Isa-isang sinagot ni Direk Cathy Garcia-Molina sa interview ni Boy Abunda ang alegasyon sa kanya ng talent na si Alvin Campomanes ng pagmumura at pagmamaltrato sa set ng “Forevermore“.
Inilabas ng ABS-CBN ngayong araw, Sabado, January 16, ang 17-minute video ng interview, kung saan sa kauna-unahang pagkataon, sumagot na ang direktor sa nasabing isyu.
Ayon kay Direk Cathy, sa social media niya nalaman ang tungkol sa open letter ni Alvin at ng girlfriend na si Rossellyn. Sa mga panahon din iyon, kung anu-anong masasakit na salita na rin ang ibinato ng mga netozen sa kanya, maging sa kanyang mga anak at pamilya.
Inamin din ni Direk Cathy na namura niya si Alvin sa set ng naturang teleserye. Pero paliwanag niya, “Hindi rin kasi nakalagay sa letter, ilang beses siya nagkamali. Hindi rin naman nakalagay sa letter, ilang beses paulit-ulit kunan ‘yun. Hindi nakalagay sa letter anong senaryong bumabalot, kung bakit ako nakarating sa ganoong emosyon? I admit, nagkamali ako. I admit nagmumura po ako... With all good intentions of course, of sana mapaganda ‘yung show, mapaarte ‘yung artista, makuha ang kailangan para maging maganda ‘yung show.”
Hindi naman daw sa binibigyang-katuwiran ng direktor ang kanyang pagmumura sa set. “Mali, mali ang magmura. Pero sana ilagay natin [ang sitwasyon] sa konteksto,” aniya.
Ipinaliwanag din ni Direk Cathy na sa taping ng partikular na episode kung saan kabilang sina Alvin at Rossellyn na napakalayo niya sa set dahil malawak ang kinukunang eksena. Gumagamit umano siya ng microphone at ang assistant direktor ang nagpapatakbo ng set. Hindi umano makuha ni Alvin ang eksena kahit pa nakapag-rehearse na sila at maraming beses na umanong nabigyan ng instructions. “‘Yung sumunod, nagsalita ako. To be exact ang sinabi ko, ‘Sino ba kausap mo ba’t ‘di ka tumingin? Tingnan mo, ang kulit mo naman, eh. Pakshet ka.“
“Dito sa industriya natin, hindi ko sinasabing tama ang pagmumura. Pero din, sa atin, may ibang kahulugan ang pagmumura. Hindi na siya mura to degrade or to humiliate, or to insult anyone. Ano na na lang siya, bukambibig,” paliwanag pa niya.
“Ang tanging alam ko, nagmura ako. ‘Yun lang ang tanging alam ko. Hindi ko siya minaltrato. Hindi pa niya na-appreciate na tinawag ko silang mga artista ko,because that’s what I believed in. I believed the talents, or the extras if you may call them, they’re also actors. Pare-pareho iyan sa akin,” sagot naman ni Direk Cathy kung dapat ba siyang suspendihin dahil sa pangyayari.
Hindi rin maiwasan ng direktor na maiyak habang iniinterbyu ni Boy, lalo na nang ikumpara siya sa mga kontrabidang karakter sa “Noli MeTangere” at “El Filibusterismo” ni Jose Rizal.
“Tito Boy, I am not intelligent. I am not as intelligent as him. But I am not heartless. I may have committed mistakes, I have made a lot of mistakes. I have offended people time and again. Hindi ako malinis na tao. ‘Di ako masamang tao. Nagmumura ako, yes, but I don’t think it’s the gauge of a good person or bad,” aniya.
Dagdag pa niya, “I will get mad, ‘di ba aakyat ang temper ko, magagalit ako? Pero sana intindihin nila at isipin nila na lahat ‘yun para sa show, that at the end of the day, lahat bati-bati. And I thought that was what happened. And I thought after cursing, na hindi ko sinasadiyang makasakit – hindi ko alam nasaktan ko siya, had I known, I would have said sorry.”
“Lagi sa bawat project, nakataya ang leeg ko. Minsan siguro mahirap lang talaga, Tito Boy, sa pagtaya ng leeg na ‘yun, mahirap na hindi magalit at magsalita ng masakit. At kung nagawa ko man, I am sorry to all those I have offended.”
Itinanggi rin ni Direk Cathy ang paratang na minamaliit niya ang mga ekstra. “Nagsimula ako sa simulang-simula. Dumating ako sa industriyang ito walang kaalam-alam. It took these people, these good people to teach me. But I’ve had my share of those cursing and humiliating words.”
Hindi rin daw mag-iiba ang pagtrato niya kay Alvin kung nalaman niyang UP professor ito. “Pero magbabago. Dahil kung malalaman kong bago siya, magbabago, kung nalaman ko na baguhan siya. Kasi maghahaba ang pasensiya ko para sa kanya.”
Sa bandang huli, sinabi ng direktor na kinailangan niyang magsalita para ipaliwanag ang kanyang side, dahil marami na umano ang umaatake sa kanya at sa kanyang pamilya kahit hindi alam ang buong istorya.
“Namura ko siya, nakapagmura ako, dahil nagkamali siya bilang artista ko. Hanggang doon lang ‘yon. Ang natanggap ko beyond what I deserve. Sana after po nito, matapos na ‘yon. Sana maiwan ‘to sa aming dalawa lang ni Alvin at kay Rossellyn. Sana makapag-usap kami, mag-a-apologize ako if I need to, I will. I will own up to my mistake kasi nagkamali ako, nakapagmura ako sa mga hindi pala nakaaalam sa industriyang ‘to. But beyond that, wala na akong ihihingi na sorry, Kuya Boy.”
Kinuwestiyon din ni Direk Cathy kung bakit sa social media dumiretso sina Alvin at Rossellyn. Aniya, si Alvin lang daw ang nasaktan niya, at hindi ang kanyang pamilya. Hindi rin daw direktang si Alvin ang kanyang minura, kundi ang ginagampanan nitong karakter sa serye.
“Bakit ako, bitbit lahat? Ba’t kailangan masira ako sa maraming tao? Iyon po ang hindi ko maintindihan. And kung ano man po ang dahilan niya, tama si Rossellyn, sana magkatawaran kami.”
Samantala, nagbigay naman ng pahayag si Alvin sa kanyang Facebook account matapos na mapanood ang nasabing interbyu kay Direk Cathy.
Ani Alvin sa kanyang post ngayong araw din, January 16, “Ngayong umaga ko lamang napanood ang interview ni Boy Abunda kay Cathy Garcia Molina.”
Isa-isa ring binigyan ng reaksiyon ni Alvin ang mga puntong binanggit ni Direk Cathy sa interbyu.
“Narito ang aking reaksyon sa ilang punto na kanyang nabanggit:
“1. Hindi maaring ihiwalay ang karakter sa taong gumaganap nito. Ang pagpapahiya sa isang tao ay tatatak sa kanyang pagkatao, hindi lamang sa ginagampanan niyang papel sa set. Alam ito ng mga talent at crew na namura na at napahiya. Sabi nga ng isang matandang talent na nagpadala ng mensahe sa akin, dala nila ang sakit hanggang pagtanda dahil hindi nila nagawang tumindig at lumaban.
Maling-mali ang pahayag na ‘pagmumura lang’ ang kanyang ginawa. Halimbawa, nang sigawan niya ako ng ‘alam mo, ikaw, inutil ka!’ at hinayaan niyang pinagtawanan ako sa set, hindi ba pagpapahiya ang tawag doon? Nakita ko kung paano niyang sawayin ang pagtawa ng crew kapag artista ang nagkakamali sa pagbigkas ng kanyang linya. Dagdag pa, para sa akin, di hamak na mas malaki ang impact sa lipunan ng aking propesyon kaya labis akong nasaktan.
“2. Taliwas sa kanyang sinabi, ang pinakamaraming beses na nagkamali ako ay dalawang hanggang tatlong beses. Puro blocking lang ang naging pagkakamali ko, napakadali sanang itama kung maayos lamang ang pagbibigay ng instruction. Hindi naman mahina ang ulo ko para umunawa ng simpleng instruction, lalo na kung blocking lang.
Ang aking tanong, bakit hindi siya bastos sa ‘malalaking’ artista?
“3. Bagamat maayos ang pagtatanong ni Boy Abunda, may mga detalye ang open letter na halatang mahirap gawan ng tanong dahil sa implikasyon nito hindi lamang sa network kundi sa buong industriya.
“4. Ang pagpapalitaw ni Cathy Garcia Molina ng anggulo na natatakot siya sa kanyang seguridad, sa aking palagay, ay kalkulado para kunin ang simpatya ng tao.
Sa aming dalawa, sino kaya ang mas lantad sa panganib? Ni wala akong kotse at sumasakay lang ako sa jeep sa pagpasok at paglabas sa UP. Tahasang sinabi sa akin ng isang prominenteng abogado na mapanganib ang aking ginagawang paglaban, na maari ko itong ikamatay.
“5. Bakit inilabas ang sulat sa social media? Lampas sa isang taon kaming naghintay ng hustisya mula sa ABS-CBN. Ang tanging hiningi namin noon ay pagharapin kami, pahingiin sila ng paumanhin at patawan sila ng disciplinary action. Nakailang palitan kami ng email nina Cory Vidanes at Lauren Dyogi, pareho silang nangako ng agarang aksyon ngunit walang nangyari. Maari rin nating itanong, kung ito kaya ay hindi naging viral, umaksyon pa kaya ang network? Malamang hindi na.
“6. Hindi lamang kami ang nasaktan sa kanilang ginawa sa amin. Hindi ba nasaktan ang aming pamilya? Halimbawa, sa akin, hindi ba nasaktan ang mga aking mga naging estudyante at mga kaibigan, lalo na ang mga kapwa ko guro?
“7. Bakit lumabas ang sulat pagkatapos ng Forevermore at A Second Chance? Delicadeza. Nasagot na ito sa open letter. Sa kabila ng kaapihang dinanas namin, pinili namin na huwag ilabas ang sulat noong tumatakbo pa ang teleserye at nasa mga sinehan pa ang pelikula upang hindi masabi ng network na ito’y paninira lamang o propaganda.
“Nakailang request ng interview ang iba’t ibang network sa amin pero wala kaming pinaunlakan KAHIT ISA. Ayaw naming gamitin ng mga karibal na network ang isyu laban sa ABS-CBN.
Ito ba’y hindi pa rin nila kayang ipagpasalamat?”
By Parazzi Boy