ANG TIYAHIN ko ay matagal nang nagtatrabaho sa Dubai. Kamakailan ay tumawag siya sa akin para sabihing pupunta sa Pilipinas ang kanyang employer para mag-recruit. Harapin ko raw ito para ma-direct hire ako. Kapag direct hire raw ay hindi na raw masyadong kailangan ang maraming papeles dahil hindi na ito dadaan sa ahensiya. At mas matipid dahil hindi na dadaan sa POEA ang kontrata at mabilis akong made-deploy. Ang employer na raw ang direktang makikipag-usap sa akin. Okey lang po ba ang direct hire?—Kathy ng Matnog, Sorsogon
KUNG TUTUUSIN, wala naman talagang deployment na hindi pinapadaan sa POEA o sa gobyerno. Ang lahat ng contract of employment ay kailangang maapruba-han ng POEA bago makabiyahe ang isang OFW. Ito ang regulasyon kahit pa direktang kumunekta ang employer sa aplikante at ‘di na pinadaan sa agency ang processing. Kailangang mabigyan ng proteksiyon ang ating mga kababayan na nilalapitan ng iba’t ibang employer.
Halimbawa, tinitiyak ng pamahalaan na ang pupuntahang bansa ay nagbibigay ng proteksiyon sa ating mga manggagawa. Ang bansang ito ay dapat ding nakalagda sa mga pandaigdigang kasunduan sa UN na sumasaklaw sa mga OFW. O kaya, ang destinasyong bansa ay dapat may bilateral labor agreement sa bansang Pilipinas.
Kaya kung ako sa iyo, mag-iingat ako sa direktang pakikipag-usap sa employer nang ‘di isinasangguni ang POEA. Maraming nabibiktima ng illegal recruitment sa pamamagitan ng ganyang sistema.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo