OKS NA OKS kay Dingdong Dantes ang pangalang Sixto sa magiging panganay nila ni Marian Rivera kung saka-sakali. Pag-iisipan naman niya kung ano ang ipapalayaw rito dahil ayaw niyang maging nickname nito ang Toto.
Tumataginting namang “no” ang sagot niya sa usapan namin ni Marian na sakaling babae ang magiging panganay nila ay Sixta ang magiging pangalan nito at “Tata” ang palayaw.
“Tatlo na kasi sa pamilya namin ang may pangalang Sixto, kaya pag-iisipan ko pa ang magiging nickname ng magiging anak namin kung sakali.” Actually, natatawa siya habang sinasagot aming tanong. Hindi marahil niya akalaing nasa ganu’ng stage na pala ang interbyuhan sa mahal niyang si Darna. Presscon pa naman iyon ng Stairway To Heaven at panay rin ang bantay sa kanya ng movie press kung totoong naaakit na siya sa batang-batang leading lady niyang si Rhian Ramos.
Iyon nga lang, sa dami ng mahihigpit ng yakapan nina Dingdong at Rhian, mula sa trailer na ipinakita at napanood naming re-enactment on stage, mukhang delikado si Marian kay Rhian.
Balitang nag-undergo din ng sangkatutak na drama workshop si Rhian bago nagsimula ang taping ng Stairway To Heaven at nagbunga ito sa nakitang performance niya. Tinulungan din siya ni Dingdong sa pagdidikit ng kanilang mga hita. Hita sa hita pala ang labanan dito.
Santong maituturing daw si Dingdong kung hindi siya tatalaban ng eksenang kasing-tindi noon.
Nag-improve na rin kahit papano ang attitude ni Rhian sa movie press. Hindi na siya evasive at natuto ng sagutin pati mai-intrigang mga tanong.
Joshua Dionisio, wala na sa ABS-CBN
NATULUYAN NA PALANG nagpa-release si Joshua Dionisio sa ABS-CBN dahil sa paglabas niya bilang young Dingdong sa STH. The last time I talked to him, nagpaalam naman daw siya bago ito ginawa at pinayagan siya dahil matagal-tagal na rin siyang walang project.
“Hindi pa naman po ako kinokontrata ng GMA-7, pero, gusto din po yata muna ng mommy ko na subukang mag-freelance. Nagbibinata na po kasi ako at gusto ko na ring makatulong sa mom at dad ko,” aniya. Nang marinig ito ni direk Joyce Bernal, nayakap tuloy siya nang husto. Possible kung ganu’n na masundan agad sa GMA-7 ang project ni Joshua after STH. Actually, si direk Joyce din ang nag-audition sa kanya sa role na young Dingdong. Palagi naman siyang gumaganap noon bilang young Piolo Pascual sa kabilang istasyon.
Pansamantala din daw magpapahinga si Joshua sa panliligaw dahil naiilang siya sa mga balitang bata pa siya, eh, pabling na pabling na. “Paisa-isa na lang po ako kung manligaw ngayon,” katwiran niya.
Misis ni Christopher de Leon, blooming sa Stairway to Heaven
NAGMUMURA NAMAN ANG ganda ni Sandy Andolong (Mrs. Christopher de leon) nang gabing iyon. Siya ang gumaganap na dakilang ina ni Rhian sa STH. “At mabait na mabait din ako rito,” pagbabalita niya. As if hindi siya ubod ng bait sa tunay na buhay.
Fruit diet daw ang ginawa niya. Determination din at lots of love from husband Boyet and their kids. Mas malapit daw kasi sa sakit kapag mataba ang isang tao. At her age (50 y/o), kailangan na raw ang ibayong ingat sa katawan, lalo na sa mga kinakain.
“Nakaraos na ako sa sakit ko (kidney malfunction), pagtatapat niya. “From year 2003 hanggang 2007, pinagtiyagaan akong gamutin at alagaan ng dalawang kaibigang doctor na hindi ako siningil. Boyet also had chance to take care of me. I can’t thank God enough for the blessing He showered me through the people who love me so much.”
Blessed din si Sandy (at Boyet) ng mababait na anak. Nasa New Zealand na ang panganay niyang si Rafael, 26. May asawa na ang kanyang si Miguel, 23, at binigyan na sila ng isang apo, si Primo who’s 9 months old na.
Michelle, 16, will take up Culinary Arts for two years at susunod na ring magtrabaho sa New Zealand kasama ang kuya Rafael niya. Gabriel, 20, by the way is into photography, while ang bunso nilang si Mikka, 13, is still in high school.
BULL Chit!
by Chit Ramos