MALAPIT NANG umere ang bagong serye ng GMA 7 na Carmela kung saan bida si Marian Rivera. Leading man ng aktres dito si Alden Richards.
Ang boyfriend ni Marian na si Dingdong Dantes, nakaabang na rin umanong mapanood ito. Happy raw siya sa bagong project na ito ng Kapuso primetime Queen.
“Excited ako sa kanilang tambalan,” aniya. “Alam kong isa na namang magandang istorya ang handog ng GMA sa viewers.”
Aprubado ba sa kanya si Alden bilang leading man ni Marian?
“Wala naman akong say riyan. But… siyempre, nakasama na namin ni Marian si Alden noon sa isang teleserye. At naa-appreciate ko the fact na nagkakausap kami. Nakita ko naman ‘yong determination nila bilang isang aktor. Na talagang gustung-gusto niya ‘yong ginagawa niya. ‘Yong craft niya. And I respect him for that. That’s why I’m so happy that nagkaroon siya ng ganitong klaseng role.
“At bagay na bagay naman sa kanya. That’s why I’m looking forward to how they (Alden and Marian) will portray their respective roles. And si Marian naman, alam ko kahit anong role na gawin niya, she does it with flying colors naman, eh.”
Balitang daring ang papel ni Marian bilang si Carmela. At may mga gagawin daw itong lovescenes with Alden.
“Lahat naman… gano’n, eh,” nangiting reaksiyon ni Dingdong. “Alam mo naman na isang bahagi ‘yan ng ating trabaho, eh.”
Si Alden bago nagsimula ang taping ng Carmella, may nabanggit na kailangan daw yata na ipagpaalam nito sa kanya ‘yong tungkol sa pagkakaroon nila ng lovescenes ni Marian.
“Hindi. Wala nang gano’n. Alam mo, they’re both professionals. They’re both adults. And gaya ng sabi ko… I can’t wait to see it.”
Pareho rin sila ni Marian na unti-unting nabibigyang pagkilala ang husay nila bilang artista. Bukod sa ilang beses nang pananalo nila ng acting award, kamakailan ay ginawaran din sila ng parangal bilang Best Foreign Actor at Best Foreign Actress sa Vietnam kung saan ipinalalabas din ang mga pinagbidahan nilang serye na naunang napanood dito sa Pilipinas.
“Nagpapasalamat ako sa lahat ng mga nasa likod ng award namin na ‘yon. Siyempre thankful din ako sa GMA na naipapalabas ang mga shows namin sa Vietnam at iba pang mga bansa sa Asya. At least nairi-represent natin ang gawang-Pinoy sa pamamagitan ng telebisyon. Kaya nga I’m so happy for it.”
Kailan naman ‘yong panibagong pagbibidahan niyang serye pagkatapos ng Genesis?
“Siguro… by March. Pero hindi ko pa alam kung ano. Drama ulit ang tema, I think. But wala pang details na sinasabi sa akin. And hindi ko pa rin alam kung sinong mga artista ang makakasama ko.”
Pero kung bibigyan siya ng chance na mag-suggest, sinong Kapuso actress ang sunod na gugustuhin niyang makakapareha?
“Iiwan ko na po sa GMA ‘yan. Bahala na lang silang magdesisyon kung sino.”
Habang naghihintay para sa bago niyang project, pagmu-motor daw ang pinagkakaabalahan sa ngayon ni Dingdong.
“Hobby-hobby lang. Pang-past time lang.”
Sino ang nag-influence sa kanya na mahilig sa pagmu-motor?
“’Yong mga kaibigan ko. Na talagang mga professional motorcycle riders. Nagpapaturo ako sa kanila nang konti. And masaya naman. Enjoy ako.”
Naiangkas na ba niya si Marian?
“Oo naman. Dati pa. Hindi naman siya takot na umangkas. Relaxed lang siya.”
Anong lugar na ang pinakamalayong itinakbo ng pagmu-motor niya?
“Dito pa lang sa Luzon. Hindi pa naman ako umaabot sa Visayas,” panghuling nasabi ni Dingdong.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan