SINORPRESA si Dingdong Dantes ng mga fans niya na Dongyanatics.
International nu’ng nakaraang presscon ng libro nitong Life Story of Dingdong ng Yes magazine.
Biglang dumating ang isang officer ng Dongyanatics na galing pa ng Amerika para ibigay ang donasyon nila sa Yes Pinoy Foundation na ini-launch nito sa kanyang birthday special na Dante’s Peak.
Sobrang tuwang-tuwa ang aktor dahil ang nalikom ng fans club nila ni Marian ay umabot ng 1.2 million pesos.
Bongga, ‘di ba? Madatung pala itong mga fans nina Dingdong at nakapaglikom sila ng ganu’ng halaga para sa foundation na itinatag ng aktor.
Bukod sa 1.2 million pesos, may regalo pa sila kay Dingdong na isang bonggang-bonggang Rolex watch.
Ipinangako ni Dingdong na isusuot niya ang relong iyun sa Stairway to Heaven. Iyun na raw ang official watch ni Cholo sa Stairway.
Maraming naka-line up na projects ang Yes Pinoy Foundation ni Dingdong at malaking bagay raw iyung binigay ng Dongyanatics para makapagsimula na silang makapagbigay ng tulong sa kanilang mga recipients na mga anak ng mga miyembro ng military na namatay na on duty.
Abangan nyo pala ang launch nitong Yes Pinoy Foundation sa birthday special ni Dingdong na Dante’s Peak na mapapanood na sa darating na Linggo pagkatapos ng Show Me Da Manny.
TANGGAP NAMAN NI Direk Carlo J. Caparas ang desisyon ng Supreme Court na itigil muna ang pagbigay ng parangal ng National Artists dahil sa isinampang reklamo ng mga kumokontra sa pagpili sa kanya kasama ang tatlo pang kinukuwestiyon na napasali sa parangal na iyun.
Sabi nga niya, igagalang daw niya kung ano ang desisyon ng Supreme Court dahil iyun daw ang nasa batas. Hindi iyun batas sa kalye.
Hindi naman daw niya pinilit na ibigay sa kanya ang parangal na iyun, kundi iyun ay kusang ibinigay sa kanya.
Kaya nu’ng nagpa-presscon sila sa bagong pelikula niyang Pangarap Kong Jackpot na magsu-showing na sa September 8, nakiusap na si Donna Villa na huwag nang pag-usapan ang mga ganu’ng isyu dahil ayaw naman daw nilang isipin ng iba na ginagamit pa iyun para mapag-usapan lang ang pelikula.
May tatlong episode itong pelikula ni direk Carlo na kung saan ang bida sa isang episode nito ay si Manny Pacquiao na todo rin ang suporta sa pelikulang ito.
Doon din sa presscon ay nagpahaging na raw na malamang papasukin din daw ni direk Carlo ang pulitika.
Sabi nito, gaya daw ni Manny, makakapagbigay sila ng malinis na pamumulitika, hindi iyung marumi, Kaya pinag-iisipan daw nitong baka tumakbo siya sa darating na eleksyon.
Ang dinig ko, tatakbo raw itong senador pero wala pang kumpirmasyon mula kay direk Carlo.
Pero mukhang itutuloy daw nito kaya malamang may kokontra na naman diyan.
Hindi na yata nila titigilan si direk Carlo.
Mga Mata ni Lolita by Lolit Solis