KAHAPON NANG UMAGA sa DZMM, sinimulan ni Ted Failon ang kanyang programa sa pamamagitan ng isang pambansang panalangin ni Father Jerry Orbos na alay para sa kaligtasan at mabilis na paggaling ni dating Pangulong Cory Aquino.
Ayon sa mga balita, walang katiyakan ang kundisyon ngayon ni Tita Cory. Nawalan siya ng ganang kumain, malaki ang ibinagsak ng kanyang katawan mula nang operahan siya nu’ng nakaraang Mayo dahil sa colon cancer.
Walang ibinibigay na opisyal na pahayag ang Makati Medical Center tungkol sa kanyang kalagayan. Ang tanging pinakikiramdaman ng marami ay ang kilos ng pamilya Aquino. Panalangin ang kanilang hinihingi para maipanalo ni Tita Cory ang laban.
Si dating Pangulong Cory ang naging mukha ng EDSA Revolution. Naging saksi tayo kung paano nagdagsaan ang mga mamamayang Pilipino sa EDSA para patalsikin ang diktador at iluklok sa Palasyo ang unang babaeng pangulo ng bansa.
Napakamakapangyarihan ng sama-samang panalangin, mas dinirinig ‘yun ng langit. Hangad ng buong bayan ngayon ang pagtawid sa kaligtasan ng dating pangulo at ang maaga niyang paggaling.
NAKAHINGA NANG MALUWAG ang mga nagmamahal kay Diether Ocampo. Maayos ang naging resulta ng serye ng gamutang pinagdaanan niya sa Amerika. Wala siyang sakit sa puso, walang problema sa kanyang katawan. Stress at over fatigue ang naging dahilan ng pagko-collapse niya kamakailan.
Sabi nga ng mga doktor, merong sakit na walang gamot kundi pahinga lang at sapat na tulog. Ang pagod at tensiyon kapag naipon-ipon, bumubuo ng isang karamdaman na hindi nangangailangan ng mga gamot na nabibili sa botika.
Walong oras na tulog o higit pa ang mas mabisang lunas du’n. Pagbabawas ng tensiyon ang kasunod, dahil ang nakaimbak nating lakas kapag nasaid na ay nangangailangan ng kapalit.
Ibang klase kasing magtrabaho ngayon ang mga kabataang artista. Ang calltime nila ay alas otso nang umaga, maghapon at magdamag magtatrabaho, makauuwi sila sa susunod na uling umaga.
Kontra sa ganu’ng rutina ang isang nakakuwentuhan naming direktor, ang opinyon nito, “Pauwiin ang artista sa gabi para makatulog, saka i-calltime uli nang umaga, para magtrabaho na naman nang buong araw.
“Sa ganu’ng klase ng schedule, mas napapakinabangan ang artista, mas nakaaarte sila nang maayos. Kapag maghapon at magdamag na silang nagtatrabaho, anong creative juices pa ang mailalabas nila?” Punto ng direktor.
Sagad-sagarang trabaho ang pinagdaanan muna ni Diet bago sila nakaalis papuntang Amerika para sa mga shows ng Star Magic. Ang pagod at tensiyon ay nadagdagan pa ng jetlag, kaya ang kinauwian nu’n ay ang kanyang pagko-collapse.
Mabuti naman at maayos na ang kanyang situwasyon ngayon. Maraming nagmamahal sa aktor na ito na napakasinsero ng pakikitungon sa kanyang kapwa. Isa si Diether Ocampo sa iilang artistang marunong magpahalaga sa mumunting tulong na ibinibigay sa kanya ng mga manunulat.
Masarap siyang suportahan, masarap siyang ipaglaban, dahil alam mong hindi ka niya iiwan sa gitna ng laban.
Sana’y matutuhan din ni Diet ang galing sa pagnanakaw ng tulog ni Piolo Pascual. Magaling ang guwapong aktor sa paggawa ng kahit idlip lang. Kahit yata planggana ang ibigay mong unan kay Piolo, paniguradong dadalawin ito ng antok.
Habang inaayos ng mga crew ang mga kable at camera, nananaginip na si Piolo. Wala itong sinasayang na panahon, kaya kapag sumasalang na uli ito sa harap ng mga camera, para naman itong sinaksakan ng suwero.
Sabi nga namin kay Diet, napakaepektibo ng cat nap. Maigsi lang, pero ang sarap-sarap at malaking dagdag ‘yun sa ating lakas.
At kailangang ingatan na niya nang triple ang kanyang kalusugan. Sinisingil na siya sa sobra-sobra niyang pagpapayat at pagtatrabaho, isang babala na ‘yun.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin