ILANG TAON na ring single and totally loveless si Diether Ocampo after nilang maghiwalay ni Rima Ostwani. Pero last week ay nakasama namin si Diether Ocampo sa isang youth center sa Maynila para sa isang advance birthday celebration niya kasama ang ilang mga kabataan. July 19 ang birthday ni Diet at July 17 naman siya dumalaw sa naturang center. At dito ay nasaksihan naming may isang maganda at seksing non-showbiz girl na kasama si Diet.
Lahad ni Diet, “Noong nabisita ko ito noong isang beses, naipangako ko sa kanila na magiging regular ‘yung pagbisita natin sa kanila para matingnan natin ‘yung kalagayan nila, at makita naman natin na naging progressive ‘yung takbo ng buhay nila.”
Paano niya kaya nakilala ang mga taong nandu’n at parang naging malapit na siya sa kanila? “Ah, ‘yung kaibigan ko kasi involved sa Virlanie Foundation, siya ‘yung nagdala sa akin dito at simula noon, isa na ito sa mga sinusuporthan natin na organization dito na nagtataguyod ng kabataang merong naging problema. Although, kahit mga petty crimes ‘yung mga nagawa nila, ah maganda rin siyempre na nakikita mo na gusto nilang merong marating. Kami naman, parang mapakita mo lang sa kanila na they really matter, hindi ‘yung sila ‘yung mga nakakulong dito na parang walang nagmamalasakit. Marami actually ‘yung nagmamalasakit sa kanila, kaya lang dahil siyempre ‘yung iba, parang merong stigma, natatakot pumunta rito.”
So ano nga ba ang wish niya sa kanyang kaarawan? Tugon nito, “Pansarili, wala na naman akong mahihiling pa dahil siyempre, siguro, sana, marami pa akong magawang ganito. Na sana marami pa tayong matulungang kabataan. Maiayos ‘yung mga kalagayan nila. Siyempre ‘yung wish ko talaga ay para du’n sa mga kapus-palad na nangangailangan, kasi galing po tayo riyan. Pinagdaanan ko rin ‘yun. Sabi ko nga sa kanila, siguro naging mabait sa atin ang Diyos dahil sa mga pinagdaanan ko noong kabataan ko, malamang nakakasama ko ‘tong mga to. Ano lang talaga, maaga akong na-boljack, and I’m very grateful na a lot of people helped and mentored me. For that, I’ll always be grateful and this is one way of me giving back, kasi importante sa atin ‘yun and it makes me feel grounded.”
Sa pakikipag-usap ni Diet sa mga kabataang naroon, naghanap siya ng mga nagmamahalang teenagers dahil gusto niyang marinig ang kanilang love story. Pero noong nakausap na namin si Diether at inusisa ang kanyang buhay pag-ibig, todo-iwas ito sa pagsagot. Idinagdag pang tanong namin sa kanya ang tungkol sa babaeng kasama niya noong araw na ‘yun. Sagot nito, “Okay naman, maraming mga bago, bagong location na pupuntahan ko pagdating sa charity na ginagawa namin,” sabay tawa nito.
Dugtong pa nito na halatang iniiwasan pa rin niya ang tanong, “Eh, ‘di kasi nabanggit ko kanina sa mga napunta rito meron palang nagiging magka-sintahan, ‘yung iba, rito na nagkakailala, nakakatuwa lang na makita mo na kahit sa ganitong klaseng sitwasyon, ah, nananaig pa rin ‘yung pag-ibig.”
Pero dama naming may something special between Diether at du’n sa girl na kasama niya. Simple lang ito pero maganda. Wala kaming magandang kuhang litrato sa kanila dahil bawal sa loob ang camera, pero kinunan namin sila sa kamera ng aming cellphone. Sana, ipakilala na ni Diether sa madla ang kanyang bagong minamahal, if sila nga nu’ng girl.
IMBITADO KAMI sa premiere showing ng indie movie ni Coco Martin na Sta. Niña sa Cinemalaya noong Martes at talaga namang pinatunayan ng actor na arrive na arrive na siya. Sobrang ganda ng pelikula at masasabi nating nagbalik na siya sa kung saan siya unang nakilala.
Bago pa man simulan ang screening, hindi na magkamayaw ang pila sa labas ng CCP main theater dahil excited sila to see Coco in the flesh at hindi naman sila binigo nito dahil one hour ahead of the screening schedule ay dumating na ang actor na siya ring producer ng nasabing pelikula. Walang puknat na sigawan at tiliian ang nangyari at bawat kaway ni Coco sa fans, talaga namang naghihiyawan ang mga ito.
Ayon pa kay Coco, nu’ng nabasa niya ang script ng Sta. Nina, hindi na niya ito binitawan at sa palagay niya, ito na nga ang hudyat na muli siyang gumawa ng indie movie. In between tapings ng Walang Hanggan, shooting naman ng pelikula ang kanyang pinagkakabalahan.
Sa tanong kung ano ang masasabi niya na marami ang humula na siya ang mag-uuwi ng best actor trophy para sa new breed category ay ito lang ang nasabi ni Coco, “Hindi naman ako umaasa sa ganyan, pero sino ba ang hindi nangarap na makuha ang best actor trophy. Pero icing on the cake na lang ‘yun, kumbaga, premyo na ‘yun if makuha. Dahil ang gusto ko lang talaga sa ngayon ay ma-appreciate ng publiko ang pelikula at kahit papano ay magustuhan at kumita.”
Sure na ‘yan, Coco!
Sure na ‘to
By Arniel Serato