ALTHOUGH EXCITED SI Dingdong Dantes sa pagkaka-nominate niya as best actor for Stairway To Heaven sa Asian TV Awards na gaganapin sa Singapore, hindi pa masiguro ng aktor kung makakadalo siya roon. Naghahabol daw kasi sila ng taping para sa bagong seryeng pinagtatambalan nila ni Regine Velasquez which will start airing soon.
“Si Regine kasi has to take a leave din for her wedding,” sabi pa ni Dingdong. “Pero baka pupuwede rin namang makapagpaalam ako para maka-attend ako ng Asian TV Awards.”
Pero buong Christams season daw hanggang New Year, break muna siya from work. At ito na raw yata ang pinakamasayang Pasko for him. Patuloy kasing maganda ang takbo ng kanyang career, pati na ang relasyon nila ni Marian Rivera, at may bonus pa ngang best drama actor trophy na napanalunan niya sa katatapos na PMPC Star Awards For Television for his impressive dramatic performance sa Stairway To Heaven.
Sa pagpasok ng taong 2011, mukhang raratsada pa nang husto sa kanyang career itong si Dingdong. At pambuwena-manong uumpisahan niyang gawin ay ang pelikulang pagsasamahan naman nila ni Kris Aquino.
At dahil diyan, meron pa ba siyang anumang maiwi-wish ngayong Pasko?
“Wala. Siguro ano lang… I need all the energy and strength next year. Marami akong gustong gawin next year, eh. So… physically and mentally, gusto ko healthy ako.”
Ano pa ba ang ibang mga naka-line up na project for him next year?
“Ang dami, eh. Do’n pa lang sa personal ko, sa organization namin, sa foundation ko, maraming naka-line up for next year. And ang GMA, nasabi na rin sa akin kung ano ‘yong mga projects na gagawin ko. Kaya nga nai-excite akong lalo na magtrabaho.”
Si Marian din kagaya niya, tambak ang mga projects na nakatakda nitong gawin. Kabilang na ang napapabalitang planong pagtambalin sa pelikula ang aktres at si Piolo Pascual.
“I am surprised about that. Ngayon ko lang ‘yan narinig. I believe kung magsama sila, magiging magandang pelikula iyon.
“Pero… ngayon ko lang nga narinig ang tungkol diyan. Ngayon ko lang nalaman. And okey naman sa akin. I don’t see any problem.”
Nahingan din namin ng reaksiyon si Dingdong sa isyung parang pinagsasabong sila ngayon ni Coco Martin. Ito’y nang matalo niya ang aktor as best drama actor sa Star Awards nga.
“Okey lang ‘yon. May kanya-kanya naman tayong opinyon. Inirerespeto ko rin siya (Coco) dahil alam kong isa siyang napakahusay na aktor.
“Minsan, gano’n naman talaga, ‘di ba? Hindi naman natin mapi-please lahat. But I have high regards sa kanya as one of really the best actors of this generation.”
Sa sunud-sunod na blessing na dumarating sa buhay niya, very confident naman si Marian sa pagsasabing she is the lucky charm of Dingdong daw nga.
“Totoo naman kasi. Ang maganda sa amin, nakikita namin ang isa’t isa bilang kanya-kanyang lucky charm. We always see the good side ng isa’t isa. And we bring out the best from each other.”
May Christmas gift na ba siya for Marian?
“Wala pa sa ngayon, eh. Pero definitely meron. And usually, hindi lang isa o dalawa ako kung magbigay ng regalo. Basta… pinag-iisipan ko kung ano ba ang magandang ibigay na gift sa kanya this Christmas.”
Eh siya, ano naman kaya ang gusto niyang matanggap na gift from Marian ngayong Pasko?
“Ako… ano ba? Siguro ano, kape!” natawang sabi ni Dingdong. “Supply ng kape. Kasi may magri-regalo daw sa akin ng coffee maker. Eh, meron akong nagustuhang flavor ng coffee. Kaya okey na ako ro’n sa kape.”
Ganyan?
EXCITED ANG TINAGURIANG Lord of Scents na si Joel Cruz sa malaking launch na gagawin ng kanyang Afficinado Germany Perfume at iba pang produkto ng kanyang kumpanya. Paano kasi, bukod sa dati na niyang endorsers na mga big named stars, madaragdag sa mga ito ang international singing sensation na si Charice Pempengco.
Nang matanong kung magkano ang ibinayad niya kay Charice, sagot na lang ni Joel, “It’s very expensive talaga. Hindi ko na lang sasabihin how much kasi ‘yon ang usapan namin. Na confidential na lang.”
Confident naman daw siya na kahit sobrang mahal ng talent fee ni Charice, malakas ang magiging hatak nito sa sales bilang endorser. Hindi lang dito sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa dahil nagsisimula na rin daw pasukin ng kumpanya niya ang international market.
‘Yun na!
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan