Sa kabila ng kontrobersiyang kinahaharap ng bida ng indie film na Dalaw, matagumpay pa rin ang naganap na premiere night nito noong June 1 sa SM Megamall. Inabangan ng marami lalo na ng mga fans ang pagdating ng bidang si Katrina Halili, pero waz appear ang lola n’yo. Aba’y mahirap na, baka dumugin siya ng mga katakot-takot na tanong ng bayan.
Speaking of Dalaw na isang horror-suspense movie ni Direk Joven Tan, mukhang tinotoong dinalaw ‘ata sila ng kakaibang nilalang habang ginagawa ang pelikula. May isang eksena kasi sa pelikula kung saan may lumitaw na ulo ng sinasabing multo. Kaya naman bago magsimula ang premiere night, nag-alay muna ng dasal ang lahat para kay Katrina at sa kaluluwa ng batang nagpakita sa pelikula.
Ayon kay Direk Joven, location hunting pa lang, talagang ayaw na niyang pumasok sa 40-year old na abandonadong bahay na iyon. Nang mag-inquire sila, bawal palang mag-shoot doon at hindi pa ‘yun nagagamit sa kahit na anong shooting. Halos naikot na ng staff ang buong Cavite, saka naman sinabing pwede nang mag-shoot sa abandonadong bahay. Ang Dalaw nga ang kauna-unahang pelikulang nag-shooting doon.
Hindi lang pala ang bidang si Katrina na gumaganap bilang isang TV journalist ang kontrobersiyal sa nasabing pelikula kundi maging ang pelikula mismo. Kaya naman bago pa kayo dalawin ng kung sino d’yan, try n’yo munang dumalaw sa sinehan para mapanood ang team Dalaw na kinabibilangan nina Katrina Halili, Tonton Gutierrez, Glydel Mercado, Kristel Fulgar, Anita Linda, Mon Confiado, Matet de Leon at si Alvin Patrimonio.
Premiere Shots
by Jean Oli
Photos by: Allan F. Sancon