GINANAP ang premiere night ng pelikulang “Bubog” (Crystals) ni Direk Arlyn dela Cruz sa SM City Lanang sa Davao City, last March 30. After na maipalabas ang pelikula, kaliwa’t kanang papuri ang natanggap dito ni Direk Arlyn.
Halatang inspirado ang veteran media practitioner-turned-filmmaker sa latest movie niya, dahil bukod sa malaman at siksik sa insights ukol sa kalakaran ng illegal drugs sa bansa, exciting ang bawat eksena nito.
Makikita sa pelikula ang talamak na problema ng droga sa bansa. Ang mga tagpo at kaganapan sa naturang pelikula ay sumasalamin sa nangyayaring giyera ngayon sa ating bansa kontra sa droga.
Ang pelikula ay nagsimula sa pagkakapanalo ng bagong presidente ng bansa at bago pa man siya umupo sa poder ay lumarga na ang patayan, ang pagpapatahimik sa mga pusher o nagtutulak ng droga ng mismong mga kasama nila, at ang papel ng mga protector nila, kasama na ang ilang matataas na opisyal ng kapulisan.
Aminado si Direk Arlyn na napapanahon ang kanyang bagong pelikula. “It is. The timing is intentional because the film took a stand.”
Ito ang pang-limang pelikula ni Direk Arlyn. Kabilang sa mga nauna niyang pelikula ang “Maratabat”, “Mandirigma”, “Tibak”, at “Pusit”.
Ang “Bubog” ay nakakuha ng rating na R-18 dahil sa tema nitong karahasan, patayan, murahan, at ilang seksuwal na nilalaman nito.
Ayon nga sa lady filmmaker, “It is a very violent film. But with the violent images comes the message of preservation of life, family, and the society in general. It puts faces on the situation of drug abuse, distribution, proliferation, and control.”
Bakit “Bubog” ang title nito? Paliwanag ni Direk Arlyn, “Bubog (Crystals) is a take on substance abuse and addiction particularly shabu. Ang salamin ay kumakatawan sa ating pagkatao. Kapag nabasag ito, kapag bumagsak ito, kakalat ang bubog. Salamin pa ba ito? Buo pa ba ito? Paano mo bubuuing muli ang pira-pirasong bubog para mabuo muli ang salamin?”
“There is undeniably a war going on – a war that is directed towards the proliferation of the illegal drug trade in the country. With this bloody war going on and with the many voices speaking about it, for it and against it, the reality is we are all victims and warriors,” dagdag pa ng direktor.
Ang “Bubog” ay mula sa Blank Pages Production at Asian Premier Resources Trading Corporation nina Andrea Cuya at Aya Sycon. Ito ay tinatampukan ng magaling na ensemble casts na kinabibilangan nina Ms. Elizabeth Oropesa, Julio Diaz, Juan Rodrigo, Jackie Lou Blanco, Allan Paule, Jak Roberto, Kiko Matos, Janice Jurado, Kristofer King, Chanel Latorre, Rommel Padilla, Jemina Sy, at iba pa.