BUONG NINGNING na inamin ni Perry Lansigan, talent manager ni Dingdong Dantes, na hindi imposibleng lumipat ng ibang istasyon si Dingdong, bagama’t puwede pa rin naman daw itong manatiling Kapuso.
Sa panayam namin mismo kay Perry kamakailan lang sa PPL Entertainment office nito sa Quezon City, inamin nitong nakikipag-meeting na siya sa sa ilang executives ng ABS-CBN at TV-5, bagay na ayaw raw niyang ilihim sa GMA, at aware naman daw ang Kapuso executives sa mga meeting niyang ito.
Kapag nag-expire na ang exclusive contract ni Dingdong sa GMA ngayong Agosto 2013, posible bang lumipat ng istasyon ang alaga niya?
“Hindi ko pa masabing hindi, hindi ko pa masabing oo. Basta we are having talks with different parties. Different networks,” pag-amin ng President ng PPL Entertainment na siya ring humahawak sa mga career nina Jolina Magdangal, Geoff Eigenmann, Janno Gibbs, Angelika dela Cruz, Gabby Eigenmann, Max Collins, etc.
So, posible talagang lumipat ng network si Dingdong?
Sagot ni Perry, “Lahat naman may possibility. Puwede siyang maging Kapuso pa rin. Pupuwedeng mag-iba na. Lahat naman, hindi imposible.”
Kung siya ang masusunod, saan niya gustong pumirma muli ng kontrata ang alaga?
“Hindi ko pa masasagot ‘yan kasi, hindi pa concrete ang mga pag-uusap ko na nagaganap between the networks. Wala pa akong firm decision on that because may mga pag-uusap pa at hinihintay ko pang maayos lahat.”
Hindi rin nga niya raw itinatago na may nakakita sa kanya sa ABS-CBN compound recently.
“Hindi ko tinatago ‘yun. Nakikipag-meeting pa lang ako and alam ng GMA na nakikipag-meeting ako. Aware sila. Kasi, ayoko ng tago-tago. At ang tagal namin sa GMA para magtago-tago pa.”
More or less ay 15 years na si Dingdong sa Kapuso Network, ayon sa pagkakatanda ni Perry. Request din ng marami nitong fans na sana raw ay manatiling Kapuso ang aktor.
“Lahat naman ito, pag-uusapan namin ni Dingdong. Ang relationship namin ni Dingdong is very open. Nag-uusap kami sa lahat ng proyekto. Ang usapan namin, dapat pareho kaming magdesisyon.”
Ano ang dapat gawin ng GMA para mag-renew sila ng contract?
“Hindi ko pa masagot ‘yan. Basta as a manager, siyempre, ang gusto ko, ‘yung talent ko, kung saan magiging okay. Okay meaning kung saan mas magiging masaya, fulfilled ang mga pangarap ni Dingdong. ‘Yung kanyang mga gusto sa buhay matutupad. Kung saan siya magiging secure, lahat ‘yun – security, stability, fulfillment, kung sino ang makapagbibigay noon, of course, okay na kami.”
Masaya ba sila sa GMA-7?
“Hindi naman porke’t nakikipag-usap ka sa iba, hindi ka na happy. Sa ngayon, oo. Because, inaalagaan naman nila si Dingdong. Binibigyan naman nila ng mga proyekto.
“May talks nga for the next project ni Dingdong na gagawin. May pinag-uusapan na kami. Happy naman kami sa TV,” pahayag ni Perry.
STILL ON Dingdong Dantes, naka-text namin ang aktor at nahingan namin ng reaksiyon sa nangyaring pagkalas ng girlfriend na si Marian Rivera sa manager nito of 7 years na si Popoy Caritativo.
Sa matinding isyung ito kay Marian, paano niya ito sinusuportahan?
“All the way,” sagot ni Dingdong sa text.
May isyung kinausap daw niya si Marian sa kanyang decision na kumalas kay Popoy at lumipat kay Mr. Tony Tuviera ng Triple A Management para maging new manager?
“No comment na ako diyan,” pag-iwas na ng actor. “Oks na muna ‘yun for now.”
Paano nakaapekto sa kanya ang desisyon na ito ni Marian upang iwan ang dating manager?
“I am happy for her decision,” makahulugang reply ni Dingdong.
Siyanga pala, ang Dance of the Steelbars na bagong movie ni Dong ay ipalalabas na sa June 12, exclusively sa SM Cinemas nationwide.
Kasama rito ni Dingdong ang Hollywood actor na si Patrick Bergin, Ricky Davao, Joey Paras, Mon Confiado, Kathleen Hermosa, etc. Ito ay mula sa direksiyon nina Cesar Apolinario and Marnie Manicad, from Portfolio Films and GMA Films.
Mellow Thoughts
by Mell Navarro