MAINIT PA RING pinag-uusapan si Dingdong Dantes na main attraction ng Bench sa Philippine Fashion Week sa MOA last Sunday. Ayon sa mga kafatid sa panulat na nakasaksi ng event, nawala na raw ang star power ng binata nang ito’y rumampa on stage. Walang nakuhang reaction from the audience. Parang baguhang model lang daw si Dingdong na dumaan sa harapan nila. Walang nakabibinging tilian ng mga fans kaya makikita mo raw sa mukha ng actor na hindi siya happy sa nangyari.
May tsika pa nga na diumano may humila o pinababa na raw si Dingdong sa stage dahil walang nakuhang reaction sa mga manonood. Nang si Piolo Pascual at Coco Martin na ang umeksena, ramdam mo raw kung gaano kainit ang pagtanggap sa kanila ng mga fans. Nalulungkot kami sa pangyayaring ito kung totoo ang tsismis na nangyari ito kay Dingdong. Kahit hindi namin kilala nang personal ang binata at minsan lang namin siyang na-interview, marami ang nagpapatotoo kung gaano siya kabuting tao at kaibigan. Sayang naman kung tuluyang babagsak ang career na pinaghirapan niya nang maraming taon.
Marami ang nagsasabing, malaking factor daw si Marian Rivera kung bakit matamlay ngayon ang career ni Dingdong. Hinihilang paibaba raw ng dalaga ang career ng kanyang dyowa. To think, puro negative issue ang naglalabasan ngayon sa actress. Kailan naman tayo nakabasa o nakarinig ng magandang balita tungkol sa kanya?
Nararamdaman na kaya ni Dingdong ang unti-unting niyang pagbaksak? Well, it’s not to late para makabawi. Marami pa naman puwedeng gawin ang aktor, sa kanyang career at personal na buhay. Isip-isip kung ano ang nararapat para muling manumbalik ang kasikatan ni Dingdong Dantes.
SALUDO KAMI SA acting power ni Ms. Coney Reyes as an actress, mapa-bida-kontrabida buong husay nitong nagagampanan. Ang lakas ng impact sa viewing public tuwing eksena na niya sa 100 Days To Heaven na dinirek ni Malu Sevilla. Maituturing namin si Coney ang Meryll Streep ng local cinema kung acting din lang ang pag-uusapan. Dalang-dala niya ang role ni Anna, isang matagumpay na negosyante pero walang tiwala sa kapwa.
Pinabilib din kami ni Xyriel Manabat bilang batang si Anna, mahusay magbitiw ng linya at nasa timing ang kanyang mga dialogue. Bukod sa marunong umarte ang child superstar, napakagaling pa nito sa monologue. Natural umarte lalo na kapag kaeksena niya sina Mark Gil, Jodi Sta. Maria, Smokey Manaloto at Joel Torre. Labis pa naming ikinatuwa kapag nag-dialogue na siya, “Kuha Mo?” Kuhang-kuha ni Xyriel ang expression ni Coney kapag imbudo ito sa kausap.
Ang nasabing teleserye ay hindi pangkaraniwang soap na nagsasalaysay ng mga problema, pagsubok sa ating buhay. Ito’y kuwento ng pangalawang pagkakataon, pagkakaibigan at pananampalataya. Kung bibigyan ka ng pangalawang pagkakataong baguhin ang mga maling nagawa mo para mailigtas ang iyong kaluluwa sa impyerno, tatanggapin mo ba ito? At kung tatanggapin mo, papayag ka bang simulan ito sa umpisa bilang isang 7-taong gulang na bata?
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield