BAGO TUMULAK patungong Venice ang grupo ni Direk Brillante Mendoza para sa Venice International Film festival, pasok sa main competition ang Thy Womb nina Nora Aunor, Lovi Poe at Mercedes Cabral, nangarag ang director sa promo ng kanyang pelikulang Captive na showing na ngayon nationwide.
Hindi na nga nakapag-promote si Direk Brillante sa radio program ni Cristy Fermin na naka-schedule bago ang gala premiere nito sa Greenbelt 3, Makati. Nangako naman ang magaling na director na aapir siya para mag-guest sa radio program ng writer/ TV host.
Kahit guest appearance lang ang naging papel ni Coco Martin sa Captive, all out support ang ibinigay nito kay Direk Brillante, dahil nag-attend pa ang actor sa gala night ng pelikula. Hindi kasi kinaya ang hectic schedule niya sa teleseryeng Walang Hanggan, dapat sana’y ang morenong actor ang gaganap bilang isa sa mga bandidong Abu-Sayyaf.
Ayon kay Direk Brillante, malaking sakripisyo ang dinanas ng French actress na si Isabelle Huppert bilang foreign missionary dahil sa bundok ang location shooting ng nasabing pelikula. Mas challenging daw ‘yung nahihirapan sila, mas nabibigyan nila ng justice ‘yung role na ginagampanan nila. Mararamdaman mo raw ‘yung passion niya as an actress at kung gaano siya ka-professional kapag gumiling na ang kamera kahit napakahirap ng mga eksena.
Dalawang beses na nanalong Best Actress sa Cannes si Isabelle kaya’t nasisiguro ni Direk Brillante na “she’s perfect for the role”.
Pero teka, may tsikang medyo may tampo raw si Direk Brillante sa Star Cinema dahil magkasabay na ipalalabas sa mga sinehan ang pelikula niyang Captive at ang indie film na Bwakaw ni Eddie Garcia na parehong release ng Star Cinema. Sana naman daw nai-move ang playdate ng isa man sa nasabing pelikula para hindi maglaban sa takilya ang dalawang Tagalog films.
Next week, balik-Pinas na ang grupo ni Direk Brillante. Magi-ging busy na naman ito para i-promote ang pelikula nila ni Ate Guy na Thy Womb. Sayang nga lamang at hindi ito pumasok sa Metro Manila Film Festival. Walang panghihinayang na naramdaman ang director na hindi nakasali sa festival ang kanyang pelikula. “Ganoon talaga, wala akong sama ng loob sa bumubuo ng MMFF. Dapat tanggapin nating maluwag sa ating dibdib,” say niya.
Inamin din ni Direk Brillante na pangarap niyang idirek sina Nora at Vilma Santos kasama si Coco Martin. Nakausap na niya ang mga ito at excited ang dalawang veteran actress na gawin ang project. Kaya lang, schedule ang nagiging problema. Kung magiging maluwag ang schedule ng kanyang mga artista next year, malamang raw na matuloy ang pelikulang pagsasamahan nina Ate Guy, Ate Vi at Coco.
TAOS-PUSO AKONG nagpapasalamat kay Sen. Bong Revilla na siyang sumagot sa hospital bill ko sa PGH. Ganoon din kina Eddie Mendoza, Cynthia Cole, Oskar Peralta, Peri Diaz, Mayor Herbert Bautista, Mayette & Charles Yulo, Mother Betchay at Sandy and Karen Javier, Sheila Quieta, Sheila Vidanes at Direk Ronald Carballo na walang sawang sumusuporta, salamat po.
Napakahirap magkasakit at operahan na hindi mo inaasahan. Mabuti na lang nand’yan ang mga tunay kong kaibigan na patuloy na dumadamay sa oras ng iyong pa-ngangailangan, maraming salamat sa inyong lahat.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield