng suporta. Maaari ring dumulog kayo sa Department of Foreign Affairs para magpatulong sa embahada ng Pilipinas o sa Philippine Overseas Employment Administration para malaman kung saan nagtatrabaho ang iyong ama.

Kung sakaling hindi pa rin siya magbigay ng suportang pinansiyal sa kabila ng inyong pagsusumamo, maaari na kayong magsampa ng Action for Support laban sa iyong ama subalit ito ay may kahirapan tulad ng nabanggit na sapagkat sa kasong Action for Support, kinakailangang magkaroon ng jurisdiction ang ating hukuman sa iyong ama. Ibig sabihin, kinakailangang personal na makatanggap ng summons ang iyong ama upang siya ay mabigyan ng pagkakataong sumagot sa kasong isasampa mo sa kanya. Kung hindi matatanggap ng iyong ama ang summons dahil wala siya rito sa ating bansa, pansamantalang maaantala ang nasabing kaso, maliban kung babalik siya rito o kung may naiwan siyang ari-arian dito sa Pilipinas na siyang sasagot sa obligasyon ng iyong ama na magbigay ng suporta sa inyong mag-iina.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleTrending Fitness Workouts Para sa Bagets
Next articlePacquiao, Llamado sa mga Pilipino

No posts to display