OPISYAL NANG nagsimula si Dingdong Dantes sa kanyang tungkulin bilang commissioner at large ng National Youth Commission. Kamakailan ay dumalo ang aktor sa unang meeting at briefing nila sa nasabing government agency.
“Siyempre ultimately ang task namin is to think of projects and policies for the further development of our youth,” sabi ng Kapuso Primetime King.
Kahit busy sa kanyang acting career at maging sa itinatag niyang Yes Pinoy Foundation, kaya pa rin naman daw gampanan ni Dingdong ang bagong responsibilidad niya bilang commissioner at large nga ng NYC.
“Sinisiguro ko naman na with proper time management e, malalaanan ko nang tama ‘yong energy ko at ‘yong sarili ko sa duties at responsibilities ko.
“And… actually mahilig ako sa gano’n. Gusto ko parating pre-occupied ako as compared to… maka-relax lang. Kasi, minsan lang tayo magkakaroon ng ganitong drive at siguro energy to do things. So might as well make the most of it.”
May mga kinukutuban na baka naghahanda na rin daw si Dingdong na sumabak sa pulitika. Pero sagot ng aktor… “Hindi. ‘Yon nga, e… ayokong maging unfair do’n sa mga ginagawa ko. Like ‘yong pagiging artista ko. And right now ‘yong paninilbihan ko sa mga kabataan. Kasi ‘pag inilagay ko ‘yan sa aking kamalayan o kung anuman, nag-iiba ang intensiyon. Para sa akin, buong-buo ang puso ko at ang determination ko to really help, magkawang-gawa and… to really give it back.
“Ako kasi kapag nag-focus sa isang bagay, iyon ang ginagawa ko. And ayokong ma-distract sa kahit ano. So I’m focused in doing this. Kaya sa ngayon ‘yong pagpasok sa pulitika, wala pa sa kamalayan ko.”
Pero hindi niya isinasara ang posibilidad ng pagpasok niya sa pulitika?
“It’s hard o answer that, e. Pero siyempre like what I said… I just wanna focus on the task that’s given to me. One at a time!” nangiting sabi pa ng aktor.
Si Marian Rivera, very vocal sa pagsasabing she’s so proud of Dingdong. Sa paningin daw ng Kapuso Primetime Queen, talagang magandang ehemplo siya para sa mga kabataan.
“Hindi naman! Siguro… modesty aside with my 33 years in this world, kahit papa’no meron akong maibabahagi sa mga kabataan na mga natutunan ko. ‘Yong mga natutunan ko sa mentors ko. At being in other youth organizations. And being a part of the NYC per se in the past. In a way I can impart some things for the further development of the next generation.”
Si Dingdong ang leading man nina Lovi Poe at Maricel Soriano sa bagong primetime series ng GMA na Ang Dalawang Mrs. Real sa May 26. Ano ang kanyang masasabi sa kanyang role bilang isang lalaki na dalawa ang babaeng pinakasalan?
“Uhm… huwag tularan! Hahaha! Alam n’yo ‘yon? Sa TV lang ‘yon. Ito’y istorya. Istorya lang ito. Kaya siguro may dahilan kung bakit ipinapakita ang istoryang ito. Hindi siguro para ipakita ang mga posibilidad na puwedeng mangyari. Pero more importantly… para matuto siguro ang audience na in case may mangyaring ganito sa kanila e, alam nila kahit papano ‘yong situwasyon.”
Puring-puri siya ng kanyang co-stars sa Dalawang Mrs. Real na sina Lovi, Maricel, at kahit ng beterana at award-winning actress na si Coney Reyes.
“Siyempe… nakaka-pressure!” nangiti ulit na reaksiyon ni Dingdong. “Alam n’yo everytime I see ‘yong mga actors and actreses na talagang hinahangaan ko dahil sa kung anong narating nila and dahil sa craft nila. Tapos lalung-lalo na makaharap ko at makatrabaho. Parang alam mo ‘yong ano, e… kumakabog ‘yong dibdib mo.
“Pero siyempre it’s part of… the excitement. Tapos ‘yong pagkagulat na parang… wow, nakasama ko sila! At sobrang dami kong natututunan sa kanila. Grateful po ako na binigyan ako ng chance ng GMA to work with these great people.”
‘Yon na!
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan