TAMA LANG NA dedmahin ni Dingdong Dantes ang isyung may mga kumukuwestiyon umano sa pananalo niya bilang Best Drama Actor sa katatapos na PMPC Star Awards for Television. In fairness to him, mahusay naman ang ipinamalas niyang performance sa Stairway To Heaven kaya deserving siyang manalo ng nasabing award.
At kung tutuusin, wala rin namang kumukuwestiyon sa kanyang panalo. Kung meron man, siguro ay ang kanyang mga detractors o ‘yong mga taong iba ang minamanok na manalo. Pero ano pa ang magagawa nila, eh si Dingdong na nga ang nanalo? Magsipagputukan man ang mga butse nila, hindi na ito mababago pa.
Lalo pa siguro silang nanggagalaiti ngayon dahil after ng pagwawagi ni Dingdong bilang Best Drama Actor sa Star Awards for Television, nominated din siya for Best Actor para sa Stairway To Heaven pa rin sa 15th Asian Television Awards which will be held at the Pan Pacific Hotel in Singapore this December 9.
Kaugnay ng nominasyon niyang ito, mas naging masaya pa ngayon si Dingdong. Hindi rin daw akalain ng aktor na sa mahigit isang libong entries na mga TV programs sa mga kategoryang drama, comedy, news, public service at iba pa mula sa labing anim na bansa sa Asya, isa siya sa mahihirang na nominado.
At para sa impormasyon ng mga nagtataas pa rin ng kilay sa pananalo ni Dingdong bilang Best Drama Actor sa Star Awards for TV, si Dingdong lamang ang nag-iisang Pinoy actor na nakakuha ng nominasyon for Best Actor In a Drama Performance. Makakatunggali rito ni Dingdong ang iba pang magagaling na drama actors mula sa Malaysia, Hongkong, Singapore, China, at ilan pang bansa sa Asian region.
Bukod kay Dingdong, pinalad ding ma-nominate si Michael V sa kategoryang Best Comedy Actor para sa Pepito Manaloto. Nominado rin for Best Drama Program ang Dahil May Isang Ikaw ng ABS-CBN.
The fact na may programa ang Dos na nominated sa Asian TV Awards, ibig sabihin ay nagpadala rin nga ng entries ang Kapamilya Network. Kaso’y walang pinalad sa mga artista nito na ma-nominate.
Ngayon, hihirit pa ba ang mga kumukuwestiyon sa pagiging best drama actor winner ni Dingdong sa Star Awards For TV?
Move on!
PATAAS NANG PATAAS ang ratings ng Willing Willie. Parami nang parami ang tumututok. Patuloy ding nadaragdagan hindi lang ang commercial load ng programang ito ni Willie Revillame sa TV5 kundi pati na rin ang mga sponsors ng iba’t ibang game portions nito.
At dahil diyan, ang nagiging bansag na ngayon kay Willie, Hari ng Primetime. At ang co-host naman niyang si Valenzuela councilor Shalani Soledad, tinatawag namang First Lady ng Primetime.
Why not? Ang lakas ng dating ng tandem nila sa viewers. Para nga silang loveteam na kinakikiligang panoorin sa primetime.
Ang maharot na si Willie, at ang ubod ng hinhing si Shalani, extreme opposite man ang kanilang personality, pero nag-swak sa panlasa ng manonood.
Bagay naman sila. Lalo ngayon na natututo nang sumakay itong si Shalani sa mga punchline at jokes ni Willie. Mas nakakaaliw na ang dating nila sa viewers. Lalo kapag nagkakatuksuhan na at may mga nambubuyo sa audience na may ligawan na raw sanang mangyari kina Willie at Shalani.
Kapansin-pansin na kaagad nagba-blush si Willie. Si Shalani naman, hindi makatingin nang diretso sa kanyang co-host.
May mga pagkakataon pa na itong si Willie na halata namang type nga ang kanyang co-host, pasimpleng hahawakan ang kamay ni Shalani. Tapos parang napapaso na nagpupumiglas ang huli. Kasi’y parang may pagkailang at hiya factor pa rin.
Anyway, gano’n ang drama nila sa harap ng audience at camera. Pero paano naman kaya kapag off-cam na? Si Tita Cristy ang natanong namin, kasi of all people na close pareho kina Willie at Shalani, ito ang pinakanakakaalam ng anuman tungkol sa dalawa.
“Naku, ang unang kapansin-pansin ay ‘yong mga suha na laging lumilipat mula sa dressing room ni Willie papunta sa dressing room ni Shalani,” natatawang sabi sa amin ng TV host. “’Di ba si Willie mahilig sa mga suha na ‘yong nabalatan na? Aba pagkita ko sa dressing room ni Shalani, ando’n na.
“Tapos mamaya, may lalapit kay Willie na staff ni Shalani na may dala namang Choc Nut na, ‘Sir, hati raw po kayo ni Ma’m!’ Oo, si Willie na dati ay hindi type ang Choc Nut, aba’y kumakain na siya ngayon!
“Ang naririnig ko pa nga kay Willie kapag kinakain ang Choc Nut na bigay ni Shalani, ‘nakaupo kung gawin, nakatingala kung kainin!’ May gano’n pa talaga? Ha-ha-ha!
“Tingin ko kay Willie, may tama siya kay Shalani. Kaya lang siyempre, nagkakahiyaan kasi. Pero may tama talaga siya,” sabi pa ni Tita Cristy.
‘Yon na!
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan