HINDI inaasahan ni Oscar San Juan na siya ang mananalong Mr. Pogi 2019 grand winner sa Eat Bulaga last year, August 2019.
“Hindi po talaga ako nag-expect kasi nung nakita ko po yung mga kalaban ko na mga tisoy, Inglisero, tapos malakas po yung appeal, parang nung nasa top 10 na po ako nawawalan na ako ng pag-asa kasi ang kikinis po nila talaga, yung parang kutis artista na po. Kaso nung tinawag pong isa-isa yung top 3, tinawag po yung dalawang napakalakas kong kalaban, ang tahimik ko na lang po.
“Tapos nung tinawag po ang pangalan ko, kita naman po sa TV yon kung gaano ako kasaya. Na-surprise po ako at sobrang tuwa ko po nung nanalo ako,” masayang kuwento at pagbabalik tanaw ni Oscar na nag-represent ng San Pedro, Laguna.
Inamin din ng binata na kaya hindi siya nag-i-expect manalo ay dahil sa marami siyang insecurities sa katawan lalo na sa kanyang kulay.
“Ang dami ko pong insecurities lalo na po sa mga kalaban ko. Ako kasi moreno, tapos dinown ko po yung sarili ko sa pagiging moreno ko. Tapos sabi po ng mga staff nag-standout daw po ako dahil sa kutis at kulay ko po na Pinoy na Pinoy talaga. Maganda rin daw po yung attitude ko sa mga rehearsals, paano ako makisalamuha at talented din daw po ako,” sabi pa ni Oscar.
Mahusay kumanta at sumayaw si Oscar at isa ito sa naging advantage niya para matalo ang kalaban sa Mr. Pogi.
Ano ba ang reaksyon niya kapag sinasabi ng iba na hindi siya deserving manalo ng title sa Mr. Pogi?
“Nginingitian ko na lang po kasi tulad nga po nung sabi nila, uso man po yung itsura nila ngayon, pero sabi po naman sa aking ng karamihan ang nagpanalo daw po sa akin ay yung smile ko, yung pagiging talented ko po saka yung pagiging down to earth ko po at yon daw po yung mas nakakapogi talaga,” paliwanag ni Oscar.
Katulad nina Jericho Rosales at Edgar Allan Guzman, ang purpose din ng pagsali ni Oscar sa Mr. Pogi ay para maging artista.
Aniya, “Gusto ko po talagang maging artista dati. Kung hindi po ako makilala sa acting, siguro sa singing po, gusto ko din pong makilala sa pagkanta. Kasi nung bata po ako naiingit po ako sa iba na nakikita sa TV tapos napapakita nila yung talent nila.
“Parang para sa akin po gusto ko din pong ipakita kung ano po yung meron ako sa iba, parang ganun po. Kaya po ako sumali ng Mr. Pogi, sabi ko po parang ito na po yung time na lumabas po ako sa box ko at mag-explore pa po ako outside of my box.”
Bago sumali ng Mr. Pogi ay nag-audition din si Oscar noon sa Boyband PH ng ABS-CBN.
“Nakalagpas lang po ako ng level one tapos nung final cut po hindi na po ako nakuha. Buti na lang po nung sumali ako sa Bulaga nanalo naman po ako,” sambit pa niya.
Idolo ni Oscar si Jericho Rosales at nakikita niya raw ang sarili sa magaling na aktor. Handa rin daw siyang maghintay hanggang dumating ang tamang panahon na mapapansin din siya sa showbiz at matutupad ang kanyang pangarap.
“Hindi naman po ako nagmamadali. Habang naghihintay po ako ng mga opportunities ko ini-improve ko po muna ang sarili ko para mas tumaas po yung confidence ko. Kasi pag healthy ka at feeling mo maganda yung katawan mo parang angbo-boost po yung self confidence mo,” huling pahayag ni Oscar sa amin.