SERYOSO TALAGA ang pagpasok-as in“kinakarir”- ni Dingdong Dantes sa pagiging movie producer, dahil after niyang mag-co-produce sa Segunda Mano sa MMFFP last year, ready to be shown na sa Oktubre ang second film na co-producer siya, ang horror-adventure-comedy movie na Tiktik: The Aswang Chronicles.
August 2 ang birthday ni Dong kaya Agostodos Pictures, Inc. ang ipinangalan niya sa kanyang kumpanya, in partnership with Reality Entertainment, Inc. nina Dondon Monteverde and Erik Matti (na siyang director ng film), GMA Films, at isa pang outfit.
In fact, ayon na rin kay Dong, mas nauna pang i-conceptualize ang Tiktik: The Aswang Chronicles kesa sa Segunda Mano, pero dahil mabusisi, dugo at pawis ang kanilang puhunan in the film production, eh natagalan ito – dahil it’s a 100% computer-generated/ graphics ang film.
Paano nga ba siya nakumbinseng maging film producer?
“Nagsimula lang sa usapan ‘yan sa isang restaurant, kami nina Dondon (Monteverde) at Erik Matti na may project, ganyan. Tamang-tama kasi gusto ko nang mag-produce. Tamang material na ma-e-excite ako. Heto, may material na at matagal na naming pinaplano ito,” kuwento ni Dong.
Since “madugo” o mahal ang production dahil nga sa CGI (computer generated images) ang effects nito, ‘di ito alintana kay Dingdong, mapaganda lang ang pelikula, na aniya pa’y proud siya dahil puwede palang gumawa ang Pinoy ng ganitong klaseng movie na normal nang ginagawa sa Hollywood.
Mag-all out man siya sa paglabas ng datung, okey lang daw sa kanya.
“Anything that will make the film excellent,” ani Dingdong.
In short, hindi siya matipid o “barat” tulad ng ibang producer.
Hanggang saan ang pakikialam niya sa Tiktik, bilang producer?
“Lahat, puwera script. Kasi ‘yung script, nang ipakita sa akin, tapos na. Maganda na siya. Hanggang ngayon… Hayan, ‘yang pag-a-approve ng comics, inisip nila ‘yan and everything pero sa ibang areas, kayo na ang bahala riyan like ‘yung publicity photos na pipiliin,” say ng aktor.
Say ng iba, sa character niya sa trailer, para siyang local version ni Indiana Jones na ginampanan ni Harrison Ford.
“Hindi ko kasi magawa sa TV ‘yon, eh. At least man lang sa pelikula,” sagot niya.
May mga naka-line up din silang action at hard action na tema ng movie in the future kaya excited si Dong sa bagong karagdagan sa “career” niya – now, he’s not just an actor, but a film producer na nga.
More than a year ang tinagal ng pagsasaayos ng computer generated images ng pelikula, huh.
Iniisip ba niyang maging solo producer sa susunod na projects, tulad ng Hollywood actors?
“Hindi ko muna ini-imagine ‘yan. Mas mabuting makipag-collaborate ka muna. Mahirap namang in the shoes of Mother Lily (Monteverde), GMA Films at ABS-CBN. Pinagdaanan nila is years and years of trial and error.
“Gusto ko munang makipag-collaborate sa mga batikan sa industriya dahil sila naman ang nagbigay ng break sa akin dito. Malaking bagay na i-share ko ‘yung enthusiasm ko sa kanila,” paliwanag ni Dong.
Kasama rin sa cast ng Tiktik: The Aswang Chronicles sina Lovi Poe, Joey Marquez, Janice de Belen, Ramon Bautista, Roi Vinzon, at iba pa.
Natutuwa rin si Dong dahil ni-recognize din ng Luna Awards ng Film Academy of the Philippines (FAP) ang kanyang performance sa Segunda Mano noong ma-nominate siya as Best Actor sa awards night last week.
Samantala, bukod sa pagiging producer, bilang aktor naman, magsisimula na ang bago niyang series na Haram sa GMA-7 at siyempre, tuloy pa rin ang weekly hosting niya sa Protégé: The Battle for the Big Artista Break.
Mellow Thoughts
by Mell Navarro