Na-IMPRESS KAMI SA style ng pagdi-direk ni Buboy Tan sa indie Film na Tarima ni Fanny Serrano. Bago naging sikat na direktor si Buboy, nagsimula muna siyang manunulat sa Komiks (GASI Publication) at gumawa ng series of sex experience sa tabloid nu’ng dekada ‘80. Sa tulong ng kapatid niyang si Gabby Francisco (production designer ng Amazaldy Films), naging assistant production designer, wardrobe at setman siya sa iba’t ibang movie production.
“I’m lucky dahil ang mga naging direktor ng kapatid kong si Gabby ay mga sikat na direktor. ‘Pag action ang ginawa niya sina Direk Totoy Buenaventura, Carlo J. Caparas at kung sinu-sino pa ang nakakatrabaho niya. Natuto ako sa mga direktor na ‘yun, malaki ang natutunan ko kay Direk Carlo. Kung mayroon man akong iniidolo at tinitingalang direktor sa ngayon, si Direk Carlo ‘yun. Naniniwala akong magaling siyang direktor at scriptwriter. A good director is a good storyteller din, ‘di ba? Si Carlo J. Caparas lang ang puwedeng tawaging ‘A Film by…’ kasi siya mismo ang scriptwriter. Hanggang ngayon idol ko pa rin sina Carlo J. at Ed Palmos dahil sila ang mentor ko sa pagiging direktor.”
Then nakilala niya si Direk Ed Palmos at ginawa nila ang Narcisa, Bulaklak Ng Tukso. Napansin ng beteranong direktor na magaling si Buboy sa paggawa ng dialogue sa mga artista kaya ginawa agad siyang assistant direktor ni Direk Ed.
“Ginawa namin ‘yung Gabby Concepcion at Cristina Gonzales, assistant director na niya ako du’n, nagtuluy-tuloy na. Du’n na ako nahasa. Nakapagdirek din ako sa Viva Films ‘yung Kaliwa’t Kanan Sakit Ng Katawan starring Jay Manalo. Si Dante Javier ang unang nagpasok ng pito-pito sa Viva then kinuha ako ng Viva Films. That time, may project din ako kay William Leary, ‘yung Makamandag, Amanda Page ang bida. Hindi natuloy ‘yung project dahil naging Best Actress siya sa Rizal, ayaw nang mag-bold.”
Kumita sa takilya ang unang pelikula ni Direk Buboy sa Viva kaya may naka-line-up uli siyang project sa pakiusap ni Vic del Rosario. “Na broken-hearted ako so, hindi ako nagpakita sa kanila. Pinasok ng iba’t ibang grupo, malalaking direktor. May nagsabi kay Boss Vic, ‘Gagawa ka rin lang ng bold, bakit si Buboy Tan pa ang direktor?’ Du’n na pumasok ‘yung mga pelikula ng Viva quality na bold. Hindi ko nga naiisip na magiging direktor ako, simple lang ang pangarap ko…”
Kahit pito-pito ang klase ng pelikulang ginagawa ni Direk Buboy, patok naman ito sa masang Pinoy. Patuloy pa rin siyang pinagkakatiwalaan ng mga producers. “Sa awa ng Diyos hindi ako nawawalan ng project. Hindi naman ako naghahanap ng producer, sila ang lumalapit pa rin sa akin. Mabait sa akin ang Poong Nazareno, deboto kasi ako. Masaya naman ako kahit pito-pito lang ang ginagawa ko, marami pa rin ang nagkakagusto. Hindi ako nagpapakita ng ari. That time, in demand ang bold. Never akong gumawa ng pene movie, hindi ako nagpakita ng private parts ng mga artista.”
Ano kaya ang reaksiyon ni Direk Buboy kapag sinasabing basura ang kanyang mga pelikula at wala siya sa mainstream as a director? “Hindi naman, basta may trabaho lang, happy na ako! Hindi naman ako umaasa ng award-award, mayroon na rin akong award as Best Director, Best Production Designer at Best Screenplay. Naging Best Production Designer ako sa Ayaw Matulog Ng Gabi ni Direk Carlo J. Caparas. Best Screenplay ako sa Ataol For Rent… sa Famas Best Screenplay, Best Story rin.
“Dati apektado ako, hindi pa uso ang indie. ‘Yun ang turing sa akin ng mga tao, ng mga direktor nu’ng time na ‘yun. Alam mo, nu’ng ma-interview ako ni Kris Aquino dati sa Kris, ‘yun nga, basura raw ang ginagawa kong pelikula according to them. Sabi ko, hindi! Actually, gumagawa na ng bold film ‘yung mga direktor na tinitingala ko. I look up to them kasi nga ‘yung mga ginawa nilang pelikula, dekalidad. Gusto ko ring tahakin ‘yung na-achieve nila as a direktor, pero bumaba sila sa level ko. Hindi ko naman inaakyat ‘yung level nila, bumaba sila kasi nu’ng time na ‘yun, kumikita ang pelikula ko, bakit? Sa isang linggo, dala-dalawa, parehong pelikula ko magkalaban sa takilya. Sabay-sabay, mayroon akong release kaya… hindi ko naman kinakalaban ang sarili kong pelikula, nagkataon lang na ganu’n. Ayaw kong sabihin na… bakit sunud-sunod? Ibig sabihin, marami pa rin ang nagtitiwala sa akin as a director. Ngayong bumaba sila, sumunod rin sila sa uso kaya gumawa rin sila ng bold film.”
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield